Sapat
na programa para sa lahat. Sapat na pagkain para sa mahihirap. May badyet ang
edukasyon, pangkalusugan at pang-impastraktura. Walang maghihirap, walang
maghihikahos. Ngunit, bakit ang lahat ng mga ito ay nauwi sa isang malaking
sana?
Isang
pagbati ng magandang araw mga kaibigan at sa inyong mga nakikinig.
Korapsyon
– iyan ang sistemang talamak sa ating pamahalaan. Isang sistemang nagiging ugat
ng matinding kahirapan sa ating bansa.
Ayon
sa ginawang pag-aanalisa ng Transparency International sa itegridad ng
pamahalaan ng 180 na bansa noong 2019, bumaba ang puwesto ng Pilipinas mula
ika-99 noong 2018 patungo sa ika-113. Ipinapahiwatig lamang nito na mas
lumalala ang kaso ng korapsyon sa ating bansa.
Isang
nakababahalang balita para sa mga Pilipinong buwan-buwang naghuhulog ng buwis
sa kaban ng ating bayan.
Kung
tutuusi’y hindi na bago sa ating pandinig ang problemang ito. Ang masama ay sa
bawat pagdaan ng bawat administrasyon ay mas lalong lumalala ang isyung ito sa
ating pamahalaan. Isang sakit na tila’y natural na sa mga pulitikong naluluklok
sa upuang pinag-aagawan nila.
Milyon-milyong
salapi ang napababalitaang nawawala sa bawat ahensya ng ating bansa na sana’y
pondo para sa mga proyekto. Isang magandang halimbawa rito ang hinihilaang
anomalya at iregularidad ng Philippine Health Insurance Corporation. Maraming
Pilipino ang umaasa at nagtitiwala sa institusyong ito, kaya hindi na
nakapagtataka kung bakit napakalaking usapin nito sa ating bansa.
Marami
nang napapatunayang nagkasala sa masamang gawaing ito, ngunit ganoon pa man,
hindi pa rin nasusupil ang mga buwaya sa pamahalaan. Ang butas sa ating kaban
ay mas lalo lang lumalaki sa bawat pagdaan ng panahon.
Nakalulungkot
isipin na kung sino pa ang maituturing na mga edukado ay sila pang
nananamantala sa mga Pilipino. Ginagamit ang utak para utakan ang ordinaryong
mamamayan. Ang kanilang pagkaganid sa salapi ang siyang nagpapalugmok sa
maraming mahihirap
Sana
ay may sapat na kagamitan para sa de-kalidad na edukasyon. Sapat ang badyet
para sa kalusugan ng mga Pilipino. May programang magbibigay ng trabaho sa
wala. May badyet para makatulong sa mahihirap. May bulsang pagkukunan tuwing
may sakuna. Isang malaking sanang hindi maabot, dahil ang pagsupil sa korapsyon
ay isa ring malaking sana.
Walang
vaccine o antidote sa pandemik na ito, dahil ang korapsyon ay isang kaugalian.
Walang pormula o matematika. Ang kailangan natin ay isang lider na handing
making sa panambitan ng kaniyang mga kababayan. At, tayo. Tama. Kaya nating
supilin ang korapsyon sa ating bansa. Tayo ang may kapangyarihang magtakda kung
sino ang uupo sa upuan ng pamahalaan. Gamitin natin ang isip at hindi ang puso.
Tulungan
natin ang bayan. Hindi matatahi ang butas sa ating kaban kung tayo mismo ang
nagbibigay ng gunting sa mga ganid na pulitiko.
Buksan
ang isip, palawigin ang karapatan. Iwaksi ang korapsyon, Pilipinas ay ating
ibangon.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.