Lagi
ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa
isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako’y lumiligaya.
Ngunit walang anumang maganda sa kanyang anyo… at sa kanyang buhay…
Siya
ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanyang ng
pansin. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng
mga panunugutan sa paaralan, walang masasabing anumang pangkaraniwan sa kanya.
Siya’y
tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon
ang simula ng halos lahat ng kanyang pagsasalita. Iyon ang pumalit sa mga
salitang hindi niya maalaala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandaling
pag-aalanganin. Sa isang paraang malirip, iyon ay naging salamin ng uri ng
paniniwala sa buhay.
“Mabuti,”
ang sasabihin niya, “… ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t
umabot tayo sa bahaging ito… Mabuti… Mabuti!”
Hindi
ako kailanman magtatapat sa kanyang ng anuman kung di lamang nahuli niya akong
minsang lumuluha; nang hapong iyo’y iniluha ng bata kong puso ang pambata ring
suliranin.
Noo’y
magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood
sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa
isang tagong sulok ng silid-aklatan, pinilit kong lutasin ang aking suliranin
sa pagluha. Doon niya ako natagpuan.
“Mabuti’t
may tao pala rito,” wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa narinig. “Tila
may suliranin .. mabuti sana kung makakatulong ako.”
Ibig
kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong isipan
ay ibinilang kong kahihiyan ay kababaan ang pagkikita pa naming muli sa
hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Ngunit, hindi ako
makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong bigla sa katapat
na luklukan.
“Hindi
ko alam na may tao rito... naparito ako upang umiyak din.”
Hindi
ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang
kanyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa’y nakita ko ang bahagyang
ngiti sa kanyang labi.
Tinanganan
niya ang aking mga kamay at narinig ko na klamang ang tinig sa pagtatapat sa
suliraning sa palagay ko noo’y siya nang pinakamabigat.Nakinig siya sa akin, at
ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring iyo’y nagtataka ako kung paanong
napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos na bagay. Ngunit, siya’y
nakinig nang buong pagkaunawa, at alam ko na ang pagmamalasakit niya’y tunay na
matapat.
Lumabas
kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang naghihiwalay sa amin ay natatanaw
na nang bigla akong makaalala.
“Siyanga
pala, Ma’am, kayo? Kayo nga pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyo
na … iniiyakan ko?”
Tumawa
siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon; “ang sulok na iyon na …
iniiyakan natin… nating dalawa.” Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig:
“sana’y masabi ko sa iyo, ngunit… ang suliranin.. kailanman. Ang ibig kong
sabihin ay … maging higit na mabuti sana sa iyo ang … buhay.”
Si
Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa
pagsasalita niya mula sa hapag, pagtatanong, sumagot, sa pagngiti niyang
mabagal at mahiyain niyang mga ngiti sa amin, sa paglalim ng kunot sa noo niya
sa kanyang pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa sulok na
iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon... “Iniiyakan natin,” ang sinabi niya
nang hapong iyon. At habang tumataginting sa silid naming ang kanyang tinig sa
pagtuturo’y hinuhulaan ko ang dahilan o mga dahilan ng pagtungo niya sa
sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon, sa
aming sulok na iyong… aming dalawa…
At
sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong
magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang sinasabi. Ngunit, sa
tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming silid-aralan.
Pinuno siya ng maririkit na guni-guni ang aming isipan at ng mga tunog ang
aming pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat
aralin naming sa panitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan naming sa
kagandahan at ako’y humanga.
Wala
iyon doon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili pagkatapos na maipadama niya
sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang
pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos na lamang ng pangyayaring iyon sa
silid-aklatan.
Ang
pananalig niya sa kalooban ng maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, isa sa
mga pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang
pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na
karaniwan na lamang sa amin ay walang kabuluhan.
Hindi
siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng
pag-aaral naming sa kanya. Ngunit bumanggit siya tungkol sa kanyang anak na
babae, sa tangi niyang anak. .. nang paulit-ulit. Hindi rin siya
bumabanggit sa amin kailanman tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit, dalawa sa
mga kamag-aral naming ang nakababatid na siya’y hindi balo.
Walang
pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang maririkit ay nakapaligid
sa batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan niyon. Ang paglaki nang
mga pangarap niyon, ang nabubuong layunin niyon sa buhay. Minsan, tila
hindi namamalayang nakapagpapahayag ang aming guro ng isang pangamba ang
pagkatakot niyang baka siya hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang
anak. Maliban sa iilan sa aming pangkat, paulit-ulit niyang pagbanggit sa
kanyang anak ay iisa lamang ang mga bagay na “pinagtitiisang” pakinggan
sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat pagbanggit na iyon ay
nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon pa ma’y nabubuo na sa aking isipan ang
isang hinala.
Sa
kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang tungkol sa kaarawan ng kanyang
anak, ang bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga
kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog. Ang anak niya’y anim na
taong gulang na. Sa susunod na taon siya’y magsisimula na iyong mag-aral. At
ibig ng guro naming maging manggagamot ang kanyang anak- at isang mabuting
manggagamot.
Nasa
bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang isang bata sa aking likuran
ang bumulong: “Gaya ng kanyang ama!”
Narinig
ng aming guro ang ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya’y nagsalita.
“Oo,
gaya ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang
mukha habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi.
Iyon
ang una at huling pagbanggit sa aming klase ang tungkol sa ama ng batang may
kaarawan.
Matitiyak
ko noong may isang bagay ngang malisya sa buhay niya. Malisya nang ganoon na
lamang. At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang
ang layo sa kanya, kumirot ang puso ko sa pagnanasang lumapit sa kanya,
tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng gingawa niya nang hapong iyon sa sulok
ng silid-aklatan, at hilinging magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan
sa kanyang damdamin kung may mapagtatapatan siyang isang taong man lamang.
Ngunit, ito ang sumupil sa pagnanasa kong yaon; ang mga kamag-aral kong
nakikinig ng walang anumang malasakit sa kanyang sinasabing, “Oo, gaya ng
kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha.
Pagkatapos,
may sinabi siyang hindi ko makakalimutan kailanman. Tinignan niya ako ng buong
tapang na pinipigil ang panginginig ng mga labi at sinabi ang ganito :
“Mabuti…mabuti gaya ng sasabihin nitong Fe - lyon lamang nakararanas ng mga
lihim na kalungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim na kaligayahan.
Mabuti, at ngayon, magsimula sa ating aralin…”
Natiyak
ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon na hindi akin ang pangungusap na iyon,
ni sa aking mga pagsasalita, ni sa aking mga pagsusulat. Ngunit samantalang
nakatitig siya sa akin ng umagang iyon, habang sinasabi niya ang pangungusap na
iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na
sapagkat nakaranas ng mga lihim na kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na
kaligayahan.
At
minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay ng
kanyang mukha, muli niyang ipinamalas ang mga nagtatagong kagandahan sa aralin
namin sa Panitikan. Ang kariktan ng katapangan; ang kariktan ng
pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay.
At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging isang manggagamot din balang araw, ay namatay at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang lahat.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.