Sa naunang mga aralin nalaman nating ang wika ay sinasalitang tunog. Ibig sabihin, bago pa naimbento at natuto ang mga taong magsulat gamit ang mga alpabeto ay nauna muna tayong natutong magsalita gamit ang wika.
Maraming mga dalubhasa, dalubwika, o mga iskolar ang sumubok na tuklasin ang sagot sa tanong na paano nagsimula ang wika. Nagkaroon ng iba’t ibang palagay ang mga tao sa kung paano, sino, bakit, at saan nagsimula ang wika. Ganoon pa man, sa kabila ng mga isinagawang pag-aaral, wala pa ring nakapagpatunay at nakatuklas sa mga sagot na ito.
Pahanggang sa kasalukuyan, ang mga palagay na ito ay nananatili pa ring mga teorya.
Mga Teorya ng Pinagmulan ng Wika
Narito ang mga teorya sa kung paano nga ba nabuo ang wika sa daigdig.
1. Tore ng Babel
Ang teoryang ito ay hango sa Bibliya na makikita sa aklat ng Genesis 11:1-8.
Ayon dito, sinasabing may iisang wika lamang ang ginagamit ng mundo, dahilan upang ang lahat ng tao ay magkaintindihan sa isa’t isa. Naging mapangahas at ambisyoso ang tao. Binuo nila ang Tore ng Babel sa paghahangad na maabot ang langit at mahigitan ang kapangyarihan ng Diyos.
Sinira at pinaguho ng Diyos ang tore. Upang magkawatak-watak at hindi na magkaintidihan ang mga tao, ginawa Niyang magkaiiba-iba ang wikang ginagamit ng bawat isa.
Ito ang nagpapaliwanag kung bakit nagkaroon ng iba’t ibang wika ang mundo.
2. Bow-wow
Nilalahad ng teoryang ito na nagsimula ang wika dahil sa panggagaya ng tao sa mga tunog mula sa kalikasan. Sinasabing mga sinauna o primitibong tao ay limitado at kulang-kulang ang bokabularyong ginagamit. Dahil dito, ang mga bagay sa kanilang paligid ay pinangalanan nila gamit ang mga tunog na nililikha nito.
Ito, marahil, ang nagpapaliwanag kung bakit tinawag na ‘tuko’ ang mga tuko.
3. Ding-dong
Tinawag ni Max Muller ang teoryang ito na simbolismo ng tunog. Ayos sa Teoryang Ding-dong, lahat ng bagay ay may sariling tunog na siyang kumakatawan o sumisimbolo rito. Nabuo ang wika ng mga tao dahil sa patuloy na panggagaya sa mga tunog na nililikha ng kalikasan, maging sa mga bagay na nilikha ng tao.
Sa pagdaan ng panahon, ang mga tunog na ito ay nagpabago-bago at nalalapatan ng bagong kahulugan.
4. Pooh-pooh
Sinasabi ng teoryang ito na nagmula ang wika dahil sa mga bulalas o ekspresyon ng mga tao. Nabuo ang mga salita dahil sa hindi sinasadyang pagbulalas ng mga tao bunga ng kanilang masisidhing damdamin tulad ng saya, takot, sakit, gulat, at lungkot.
Tulad ng salitang ‘aray’ kapag nasasaktan, ‘naku’ kapag nagugulat o kinakabahan, at ‘yehey’ kapag masaya.
5. Yo-he-yo
Ayon kay A.S. Diamond, isang liggwista, natutong magsalita ang tao dahil sa kaniyang pwersang pisikal. Nakabubuo ng tunog ang tao kapag gumagamit ng pwersa sa paggalaw. Halimbawa ng mga tunog kapag nagbubuhat ng mabibigat na bagay, ang ‘hiya’ kapag tayo ay sumisipa o nagka-karate.
6. Ta-ta
Nakabubuo ng tunog ang tao dahil sa panggagaya ng ating dila sa mga pagkumpas o paggalaw ng mga kamay. Ang mga tunog na ito ay kalaunang naging mga salita. Tinatawag din itong ‘ta-tana’ sa wikang Pranses.
Halimbawa rito’y ang pagkumpay ng mga kamay nang paibaba at paitaas kapag nagpapaalam. Kapag ang ating dila ay ginalaw nang paitaas at paibaba, tayo ay makabubuo ng tunog na ‘ta-ta’.
7. Yum-yum
Isinasaad ng teoryang ito na ang tao ay tumutugon sa pamamagitan ng pagkumpas ng alinmang bagay na nangangailangan ng aksyon. Ang pagtugong ito ay isinasagawa ng bibig ayon sa posisyon ng dila.
8. Sing-song
Iminungkahi ni Jesperson, isang liggwista, ang wika ay nagmula sa paglalaro, pagtawa, panliligaw, pagkausap sa sarili, at iba pang bulalas-emosyunal. Sinasabi rin niya, kaiba sa ibang teorya, ang mga bulalas na ito ay higit na mahaba at musikal.
9. Hey you!
Ayon kay Revesz, ang wika ay bunga ng pakikipagkontak o pakikipag-ugnayan ng tao sa kaniyang kapwa. Nagmula ito sa mga tunog na nagbabadya ng pagkakilanlan at pagkabilang. Napabubulalas din ang tao bilang pagbabadya ng takot, galit, o sakit.
Tinatawag din itong ‘teoryang kontak.’
10. Coo Coo
Nabuo ang wika dahil sa mga tunog na nililikha ng mga sanggol. Ginamit at ginaya ito ng mga matatanda upang ipangalan sa mga bagay-bagay na nasa paligid.
11. Babble Lucky
Ang wika ay nagmula sa mga walang kahulugan at walang kabuluhang bulalas ng mga tao. Maituturing na suwerte kung ang mga tunog na ito ay maaaring iugnay at ipangalan sa mga bagay na nasa paligid.
12. Hocus Pocus
Ayon kay Boeree, ang wika ay maaaring nagmula rin sa katulad na pinanggalingan ng mahikal at relihiyosong aspeto ng mga pamumuhay ng sinaunang tao. Maaari daw noo’y tinatawag ng mga sinaunang tao ang mga hayop sa pamamagitan ng mahikal na tunog. Kalaunan, ang mga tunog na ito ay naging pangalan ng mga hayop.
13. Eureka!
Ayon sa teoryang ito, sinadyang imbentuhin ng tao ang wika. Mayroon nang ideya ang mga sinaunang tao sa pagtatakda ng mga arbitraryong tunog upang ipakahulugan sa mga bagay. Kumalat ang ideyang ito at naging kalakalaran sa pagpapangalan ng mga bagay-bagay.
14. La-la
Sinasabi ng teoryang ito, ang nagtulak sa tao upang magsalita ay dahil sa mga pwersang may kinalaman sa romansa.
15. Ta-ra-ra-boom-de-ay
Ayon sa teoryang ito, ang wika ng tao ay nag-ugat sa mga tunog na kanilang nilikha sa mga ritwal. Ang mga tunog na ito ay nagpabago-bago at nalapatan ng iba’t ibang kahulugan.
16. Mama
Batay sa teoryang ito, nagmula ang wika sa mga pinakamadaling pantig ng mga mahahalagang bagay. Halimbawa ng mga sanggol. Imbes na sabihin nilang inay, mommy o mother, ang una nilang nabibigkas ay ang mga pantig na ‘mama’.
17. Wikang Aramean
May paniniwalang ang lahat ng wika ay nag-ugat sa wikang Aramean o Aramaic ng Syria. Sinasabing ang wika ng mga Aramean ang kauna-unahang wikang ginamit sa daigdig. Ang mga Aramean ang sinaunang taong nanirahan sa Syria at Mesopotamia.
18. Ayon kay Charles Darwin
Nabuo ang wika dahil sa pakikipagsapalaran ng tao upang mabuhay. Ang mga pakikipagsapalarang ito ang nagtutulak sa tao upang makalikha ng iba’t ibang wika.
19. Ayon kay Rene Decartes
Likas na gumamit ang tao ng wikang naaangkop sa kaniyang kalikasan bilang tao. May aparato ang tao sa kaniyang utak upang magamit ang mataas at komplikadong antas ng wika upang mabuhay at magampanan ang mga tungkulin niya sa buhay.
20. Ayon kay Plato
Nalikha ang wika dahil ito ay pangangailangan ng tao. Katulad ng mga damit, pagkain, at tirahan, kailangan ng tao ang wika kaya niya ito naimbento.
21. Ayon kay Haring Psammatichos
Si Haring Psammatichos ay hari ng Ehipto. Nagsagawa siya ng isang eksperimento upang malaman kung paano nga ba nakapagsasalita ang isang tao. Nagpalaki siya ng dalawang sanggol sa isang kuweba. Ipinag-utos niyang hindi dapat makarinig ng anumang salita ang mga sanggol. Kalaunan, nakapagsalita ang dalawang bata ng ‘bekos’ na ibig sabihin ay tinapay.
Napag-alamang ang wika ay likas na natututunan ng isang tao kahit walang magturo sa kaniya.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.