Narito ang iba pang konseptong pangwikang dapat malaman:
1. Lingua Franca o Karaniwang Wika
Ito ang tawag sa ikalawang wikang ginagamit sa isang pook na may katutubong wika. Sa Pilipinas, isa sa lingua franca ay Tagalog sapagkat ginagamit ito ng mga lalawigan kahit sila ay may sariling dayalekto.
Ingles naman ang itinuturing pinakamalaking lingua franca sa buong mundo.
2. Wikang Pambansa
Ito ang wikang kinikilalang pangkalahatang midyum ng komunikasyon sa isang bansa. Kadalasan, ito ang wikang ginagamit sa pang-araw-araw na pamumuhay ng lahat ng mamamayan ng isang bansa.
Halimbawa:
- Pilipinas – Filipino
- Malaysia – Bahasa Melayu
- Japan – Nihongo
3. Wikang Opisyal
Wikang itinadhana ng batas na gagamitin sa mga talastasan ng pamahalaan. Sa Pilipinas, ang wikang opisyal na itinakda ng batas ay Filipino at Ingles.
4. Wikang Panturo
Ito ang wikang ginagamit sa pormal na edukasyon. Ito ang wikang ginagamit sa pagtuturo , pag-aaral sa mga eskuwelahan, at sa pagsulat ng mga aklat at kagamitang panturo sa silid-aralan.
Sa Pilipinas, may tatlong wikang panturo ang ginagamit: Filipino, Ingles, at unang wika (baitang 1-3).
5. Unang Wika o Mother Tongue (L1)
Ito
ang pinakaunang wikang natutunan ng isang tao mula sa kaniyang pagkasilang.
6. Ikalawang Wika (L2)
Ito naman ang wikang ikalawang natutunan ng isang tao.
7. Ikatlong Wika (L3)
Ito naman ang mga wikang natutunan ng isang tao matapos ang una at ikalawang wika.
8. Monolingguwalismo
Ito ang paggamit o pagpapatupad ng iisang wika sa isang bansa. Iisang wika ang ginagamit na wikang panturo, wika ng komersyo at negosyo, at wika ng pakikipagtalastasan.
Monolingguwal ang tawag sa taong iisang wika lamang ang kayang gamitin.
9. Bilingguwalismo
Ito ang paggamit ng dalawang wika na tila ito ang kaniyang mga katutubong wika.
Bilingguwal ang tawag sa taong may kakayahang gumamit ng dalawang wika na may pantay na husay.
10. Multilingguwalismo
Ito ay pagkakaroon ng tatlo o mahigit pang wika ng isang bansa o ng isang tao. Halimbawa rito ang Pilipinas na may iba’t ibang wikang ginagamit panturo at maging sa pakikipagtalastasan.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.