Muli
nating balikan ang isang tanyag na kasabihan: “Ang kabataan ay pag-asa ng bayan.” Ngunit sa
kasalukuyang panahon, ang kabataan pa rin ba ang pag-asa ng ating bayan?
Isang
pagbati ng mapagpalang araw sa lahat ng mga nakikinig!
Ayon
kay Gat Jose Rizal: “Ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan.” Gasgas man sa ating pandinig, hindi pa rin
ito maiaalis sa kaisipan at paniniwala ng bawat Pilipino. Ngunit, kung
titingnan natin ang mga kabataan sa kasalukuyang panahon – mga kabataang nasasadlak sa mga maling gawain,
masasabi pa kaya nating “Ang Kabataan ay pag-asa ng bayan”?
Nababalitaan
natin ang kaliwa't kanang ilegal na gawain na kinasasangkutan ng mga kabataan:
pagtutulak ng droga, pandurugas, paggagahasa at marami pang iba. Idagdag pa ang
mga kabataang nakatambay pa sa labas ng bahay kahit dis-oras na ng gabi, mga
kabataang parang nauubusan ng tela dahil sa iksi ng pananamit, mga kabataang
puro masasamang salita ang lumalabas sa bibig at mga kabataang agad kinain ng
kuryusidad ng kamunduhan. Sila pa nga ba ang pag-asa o ang pasakit sa bayan?
Kung
ako ang tatanungin, isa ring kabataan na nabibilang sa kasalukuyang panahon,
nananatili pa ring ang kabataan ay pag-asa ng bayan.
Tanging
ang kaniyang paligid ang humuhubog sa isang kabataan para lumandas sa
mali. Isa sa magandang halimbawa rito
ang kahirapang dinadanas ng mga kabataan sa bansa. Natututong gumawa ng labag
sa batas maibsan lamang ang hapdi ng kumakalam na tiyan. Natututong maging
kriminal para sa kaginhawaan. Natututong maging masama para sa ikabubuti ng
kaniyang pamilya. Gagawin ang lahat matamasa lamang ang mga bagay na hindi nila
makuha.
Bigyan-pansin
naman natin ang mga kabataang mas pinipiling magbanat ng buto kaysa sa maglaro
at mag-aral. Mga kabataang isinasakripisyo ang sarili nilang kaligayahan para
lamang sa kanilang pamilya. Mga kabataang maagang naulila pero patuloy na
nagsisikap at nagsisilbing padre de pamilya. Mga kabataang maagang iniwanan ang
‘kabataan’.
Isama
natin ang mga kabataang sa murang edad ay naging ina o ama pero mas piniling
harapin ang responsibilidad. Hindi sila naging duwag para harapin ang sariling
kamalian. Ang mga kabataang bagamat nasadlak sa masamang gawain ay natutong
ibangon muli ang sarili. Natuto silang ituwid ang kamaliang ginawa nila. Mga
kabataang naligaw ng landas pero hindi sumukong makita muli ang landas na tama.
Lahat
sila ay isa nang magandang rason upang sabihing ang kabataan ay pag-asa ng
ating bayan. Pag-asang mas pinaliwanag ng bawat paglubog. Pag-asang mas pinaningning
ng mga aral mula sa sariling kamalian. Pag-asang magsisilbing inspirasyon para
sa mga kabataang minsang nawalan ng liwanag. Isang pag-asa na kailangan ng
ating bayan.
Ang
pagkakamali nila ay bunga rin ng pagkakamali ng mga taong nakapaligid sa
kanila. Tungkulin ng bawat isa na hubugin ang kabataan. Tulungan silang umahon.
Bigyan ng pagkakataong itama ang mali, ituwid ang baluktot. Dahil, kung ano ang
itinanim natin sa kasalukuyan ay ito ring aanihin natin sa kinabukasan.
Nananatili
at mananatiling “Ang kabataan ay pag-asa ng bayan,” dahil sa murang edad ay
natuto na silang magtiis, magsakripisyo at umahon.
At,
lahat ng ito ay magiging susi upang isilang ang isang kabataang magiging
mabuting lider ng ating bansang sinilangan.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.