Ad Code

WIKA | Kahulugan at Katangian ng Wika

WIKA | Kahulugan at Katangian ng Wika


Ang wika ay isa sa mga mahahalagang sangkap upang magkaisa ang isang bansa. Ito ang nagsisilbing tulay ng mga tao upang magpahayag ng kanilang saloobin at pangangailangan. Wika rin ang nagbubuklod sa tao, at sa kultura, tradisyon at kasaysayan na nasaksihan nito sa pagdaan ng panahon. Tulad na lamang sa Pilipinas, ang wika ay nagmistulang pising bumigkis sa nag-aalab na makabayang diwa ng mga Pilipino laban sa mananakop.

Malaking bahagi ng ating kasaysayan at kultura ay kakambal ng wika. Ang pagtuklas dito ay hindi lamang sumasaklaw sa balarila kung hindi maging sa yaman na ipinagmalalaki ng bawat isa at ng bawat bansa.

 

Kahulugan ng Wika

Sa pagdaan ng panahon, maraming mga dalubwika, personalidad, artikulo o talasalitaan ang nagbigay ng pagpapakahulugan sa apat na titik na ito. Narito ang ilan sa mga sumusunod:

  • UP Diksiyonaryong Filipino. Ang wika ay lawas o koleksyon ng mga salita at sistema ng paggamit sa mga ito na laganap sa isang sambayanang may iisang tradisyong pangkultura at pook na tinatahanan.
  • Whitehead. Ang wika ay kabuuan ng kaisipan ng lipunang lumikha nito.
  • Bouman. Ang wika ay isang paraan ng komunikasyon sa pagitan ng mga tao sa isang tiyak na lugar para sa isang partikular na layuning gumagamit ng mga berbal at biswal na signal para makapagpahayag.
  • San Buenaventura. Ang wika ay isang larawang binibigkas at isinusulat. Isang kahulugan, taguan imbakan o deposito ng kaalaman ng isang bansa.
  • Sturtevant. Ang wika ay isang sistema ng mga arbitraryong simbolo ng mga tunog para sa komunikasyon ng tao.
  • Dr. Jose Villa Panganiban. Ang wika ay paraan ng pagpapahayag ng kuro-kuro at damdamin sa pamamagitan ng mga salita upang makipag-unawaan sa kapwa.
  • Henry Gleason. Ang wika ay isang masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinili at isinaayos sa paraang arbitraryo upang magamit ng mga taong nabibilang sa isang kultura.

Samakatuwid, ang wika ay lipon ng mga tunog o salitang ginagamit ng mga taong nabibilang sa iisang pangkat. Ang wika rin ang nagsisilbing salamin ng kultura at tradisyon ng pamayanang gumagamit nito.

 

Pinagmulan ng mga Salitang “Wika” at “Lengguwahe”

wika

Ang salitang wika ay nag-ugat sa wikang Malay. Isang wikang Austronesyanong sinasalita ng mga bansang Malaysia, Brunei, Thailand, Singapore, at Indonesia.

lengguwahe

Ang salitang lengguwahe (salitang Espanyol) o language (salitang Ingles) ay galing sa salitang Latin na “lengua” na nangangahulugang dila.


Katangian ng Wika

Katulad ng ibang bagay sa mundo, ang wika rin ay may iba’t ibang katangian. Ito ang mga sumusunod na katangian ng wika:

1. Ang wika ay sinasalitang tunog.

Ang wika ay nag-uumpisa sa mga tunog. Nabubuo ito sa tulong ng ating ngipin, dila, labi, ngalangala, lalamunan at ilong. Ang pagbibigay-katuturan sa mga tunog ay nagpasisimula sa salita hanggang sa maging ganap na wika.

Upang magkaroon ng kongkretong anyo, gumagamit ang wika ng mga titik o alpabeto bilang representasyon sa mga tunog.

2. Ang wika ay masistemang balangkas.

Ang wika upang maging isang wika ay kailangang buuhin ito nang may sistema at balangkas. Malinaw na nailalahad at nasusunod ang mga alituntunin sa wastong paggamit nito tulad ng mga balarila, pagbuo ng salita, pagbuo ng tunog, pagbuo ng pangungusap, paggamit ng bantas at iba pa.

  • Ponolohiya – pag-aaral sa tunog o ponema
  • Morpolohiya – pag-aaral sa salita o morpema
  • Semantiks – pag-aaral sa kahulugan ng salita
  • Sintaksis – pag-aaral sa istruktura ng pangungusap o sintaks
  • Ortograpiya – alituntunin sa wastong pagsulat

Kapag ang mga tunog ay pinagsama, ito ay magiging salita. Kapag salita ang pinagsama, ito ay magiging parirala. Kapag parirala ang pinagsasama, ito ay magiging sugnay. Ang pinagsamang-samang sugnay ay magiging pangungusap. Talata naman kapag pinagsama-sama ang mga pangungusap. At teksto ang tawag kapag pinagsama-sama ang mga talata.

tunog => salita => parirala => sugnay => pangungusap => talata => teksto


3. Ang wika ay arbitraryo.

Ang wika ay arbitraryo sapagkat binalangkas ito ayon sa layunin ng mga taong gumagamit nito. Ang sistemang nakapaloob sa isang wika ay pinagkasunduan ng mga taong nabibilang sa iisang pook o kultura.

Halimbawa ng salitang ‘utong’. Kung ito ay gagamitin sa lugar ng mga Katagalugan, ito ay tumutukoy sa isang bahagi ng katawan. Kung ito naman ay gagamitin sa lugar ng mga Ilokano, ito ay tumutukoy sa isang gulay. Halimbawa rin nito ang katagang ‘ako ay nakain ng manok’. Sa Tagalog-Maynila ito ay nangahuhulugang kinain ng manok ang tao; sa Tagalog-Batangas ito ay may ibig sabihin na kinain ng tao ang manok.

Ang pagkaibang ito ay dulot ng magkaibang napagkasunduan ng mga tao sa bawat lugar. Hindi maaaring ipilit ang iyong pagpakahuhulugang-Tagalog sa mga taong naninirahan sa Ilocos dahil sila ay may sariling sistema ng wika na pinagkasunduan.

4. Ang wika ay kaugnay ng kultura.

Sinasalamin ng wika ang kultura ng isang bansa. Sinasabing isang magkadikit na kambal ang wika at kultura na hindi ninuman mapaghihiwalay.

Katulad ng mga Pilipino na mahilig kumain ng kanin. Ang ganitong kaugalian ang nagbuhat kung bakit nagkaroon tayo ng mas detalyadong katawagan sa kanin.

  • palay – kaning nakatanim o may sapal pa
  • bigas – kaning hindi pa luto
  • sinaing – kaning niluluto pa
  • kanin – luto na
  • múmo – tira-tirang butil ng kanin
  • bahaw – tiring kanin o kaning lumamig
  • tutong – kaning natusta o nasunog

Ang paggamit ng ‘po’ at ‘opo’ sa pagsasalita ay nagpapakita ng magalang na kultura ng mga Pilipino. Maging ang katagang ‘tao po’ na ating sinasabi tuwing tayo ay kakatok ay may nakakabit ding paniniwala.

Kultura ang nagbibigay ng makulay at katangi-tanging katangian sa bawat wika na sinasalita ng bawat bansa.

5. Ang wika ay komunikasyon.

Wika ang pangunahing kagamitan ng tao sa pakipag-uusap o pakipagtatalastasan. Ito ang ginagamit natin upang matugunan ang ating pangangailan. Wika rin ang daan sa pakikipag-ugnayan. At ito ang tulay upang maipahayag ang ating saloobin o opinyon.

6. Ang wika ay dinamiko.

Ang wika ay buhay. Ito ay nagbabago kasabay ng ating lipunan at panahon.

Ang mga pagbabagong ito ay maaring magdulot ng pagkawala o pagkaluma ng ilang salita sa isang wika. Halimbawa sa Filipino, ang salitang ‘ulnong’ na ibig sabihin ay lipunan ay hindi na gaanong ginagamit pa.

Kasabay din ng pagbabago ang panganganak ng iba’t ibang kahulugan sa isang salita. Halimbawa na rito ang salitang ‘putok’ na maaring ipakahulugan sa isang uri ng tinapay, o sa tunog ng baril, o sa mabahong amoy.

Isa rin sa mga pagbabagong ito ay pag-iiba sa baybay ng isang salita tulad ng ‘lodi’ (idol) at ‘lespu’ (pulis).

Nagdudulot din ng mga bagong salita ang mga pagbabagong ito. Halimbawa rito ang mga salitang balbal tulad ng ‘datung’ (pera), ‘sinetch’ (sino), at ‘jowa/syota’ (kasintahan). Nakabubuo rin ng mga bagong salita dahil sa pagiging moderno ng panahon. Halimbawa sa larangan ng teknolohiya nariyan ang mga salitang ‘social media’, ‘gigabytes’, at ‘Facebook’. 

7. Ang wika ay malikhain.

Taglay ng wika ang kakayahang bumuo ng walang katapusang mga salita. May kakayahan ang taong mag-imbento ng panibagong salita upang tumugon sa pangangailan ng wika o buhat ng malikot na pag-iisip. Halimbawa nito ang mga salitang balbal.

Malikhain ang wika dahil din sa maaaring magkabit ang tao ng iba’t ibang kahulugan sa isang salita. Halimbawa sa salitang buwaya na maaaring tumukoy sa isang mabangis na hayop o sa isang korap na opisyal.

Nagiging malikhain ang wika sapagkat nakabubuo ang tao ng mga pangungusap o katagang kaiba sa nakasanayang gamitin ng iba. Halimbawa nito ang mga idyoma at tayutay na karaniwang ginagamit sa masisining na panitikan tulad ng tula at maikling kuwento.

8. Ang wika ay natatangi.

Walang wika sa mundo ang may magkaparehong katangian. Ang bawat wika ay natatangi dahil may kaniya-kaniya itong taglay na kultura, kasaysayan, balangkas o sistema, at paraan ng paggamit.

9. Ang wika ay pantao.

Ang wika ay pantao sapagkat tao lamang ang may kakayahang gumamit nito. Tao lamang ang may kakayahang magkabit ng kahulugan sa mga tunog, may kakayahang gumawa ng panibagong mga tunog o salita, may kakayahang bumuo at sumusunod sa mga alituntunin o sistemang pangwika, at may kakayahang gumamit nito sa isang epektibong komunikasyon.

10. Ang wika ay ginagamit.

Upang patuloy na maging isang wika ang isang wika, kailangang ginagamit ito ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na pakipagtatalastasan. Sa pamamagitan nito, napanatitili ang pangunahing layunin ng isang wika sa lipunan.

Kapag ang wika ay hindi na ginagamit ng mga tao sa pang-araw-araw na pamumuhay, ito ay maaaring mamatay. Tulad sa nangyari sa wikang Latin. Ito ay itinuring nang patay na wika sapagkat hindi na ito nagagamit pa ng tao bilang wika sa pang-araw-araw na pamumuhay.

 


Sanggunian:

  • Alcaraz, Cid V., Jocson, Magdalena O., Villafuerte, Patrocinio V., Komunikasyon sa Akademikong Filipino. Quezon City: Lorimar Publishing, 2005.
  • Almario, Virgilio S.,punong ed., UP Diksiyonaryong Filipino: Binagong Edisyon. Quezon City: UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, 2009.
  • Austero Cecilia S. et al., Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik. Manila: Rajah Publishing House, 2013.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento