Mula nang sumibol ang mga kabihasnan ng tao sa mundo, kasa-kasama na nito ang wika. Naging saksi ito sa naging transisyon at tagpo ng kasaysayan. Sa pagdaan ng panahon, malaking pagbabago na ang naganap sa lipunan ng mga tao kaalinsabay ang mga pagbabago sa kaniyang mga pangangailangan. Dahil dito, ang wika ay nagbago rin. Patuloy itong yumayabong, nagpapalit, at nadaragdagan kasabay ng panahon.
Kalikasan ng Wika
Ang wika ay nahahati sa dalawang (2) kalikasan:
1. Homogeneous na wika
Ang salitang homogeneous ay galing sa mga salitang Griyegong ‘homo’ na ibig sabihin ay pareho at ‘genos’ na ibig sabihin ay uri. Samakatuwid, ang isang homogeneous na wika ay may magkapareho o iisang anyo.
Ang mga salita sa isang homogeneous na wika ay magkatutulad. Nagkaiiba lamang ito ng kahulugan dahil sa paraan ng pagbabaybay at intonasyon o paraan ng pagbigkas. Halimbawa ng mga salitang ‘talâ’ na tumutukoy sa paglilista at ‘talà ’ na tumutukoy sa selestiyal na bagay. Halimbawa rin ang mga salitang ‘meter’ at ‘metre’ na parehong tumutukoy sa yunit ng haba.
Masasabing homogeneous ang wika kung ang mga gumagamit nito ay magkapareho sa paraan ng pagsasalita. Dahil ditto, hinihinuhang wala nang buhay na wika ang maituturing na homogeneous. May pansariling paraan ang tao sa paggamit ng wika na kaiba mula sa iba; may iba’t ibang paraan din ng tao sa paggamit ng wika depende sa kaniyang kausap o sa sitwasyong kinalalagyan.
2. Heterogeneous na wika
Ang salitang heterogeneous ay galing sa mga salitang Griyego na ‘hetero’ na ibig sabihin ay marami; at ‘genos’ na ibig sabihin ay uri. Nangangahulugang ang isang heterogeneous na wika ay nagtataglay ng magkaibang anyo o katangian.
Ang pagkaiiba-ibang ito ay dulot ng maraming salik sa paraan ng paggamit ng tao sa wika tulad ng kaniyang kasarian, antas sa lipunan, pangkat na kinabibilangan, edad, kabuhayan, interes at iba pa.
Dahil dito, nagkaroon ng mga
barayti ang wika.
Barayti ng Wika
Nahahati sa dalawang pangkat ang mga barayti ng wika: ang permanente at pansamantalang barayti.
A. Permanenteng Barayti
Ang permanenteng barayti ng wika ay mga wikang likas sa isang tao. Ito ang nakasanayang gamitin ng isang indibidwal sa pang-araw-araw na komunikasyon.
1. Diyalekto
Ang diyalekto ay isang barayti ng wika kung saan ang mga tao ay gumagamit ng iisang wika ngunit nagkaiiba sa punto, sa ilang salita, o sa paraan ng pagbuo ng salita o pangungusap. Ang mga taong gumagamit ng diyalektong barayti ng wika ay nagkauunawaan pa rin sapagkat iisa lamang ang wikang kanilang ginagamit.
Halimbawa nito ang Lungsod Quezon at Batangas na kapuwang gumagamit ng wikang Tagalog. Ang mga taong naninirahan sa mga lugar na ito ay magkauunawaan pa rin dahil parehas ang wikang sinasalita. Ngunit, may pagkaiiba ang Tagalog ng Lungsod Quezon at Tagalog ng Batangas. Iba ang punto o aksent ng Tagalog ng Batangas kumpara sa Tagalog ng Lungsod Quezon. Sa Batangas ‘aywan’ ang ginagamit, sa Lungsod Quezon ay ‘ewan’.
2.
Idyolek
Tinatawag ding personal na wika
ang idyolek dahil ito ay nakabatay sa pansariling paraan ng paggamit ng tao sa
wika. Mayroon siyang sariling paraan ng pagsasalita, aksent, intonasyon, at iba
pa na kaiba sa mga taong gumagamit din ng kaparehong wika.
Halimbawa, ang isang tao ay may lambing sa pagsasalita, may matigas na aksent sa mga patinig, mabilis magsalita, pasigaw kung makipag-usap, may isang salitang parating binabanggit sa pangungusap.
3.
Ekolek
Ang ekolek ay wikang ginagamit sa loob ng tahanan. Ito ay mga salita, katawagan, o pariralang ginagamit ng bawat miyembro ng pamilya bilang panawag sa isa’t isa, sa mga kagamitan, o sa bahagi ng tahanan.
Halimbawa:
- CR, kubeta, banyo
- mama, ina, nanay, mommy
- papa, tatay, itay, daddy
- pinggan, plato
4.
Etnolek
Ito ay barayti ng wika na nagsimula o nadebelop sa mga salita ng etnolingguwistikong pangkat. Nagsasama ang mga salita sa wika ng pangkat-etniko at ng diyalekto ng isang lugar kaya nabubuo ang etnolek. Taglay ng barayting ito ang pagkakilanlan ng bawat pangkat-etnikong pinagmulang nito.
Halimbawa:
- Vakuul – salitang Ivatan na tumutukoy sa kanilang pantakip sa ulo.
- Batuk – sinauang paraan ng pagmamarka o pagta-tattoo sa Kalinga.
B. Pansamantalang Barayti
Ang mga pansamantalang barayti ng wika ay mga barayti na nagbabago batay sa kausap o sitwasyong kinalalagyan ng taong gumagamit nito. Hindi ito likas at karaniwang hindi madalas gamitin bilang wika sa pang-araw-araw na pamumuhay.
1.
Sosyolek
Ang sosyolek ay barayti ng wika na umaayon sa antas ng isang tao sa lipunang kaniyang ginagalawan. Ang paraan ng tao sa paggamit ng wika ay nag-iiba-iba depende kung sino ang kaniyang kausap o sa sitwasyong kaniyang kinalalagyan.
Ang barayting ito ay maaaring maging pormal o impormal.
Mas nagiging pormal ang paggamit ng wika kung ang kausap ng isang tao ay higit na mataas ang antas sa lipunan o may awtoridad. Nagiging impormal naman ito kung ang kausap ay kaedad, kaibigan, o matalik sa nagsasalita.
Halimbawa:
- impormal – ‘Pre eskapo na ako. Kita-kita na lang bukas. (kaibigan ang kausap)
- pormal – Paalam po, Bb. Cruz. (guro ang kausap)
2. Register
Ang register ay barayti ng wika na nakabatay sa isang partikular na disiplina o larangan. Tinatawag itong wikang espesyalisado.
Ang mga salitang register ay maaaring nabibilang at nagagamit lamang sa isang ispesipikong larangan o propesyon.
Halimbawa:
- medisina – anemia, blood pressure, asthma, surgery
- literatura – akda, manunulat, tula
May mga salitang register din na nag-iiba-iba ng kahulugan depende kung saang larangan ito gagamitin.
Halimbawa:
- kapital – kabisera ng isang bansa (heograpiya), puhunan sa isang negosyo (pangangalakal)
- court – lugar kung saan isinasagawa ang paglilitis (larangan ng batas), lugar kung saan naglalaro (isports)
3.
Pidgin
Ang pidgin ay isang barayti ng wika na walang tiyak o pormal na estruktura. Ito ay ginagamit ng dalawang taong may magkaibang wika. Kalimitang pinagsasama ng taong nagsasalita ang wikang alam niya at ang mga salitang madalas gamitin ng taong kausap. Hindi nito binibigyan-pansin ang estruktura o balarila ng wika.
Binabansagan itong ‘nobody’s native language’ ng mga dayuhan.
Halimbawa:
- Ako kita ganda babae.
- Ikaw bili akin ako bigay diskawnt.
- I go there turo-turo.
4.
Creole
Ang creole ay barayti ng wika na nabuo sa paghahalo ng mga wika. Sinasabing ito ay nagsimula sa pidgin hanggang sa ginawang pangunahing wika ng isang lugar.
Sa Pilipinas, Chavacano ang
pamosong wikang creole. Ito ang nag-iisang creole sa Asya na nakabatay sa
wikang Espanyol, at ang isa sa pinakamatandang creole sa buong mundo. Ang
Chavacano ay pinaghalong Espanyol at sari-saring wika. Higit na ginagamit ang
wikang ito sa Zamboanga.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.