May isang batang
babaing mahirap. Nag-aaral siya. Sa paaralan ay kapansin-pansin ang kanyang
pagiging walang imik. Madalas ay nag - iisa siya. Lagi siyang nasa isang sulok.
Kapag nakaupo na’y tila ipinagkit.
Lagi siyang nakayuko, mailap ang mga mata, sasagot lamang kapag tinatawag ng
guro, halos paanas pa
kung magsalita.
Naging mahiyain
siya sapagkat maaga niyang nalaman na kaiba ang kanyang kalagayan kung
ihahambing sa mga kaklase. Ipinakita at ipinabatid nila iyon sa kanya.
Mayayaman sila. Magaganda at iba-iba ang kanilang damit na pamasok sa paaralan.
Madalas ay tinutukso siya dahil sa kanyang damit. Ang kanyang damit, kahit
malinis ay halatang luma na, palibahasa ay kupas na at punung-puno pa ng sulsi.
Kapag oras ng
kainan at labasan nag kani-kaniyang pagkain, halos ay ayaw niyang ipakita ang
kanyang baon. Itatago niya sa kanyang kandungan ang pagkain, pipiraso nang
kaunti, tuloy subo sa bibig, mabilis upang hindi malaman ng mga kaklase kung
ano ang dalang pagkain. Sa sulok ng kanyang mata’y masusulyapan niya ang mga pagkaing dala ng kanyang mga
kaklase gaya ng mansanas, sandwiches, mga imported at mamahaling tsokolate .
Ang panunukso ng
mga kaklase ay hindi nagtatapos sa kanyang mga damit. Tatangkain nilang silipin kung
ano ang kanyang pagkain at sila’y magtatawanan kapag nakita nila na ang kanyang
baon ay isa lamang pirasong tinapay na karaniwa’y walang palaman.
Kaya lumayo siya
sa kanila. Siya ay naging walang kibo at mapag -isa.
Ang nangyayaring
ito ay batid ng
kanyang ina. Pag uwi sa bahay, madalas siyang umiiyak dahil sa panunukso ng mga
kaklase at siya’y nagsusumbong sa ina. Mapapakagat - labi ang kanyang ina,
matagal itong hindi makakibo,
at sabay haplos nito sa kanyang buhok at may pagmamahal na sasabihin sa kanya,
“Bayaan mo sila, anak, huwag mo silang pansinin. Hayaan mo, kapag nagkaroon ng
trabaho ang iyong ama, makapagbabaon ka na rin ng masasarap na pagkain.
Maibibili rin kita ng maraming damit.”
At lumipas pa ang
maraming araw. Ngunit ang ama ay hindi pa rin nakakuha ng trabaho kaya ganoon
pa rin ang kanilang buhay. Ang bata naman ay unti-unting nakauunawa sa kanilang
kalagayan. Natutuhan niyang makibahagi sa malaking suliranin ng kanilang
pamilya. Natutuhan niyang sarilinin ang
pagdaramdam sa panunukso ng mga kaklase. Hindi na siya nagsusumbong sa kanyang
ina.
Sa kanyang
pagiging tahimik ay ipinalagay ng kanyang mga kaklase na siya ay kanilang
talu-talunan kaya lalong sumidhi ang
kanilang pang-aasar. Lumang damit. Di-masarap na pagkain. Mahirap. Pilit na
ipinasok nila sa kanyang isip.
Hanggang nang
isang araw ay natuto siyang lumaban.
Sa buong pagtataka
nila’y bigla na lamang natutong sumagot ang mahirap na batang babae na laging
luma, kupas at puno ng sulsi ang damit. Ang batang babae na ang laging baon ay
tinapay na walang palaman. Isa na naman iyong pagkakataong walang magawa ang
kanyang mga kaklase kung hindi ang tuksuhin siya.
“Alam ninyo,” sabi
niya sa malakas at nagmamalaking tinig, ”ako’y may sandaang damit sa bahay.”
Nagkatinginan ang
kanyang mga kaklase. Hindi sila makapaniwala. “Kung totoo iyan ay bakit lagi na
lang luma ang isinusuot mo?”
Mabilis ang sagot
niya, “dahil iniingatan ko ang aking sandaang damit. Ayokong maluma agad.”
“Sinungaling ka!
Ipakita mo muna sa amin para kami maniwala!” iisang sabi nila sa batang
mahirap.
“Hindi ko madadala
rito. Baka makagalitan ako ni Nanay. Kung gusto ninyo ay sasabihin ko na lang
kung ano ang tabas, kung ano ang tela, kung ano ang kulay, kung may ribbon o
may bulaklak.”
At nagsimula na
nga siya sa kanyang pagkukwento. Paano ay inilalarawan niya hanggang
kaliit-liitang detalye ang bawat isa sa kanyang sandaang damit. Tulad halimbawa
ng isang damit na pamparti. Makintab na rosas ang tela na maraming mumunting
bulaklak, bolga ang manggas, may tig-isang ribbon sa magkabilang balikat.
Hanggang sakong ang haba ng damit. O kaya ay ang kanyang dilaw na pantulog na
may burda. O ang kanyang puting pansimba na may malapad na sinturon at malaking
bulsa.
Mula noon ay
naging kaibigan na niya ang mga kaklase. Ngayon, siya na ang laging nagsasalita
at sila ang nakikinig. Lahat sila ay natutuwa sa kanyang kwento tungkol sa
sandaang damit. Nawala ang kanyang pagiging mahiyain. Naging masayahin siya
bagaman patuloy pa rin ang kanyang pamamayat kahit na ngayo’y nabibigyan nila
siya ng kapiraso ng kanilang baong mansanas o sandwich.
Isang araw, hindi
pumasok sa klase ang mahirap na batang babaing may sandaang damit. Saka ng
sumunod na araw at ng sumunod pang araw. Pagkaraan ng isang linggong hindi
pagpasok ay nag-alala ang kanyang mga kaklase at guro.
Isang araw ay
nagpasya silang dalawin ang batang matagal ng absent sa klase. Ang natagpuan
nilang bahay ay sira-sira at nakagiray na
sa kalumaan.
Lumabas ang isang
babaing payat, iyon ang ina ng batang mahirap. Sila ay pinatuloy at nakita nila
ang maliit na kabuuan ng kabahayan na salat na salat sa marangyang
kasangkapan. Sa isang sulok ay isang lumang papag at doon nakaratay ang
batang babaing may sakit pala. Ngunit sa mga dumalaw ay di agad ang maysakit
ang napagtuunan ng pansin kundi ang mga papel na maayos na nakadikit sa
dingding sa may tabi ng papag. Lumapit sila sa sulok at nakita nilang ang mga
papel na nakadikit sa dingding ay yaong mga drowing ng bawat isa sa sandaang
papel. Magaganda, makukulay. Naroong lahat ang kanyang naikuwento. Totoo at
naroroon ang sinasabi niyang rosas na damit na pamparti. Naroroon din ang
drowing ng kanyang damit pantulog, ang kanyang pansimba, ang mga sinasabi
niyang pamasok sa paaralan na kailanma’y hindi nasilayan ng mga kaklase dahil ayon sa kanya’y nakatago at
iniingatan sa bahay.
Sandaang damit na pawang drowing lamang.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.