Isang Pagbati ng magandang araw sa ating lahat.
Pagmasdan natin ang ating paligid, natutuwa ba
kayo – natutuwa ba kayo sa kasalukuyang nangyayari sa ating kalikasan? Natutuwa
ba kayo sa kaliwa’t kanang mga delubyo?
Kung oo ang iyong, marahil ay hindi mo lubos na
nauunawaan ang tunay na kalagayan ng ating kalikasan. Para sa iyong kaalaman,
sira na… sira na ang kalikasang bumubuhay sa atin. Sira na ang kalikasang
pinagkukunan natin. At, sino ang may gawa? Tao!
Pansinin natin ang ating paligid. Hindi ba’t mas
marami pa ang mga basurang ikinalat ng tao kaysa sa mga halaman. Mga basurang
ikinalat natin bunga ng kawalang-disiplina at katamaran. Ngayon, ang mga
basurang ito ang siyang naninira sa mukha ng kalikasan. Dinudumihan nito ang
iba’t ibang anyong tubig – lawa, dagat at maging ang mga ilog.
Idako naman natin ang ating tingin sa mga
kabundukan. Ang dating berde nitong damit ay animong unti-unting nawawala dahil
sa kagagawan ng mga tao. Isa na rito ang ilegal na pagpuptol ng mga puno at ang
pagkakaingin na minsa’y nagiging mitsa ng malawakang sunog. Hindi ba’t ang mga
kabundukan ang siyang pinagkukunan natin ng halos lahat ng ating
pangangailangan, at kanlungan din ito ng marami pang nilalang na umaasa sa
silong ng kabundukan.
Ngunit, ang mas nakababahala ay ang unti-unting
pagkawala ng ating mga kabundukan. At, ano ang rason? Matinding pag-aasam ng
pag-unlad.
Hindi naman bago sa atin ang ganitong patakaran.
Pinapatag ang bundok upang gawing kabahayan o industriya. Pinapatag ang bundok
upang tayuan ng mall at negosyo. Pinapatag natin ang bundok para sa ikauunlad
ng ating sarili.
Sa totoo lang, kung ating sisipatin nang mainam,
magmula sa mga pagtatapon ng basura pahanggang sa pagpapatag ng kabundukan ay
iisa lang ang nagiging mitsa. Iyon ay ang matinding pag-aasam ng tao upang
umunlad.
Walang masama sa pag-asam ng pag-unlad o pag-asam
ng kaginhawaan. Ang masama ay yung naninira na tayo nang sobra-sobra para
lamang sa ating mga sarili. Isipin natin na kahit kailan ay hindi matatawag na
maunlad ang isang bansa kung halos lahat ng kaniyang mamamayan ay nasasabik sa
malinis na tubig, matatamis na prutas at gulay, sariwang hangin at luntiang
paligid. Hindi pag-unlad ang tawag doon kundi isang delubyo.
Maaaring ang mga lindol o anumang sakuna ay isa
nang paalala sa atin na unti-unti na nawawala ang kalikasan mula sa ating
pangangalaga. Paalala na pinapatay na natin ang kalikasang bumubuhay sa atin.
Lahat ng mga iyon ay paalala na kaya ring gumanti ng kalikasan sa atin.
Mga kaibigan, responsibilidad natin ang
kalikasan, ibig sabihin ay alagaan natin ito at pagyamanin. Huwag natin ito
ipagpalit sa huwad na pag-unlad. Mahalin natin ito at pangalagaan dahil sa huli
kung ano ang ibinigay natin sa kalikasan ay siya ring kanyang ibabalik sa atin.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.