Edukasyon!
Isang
salita na may siyam na titik lamang ngunit malaki ang ginagampanan sa lipunan.
Isang salita na madaling bigkasin at sulatin ngunit mahirap makamtan. Isang salita
na kayang bumago sa ating kinabukasan.
Pagbati
ng magandang araw sa inyong lahat na nakikinig.
Muli
nating balikan ang isang tanyag na kasabihan, "Ang edukasyon ay ang susi
ng kaunlaran.” Isang susi na magbubukas sa atin ng pintuan ng kaginhawaan.
Oportunidad
na marahil ang malaking naiaambag ng edukasyon sa bawat isa. Binibigyan tayo
nito ng isang bagong oportunidad upang baguhin ang takbo ng ating kapalaran.
Ito rin ang nagbubukas sa atin ng pintuan ng kaalaman na ating gagamitin sa pagharap
ng hamon sa buhay. Ang edukasyon din ang nagbibigay sa atin ng pagkakataon
upang umunlad at magkaroon ng isang magandang kinabukasan.
Kung
tutuusin, kapwang karapatan at isang prebilehiyo kung maiituring ang magtamasa
ng edukasyon. Isang karapatan na hindi abot ng iilan dahil sa hindi
matapos-tapos na problema ng kahirapan.
Ngunit,
alam ninyo ba na ang edukasyon din ang susi ng pag-unlad ng ating bansa?
Ang
mga naglalakihang gusali, mga transportasyon, mga kalsada, mga magagarang
mansyon at marami pang ibang mga bagay na nagpapatunay ng kaunlaran, lahat ng
iyon ay ‘di matutunan ng mga tao kung wala ang edukasyon. Datapwat, hindi
lamang ang mga materyal na bagay na iyan ang hinuhubog ng edukasyon. Humuhubog
din ito ng masisipag na manggagawa ng ating bansa. Ang mga manggagawa nating
patuloy na hinahangaan at pinagkatitiwalaan dahil sa hindi matatawarang
kakayahan na pinanday ng ating edukasyon.
Ibinunga
rin ng edukasyon ang mga propesyunal na personalidad sa ating bansa. Ang mga
guro, doktor, abogado – lahat sila ay hindi magiging matagumpay kung wala ang
tulong ng edukasyon. Maging ang mga mangangalakal sa ating bansa, sila ay bunga
ng edukasyon.
At sa
lahat ng naging bunga ng edukasyon ito ang pinakamahalaga – ang pangulo. Ang
pangulong siyang haharap sa isyung pambansa at ang magsusulong ng kaunlaran. Ang
kaniyang kaalaman na pinanday ng edukasyon ang siyang magiging sandata niya
upang hawakan nang mahusay ang isang bansa.
Pinatutunayan
lamang nitong ang edukasyon ay isa sa malaking salik ng ating pag-unlad.
Kung
walang edukasyon ay walang manggagawa. Kung walang edukasyon ay wala rin tayong
negosyante at mangangalakal. Wala tayong propesyunal tulad ng doktor, abogado o
guro. At higit sa lahat, wala tayong
responsableng pangulong maglalathala ng ating kaunlaran.
Mahalaga
ang edukasyon sa lahat, anumang antas at angkan. Huwag nating sayangin ang
pagkakataong ito dahil maswerte ka. Seryosohin ito sapagkat ikaw rin ang
makikinabang nito sa huli.
At
tayong may pinag-aralan, gamitin natin ito upang makatulong; at hindi upang
makapanlamang ng kapwa mo tao. Dapat batid mo kung ano ang pinagkaiba ng tama
sa mali at ng dapat sa ‘di-dapat gawin. Dapat maging ehemplo at inspirasyon tayo
sa iba.
Kaya
bilang isang edukadong tao, dapat tayo ang magiging simula ng kaunlaran – hindi
ng kasamaan at kasakiman. Tayo ang magsisilbing ugat sa inaasam nating
kaunlaran. Dahil sa atin magmumula ang panibagong yugto ng edukasyon. Isang
edukasyong magbubukas ng bagong pag-asa. Isang edukasyong magiging daan patungo
sa inaasam-asam nating kaunlaran.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.