Hello!
Ola! Konnichiwa! Annyonghaseyo! Hindi ba’t napakagandang pakinggan. Mga salita
mula sa iba’t ibang bansa, mga wika mula sa iba’t ibang kultura, batid kong
kilala mo sila. Ang wikang Filipino, kilala mo rin kaya?
Isang
pagbati ng magandang araw sa lahat ng mga manonood.
Korean,
Japanese at Ingles. Ilang lamang ito sa mga wikang gustong matutunan ng bawat
Pilipino lalong-lalo na ang mga kabataan. Pilit natin itong pinag-aaralan at
kahit magkabuhul-buhol man ang ating dila sa mga wikang ito ay paglalaanan pa
rin natin ito ng laway at panahon. Hindi ba’t kahanga-hanga tayong mga
Pilipino! Sa kaunting determinasyon, panahon at K-dramas tiyak kong matututo
rin tayong magsalita ng ibang wika.
Ang
tanong, kaya mo rin bang maglaan ng ganito sa ating wikang Filipino?
Kung
karamihan sa atin ang siyang tatanungin, batid kong sasabihin nilang oo. Aba,
buong buhay mo sa paaralan ay may asignaturang Filipino. Tama, mula nang
mamulat tayo sa ating mundo at mula nang matuto tayong sumulat at bumasa ay
kasa-kasama na natin ang wikang Filipino. Pinag-aaralan ang bawat salita,
istruktura, at balarila nito, at maging ang mga iba’t-ibang anyo ng panitikan.
Ngunit, bakit mo nga ba pinagtitiyagaan ang
asignaturang Filipino? Dahil ba sa gusto mong makilala ang Filipino? O dahil
isa ito’y kailangan para makakuha ng isang diploma?
Mga
kapwa kong Pilipino, hindi sapat ang kaalaman upang sabihing kilala natin ang
isang tao, bagkus, nangangailangan ito ng pagpapahalaga, pagsisikap, pag-unawa
at pagmamahal. Ganoon din sa wikang Filipino. Hindi natin masasabing kilala
natin ang sariling wika kung hindi natin ito pinapahalagan, nilalaanan ng oras,
inuunawa at minamahal.
Pansinin
niyo sa aspektong teknikal. Marami sa mga Pilipino ang nagkakamali pa rin sa
pagbabaybay ng mga salita o sa pagbuo ng mga pangungusap; maging sa wastong
paggamit ng mga bantas. Hindi rin tayo naglalaan ng panahon upang tumingin sa
mga talasalitaan o magsaliksik man lang tungkol sa ating wika. Salungat sa
tuwing tayo’y nag-aaral ng Ingles. Hindi tayo magkahumayaw tumingin sa talasalitaan
para itama ang baybay ng salitang Ingles.
Mas
pinagsisikapan nating maging tama sa tuwing tayo’y sumusulat sa Ingles kaysa sa
tuwing tayo’y sumusulat sa Filipino.
Hindi
ko sinasabing masamang mag-aral ng ibang wika. Kung tutuusin ay magandang
pagkakataon ito upang makilala ang kultura ng ibang bansa. Ngunit, kung mas
pinapahalagahan natin ang pag-aaral ng ibang wika kaysa sa pag-aaral ng
sariling wika ay isa itong malaking kamalian. Lahat tayo ay mga Pilipinong
binuklod ng wikang Filipino at tungkulin nating paunlarin, mahalin at kilalanin
ang saraling atin.
Sana’y
paunlarin natin sa ating sarili ang wikang Filipino hindi dahil sa kailangan mo
ng diploma kung hindi dahil isa kang Pilipino. Pag-aralan mo ang Filipino tulad
ng pag-aaral mo ng Ingles. Kilalanin mo ang Filipino tulad ng pagkilala mo sa
iba pang wika. Tandaan, maraming kultura ang nagtatago sa bawat pangungusap ng
wikang Filipino. Maraming buhay ang nagtatago sa bawat salita ng ating wikang
Filipino. At higit sa lahat, maraming kalayaan na ang ibinigay ng tinig ng
wikang Filipino.
Pilipino
ka kaya kilalanin mo ang wikang Filipino dahil ang wikang Filipino ang dahilan
kung bakit ka ngayon ay isang Pilipino.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.