Mataas na ang araw nang lumabas si Aling Marta sa bakuran ng kanilang maliit na barungbarong. Aliwalas ang kanyang mukha: sa kanyang lubog na mga mata na bahagyang pinapagdilim ng kanyang malalagong kilay ay nakikintal ang kagandahan ng kaaya-ayang umaga. At sa kanyang manipis at maputlang labi, bahagyang pasok sa pagkakalat, ay naglalaro ang isang ngiti ng kasiyahan. Araw ng pagtatapos ng kanyang anak na dalaga; sa gabing iyon ay tatanggapin nito ang diploma bilang katunayang natapos niya ang apat na taong inilagi sa mataas na paaralan. Ang sandaling pinakahihintay niya sa mahaba-haba rin namang panahon ng pagpapaaral ay dumating na. Ang pagkakaroon ng isang anak na nagtapos ng high school ay hindi na isang maliit na bagay sa isang mahirap na gaya niya, naiisip niya. Sa mapangarapin niyang diwa ay para niyang nakikita ang kanyang anak na dalaga sa isang kasuotang putting-puti, kipkip ang ilang libro at nakangiti, patungo sa lalo pang mataas na hangarin sa buhay, ang makatapos sa kolehiyo, magpaunlad ng kabuhayan at sumagana. Maaaring balang araw ay magkaroon din siya ng mamanuganging may sinabi rin naman. Nasa daan na siya ay para pa niyang naririnig ang matinis na halakhak ng kanyang anak na dalaga habang paikut-ikot nitong sinusukat sa harap ng salamin ang nagbubur-dahang puting damit na isusuot sa kinagabihan. Napangiti siyang muli.
Mamimili si Aling Marta. Bitbit ng isang kamay ng isang pangnang sisidlan ng kanyang pamimiling uulamin. Habang daan, samantalang patungo sa pamilihang bayan sa Tundo, ay mataman niyang iniisip ang mga bagay na kanyang pamimilhin. Hindi pangkaraniwang araw ito at kailangang magkaroon silang mag-anak ng hindi pangkaraniwang pananghalian. Bibili siya ng isang matabang manok, isang kilong baboy, gulay na panahog at dalawang piling na saging. Bibili na rin siya ng garbansos. Gustong-gusto ng kanyang magtatapos na anak ang minatamis na garbansos.
Mag-ikakasiyam na nang dumating siya sa pamilihan. Sa labas pa lamang ay naririnig na niya ang di magkamayaw na ingay na nagbubuhat sa loob, ang ingay ng mga magbabangus na pagkanta pangisinisigaw ang halaga ng kanilang paninda, ang salit-salitang tawaran ng mga mamimili.
Linggo ng umaga at ang palengke ay siksikan. Sa harapan niya painiling magdaan. Ang lugar ng magmamanok ay nasa dulo ng pamilihan at sa panggitnang lagusan siya daraan upang magdaan tuloy sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng mantika. Nang dumating siya sa gitnang pasilyo at umakmang hahakbang na papasok, ay siyang paglabas na humahangos ng isang batang lalaki, at ang kanilang pagbabangga ay muntik na niyang ikabuwal. Ang siko ng bata ay tumama sa kanyang dibdib. “Ano ka ba?” ang bulyaw ni Aling Marta. “Kaysikip na ng daraanan ay patakbo ka pa kung lumabas!”
Ang bata ay nakapantalon ng maruming maong na sa kahabaan ay pinag-ilang-lilis ang laylayan. Nakasuot ito ng libaging kamiseta, punit mula sa balikat hanggang pusod, na ikinalitaw ng kanyang butuhan at maruming dibdib. Natiyak ni Aling Marta na ang bata ay anak-mahirap.
“Pasensya na kayo, Ale” ang sabi ng bata. Hawak nito ang isang maliit na bangos. Tigbebente, sa loob-loob ni Aling Marta. Ang bata ay takot na nakatingin sa kanya, “Hindi ko ho kayo sinasadya. Nagmamadali ho ako e.”
“Pasensya!” – sabi ni Aling Marta. “Kung lahat ng kawalang-ingat mo’y pagpapasensiyahan nang pagpapasensiyahan ay makakapatay ka ng tao.”
Agad siyang tumalikod at tuloy-tuloy na pumasok. Paano’t pano man, naisip niya, ay ako ang huling nakapangusap. Higit kong daramdamin kung ako na itong nagawan ng hindi mabuti ay sa kanyang pa manggagaling ang huling salita. Mataman niyang inisip kung me iba pang nakikita sa nangyari. Marahas ang kanyang pagkakapagsalita sa bata at maaaring may kakilala siyang nagdaraan na nakarinig ng kanyang mga sinabi. Dumating siya sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng ilang kartong mantika.
“Tumaba yata kayo, Aling Gondang,” ang bati niya sa may kagulangan nang tindera na siya niyang nakaugaliang bilhan. Nakangiti siya at ang babae ay ngumiti rin.
“Tila nga ho,” ani Aling Gondang. “Tila ho nahihiyang ako sa pagtitinda.”
Natawa si Aling Marta at pagkaraan ay dumukot sa bulsa ng kanyang bestido upang magbayad. Saglit na nangulimlim ang kanyang mukha at ang ngiti sa maninipis niyang labi ay nawala. Wala ang kanyang kalupi! Napansin ng kaharap ang kanyang anyo.
“Bakit ho?” anito.
“E…e, nawawala ho ang aking pitaka,” wala sa loob na sagot ni Aling Marta.
“Ku, e magkano ho naman ang laman?” ang tanong ng babae.
Ang tanda niyang laman ng kanyang kalupi ay pitumpong piso na siyang bigay na sahod ng kanyang asawa nang sinundang gabi. Sabado. Ngunit aywan ba niya kung bakit ang di pa ma’y nakikiramay ang tonong nagtatanong ay nakapagpalaki ng kanyang loob upang sabihing, “E, sandaan at sampung piso ho.”
Nanatili siya sa pagkakatayo nang ilang saglit, wari’y tinakasan ng lakas, nag-iisip ng mga nakaraang pangyayari. Mayamaya ay parang kidlat na gumuhit sa kanyang alaala ang gusgusing batang kanyang nakabangga. Tumama ang siko nito sa kanyang dibdib, sa kanyang katawan! Dali-dali siyang tumalikod at patakbong lumabas. Hindi pa marahil iyon nakakalayo; may ilang sandali pa lamang ang nakaraan, ang tabas ng mukha, ang mukha, ang gupit, ang tindig. Sa labas, sa harap ng palengke na kinaroroonan ng ilang tindahang maliliit at ng mangailan-ngilang namimili at ang batang panakaw na nagtitinda ng gulay, ay nagpalingan-linga siya. Patakbo uli siyang lumakad, sa harap ng mga bilao ng gulay na halos mayapakan na niya sa pagmamadali, at sa gawing dulo ng prusisyon na di kalayuan sa natatanaw niyang karatig na outpost ng mga pulis, ay nakita niya ang kanyang hinahanap. Nakatayo ito sa harap ng isang bilao ng kangkong at sa malas niya ay tumatawad. Hindi siya maaari magkamali: ang wakwak na kamiseta nito at ang mahabang panahon na ari’y salawal ding ginagamit ng kanyang ama, ay sapat nang palatandaan upang ito ay madaling makilala. At ang hawak nitong bangos na tigbebente.
Maliksi siyang lumapit at binatak ang bata sa liig. “Nakita rin kita!” ang sabi niyang humihingal. “Ikaw ang dumukot sa pitaka ko, ano? Huwag kang magkakaila!”
Tiyakan ang kanyang pagsasalita; ibig niyang sa pagkalito ng bata sa pag-aapuhap ng isasagot ay masukol niyang buong-buo. Ngunit ang bata ay mahinang sumagot: “Ano hong pitaka?” ang sabi. “Wala ho akong kinukuha sa inyong pitaka.”
“Ano wala!” pasinghal na sabi ni Aling Marta. “Ikaw nga ang dumudukot ng pitaka ko at wala ng iba. Kunwa pa’y binangga mo ‘ko, ano ha? Magaling, magaling ang sistema ninyong iyan! Kikita nga kayo rito sa palengke!”
Marami nang nakapaligid sa kanila, mga batang nagtitinda, lalaki at babaeng namimili. Hinigpitan ni Aling Marta ang pagkakahawak sa leeg ng bata at ito’y pilit na iniharap sa karamihan.
“Aba, kangina ba namang pumasok ako sa palengke e banggain ako,” ang sabi niya. “Nang magbabayad ako ng pinamimili ko’t kapain ang bulsa ko e wala nang laman!”
“Ang mabuti ho’y ipapulis ninyo,” sabing nakalabi ng isang babaeng nakikinig. “Talagang dito ho sa palengke’y maraming naglilipanang batang gaya niyan.”
“Tena,” ang sabi ni Aling Marta sa bata. “Sumama ka sa akin.”
“Bakit ho, saan ninyo ako dadalin?”
“Saan sa akala mo?” sabi ni Aling Marta at pinisil ang liig ng bata. “Ibibigay kita sa pulis. Ipabibilanggo kita kapag di mo inilabas ang dinukot mo sa akin.”
Pilit na nagwawala ang bata; ipinamulsa niya ang hawak na bangos upang dalawahing-kamay ang pag-alis ng mabutong daliri ni Aling Marta na tila kawad sa pagkakasakal ng kanyang leeg. May luha nang nakapaminta sa kanyang mga mata at ang uhog at laway ay sabay na umaagos sa kanyang liig. Buhat sa likuran ng mga manonood ay lumapit ang isang pulis na tanod sa mga pagkakataong tulad niyon, at nang ito ay malapit na ay sinimulan ni Aling Marta ang pagsusumbong. “Nasiguro ko hong siya dahil nang ako’y kanyang banggain, e, naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa,” patapos niyang pagsusumbong. “Hindi ko lang ho naino kaagad pagkat ako’y nagmamadali.”
Tiningnang matagal ng pulis ang bata, ang maruming saplot nito at ang nagmamapa sa duming katawan, pagkatapos ay patiyad na naupo sa harap ng nito at sinimulang mangapkap. Sa bulsa ng bata, na sa pagdating ng pulis ay tuluyan nang umiyak, ay lumabas ang isang maruming panyolito, basa ng uhog at tadtad ng sulsi, diyes sentimos na papel at tigbebenteng bangos.
“Natitiyak ho ba ninyong siya ang dumukot ng inyong pitaka?” ang tanong ng pulis kay Aling Marta.
“Siya ho at wala ng iba,” ang sagot ni Aling Marta.
“Saan mo dinala ang dinukot mo sa aleng ito?” mabalisik na tanong ng pulis sa bata. “Magsabi ka ng totoo, kung di ay dadalhin kita.”
“Wala ho akong dinukot na maski ano sa kanya,” sisiguk-sigok na sagot ng bata. “Maski kapkapan ninyo ‘ko nang kapkapan e wala kayong makukuha sa akin. Hindi ho ako mandurukot.”
“Maski kapkapan!” sabad ni Aling Marta. “Ano pa ang kakapkapin naming sa iyo kung ang pitaka ko e naipasa mo na sa kapwa mo mandurukot! O, ano, hindi ba ganon kayong mga tekas kung lumakad… dala-dalawa, tatlu-talto! 'Ku, ang mabuti ho yata, mamang pulis, e ituloy na natin iyan sa kuwartel. Baka roon matutong matakot iyan at magsabi ng totoo.”
Tumindig ang pulis, “Hindi ho natin karakarakang madadala ito ng walang evidencia. Kinakailangang kahit paano’y magkakaroon tayo ng maihaharap na katibayang siya nga ang dumukot ng inyong kuwarta. Papaano ho kung hindi siya?”
“E, ano pang ebidensya ang hinahanap mo?” ang sabi ni Aling Marta na nakalimutan ang pamumupo. “Sinabi nang binangga akong sadya, at naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa. Ano pa?” Sa bata nakatingin ang pulis na wari’y nag-iisip ng dapat niyang Gawain, maya’y maling naupo at dumukot ng isang lapis at isang maliit na kuwaderno sa kanyang bulsa.
“Ano ang pangalan mo?” ang tanong niya sa bata.
“Andres Reyes po.”
“Saan ka nakatira?” ang muling tanong ng pulis. Lumingon ang bata sa kanyang paligid, inisa-isa ang mga mukhang nakatunghay sa kanya. “Wala ho kaming bahay,” ang sagot. “Ang tatay ko ho e may sakit at kami ho, kung minsan, ay sa bahay ng Tiyang Ines ko nakatira, sa Blumentritt, kung minsan naman ho e sa mga tiyo ko sa Kiyapo at kung minsan e sa bahay ng kapatid ng nanay ko rito sa Tundo. Inutusan nga lang ho niya ‘kong bumili ng ulam para mamayang tanghali.”
“Samakatuwid ay dito kayong mag-ama nakatira ngayon sa Tundo?” ang tanong ng pulis.
“Oho,” ang sagot ng bata. “Pero hindi ko nga lang ho alam ang kalye at numero ng bahay dahil sa noong makalawa lang kami lumipat at saka hindi ho ako marunong bumasa e.”
Ang walang kawawaang tanong at sagot na naririnig ni Aling Marta ay makabagot sa kanyang pandinig; sa palagay ba niya ay para silang walang mararating. Lumalaon ay dumarami ang tao sa kanyang paligid at ang pulis na umuusig ay tila siyang-siya sa kanyang pagtatanong at pagsusulat sa kuwaderno. Nakaramdam siya ng pagkainis.
“Ang mabuti ho yata e dalhin na natin iyan kung dadalhin,” ang sabi niya. “Pinagkakaguluhan lamang tayo ng mga tao rito at wala namang nangyayari. Kung hindi naman ninyo kaya ay sabihin ninyo at tatawag ako ng ibang pulis.”
“Hirap sa inyo ay sabad kayo ng sabad, e” sabi ng pulis. “Buweno, kung gusto n’yong dalhin ngayon din ang batang ito, pati kayo ay sumama sa akin sa kuwartel. Doon sabihin ang gusto ninyong sabihin at doon ninyo gawin ang gusto ninyong gawin.”
Inakbayan niya ang bata at inilakad na patungo sa outpost, kasunod ang hindi umiyak na si Aling Marta at ang isang hugos na tao na ang ilan ay pangiti-ngiti habang silang tatlo ay pinagmamasdan. Sa harap ng outpost ay huminto ang pulis.
“Maghintay kayo rito sa sandali at tatawag ako sa kuwartel para pahalili,” ang sabi sa kanya at pumasok. Naiwan siya sa harap ng bata, at ngayon ay tila maamong kordero sa pagkakatungo, sisiguk-sigok, nilalaro ng payat na mga daliri ang ulo ng tangang bangos. Luminga-linga siya. Tanghali na; ilan-ilan na lamang ang nakikita niyang pumasok sa palengke. Iniisip niya kung ilang oras pa ang kinakailangan niyang ipaghintay bago siya makauwi; dalawa, tatlo, o maaaring sa hapon na. naalala niya ang kanyang anak na dalagang magtatapos, ang kanyang asawa na kaipala ay naiinip na sa paghihintay; at para niyang narinig ang sasabihin nito kung siya’y darating na walang dalang ano man, walang dala at walang pera. Nagsiklab ang poot sa kanya na kanina pa nagpupuyos sa kanyang dibdib; may kung anong sumalak sa kanyang ulo; mandi’y gagahanip ang tingin niya sa batang kaharap. Hinawakan niya ito sa isang bisig, at sa pagdidilim ng kanyang paningin ay pabalingat niyang pinilit sa likod nito.
“Tinamaan ka ng lintek na bata ka!” ang sabi niyang pinanginginigan ng laman. “Kung walang binabaing pulis na makapagpapaamin sa iyo, ako ang gagawa ng ikaaamin mo! Saan mo dinala ang dinukot mo sa ‘kin? Saan? Saan?”
Napahiyaw ang bata sa sakit; ang bisig nito ay halos napaabot ni Aling Marta sa kanyang balikat sa likod. Ang mga nanonood ay parang nangangapatdan ng dila upang makapagsalita ng pagtutol. Ang kaliwang kamay ni Aling Marta ay pakabig na nakapaikot sa baba ng bata; sinapo ito ng bata ng kanyang kamay at nang mailapit sa kanyang bibig ay buong panggigil na kinagat.
Hindi niya gustong tumakbo; halos mabali ang kanyang siko at ang nais lamang niya ay makaalpas sa matitigas na bisig ni Aling Marta; ngunit ngayon, nang siya ay bitiwan ng nasaktang si Aling Marta at makalayong papaurong, ay naalaala niya ang kalayuan, kay Aling Marta at sa dumakip na pulis, at siya ay humahanap ng malulusutan at nang makakita ay walang lingun-lingon na tumakbo, patungo sa ibayo nang maluwag na daan. Bahagya na niyang narinig ang mahahayap na salitang nagbubuhat sa humahabol na si Aling Marta, at ang sigaw ng pulis at ang sumunod na tilian ng mga babae; bahagya ng umabot sa kanyang pandinig ang malakas na busina ng ilang humahagibis na sasakyan. Sa isang sandali ay nagdilim sa kanya ang buong paligid at sa pagmumulat na muli ng kanyang paningin, sa pagbabalik ng kanyang ulirat, ay wala siyang nakita kundi ang madaliin ang anino ng kanyang mukhang nakatunghay sa kanyang lupaypay at duguang katawan.
Hindi umimik si Aling Marta habang minamasdan ang bata. Maputla ang kulay ng kanyang mukha at aywan ba niya at pati siya ay tila pinanawan ng lakas. Malamig na pawis ang gumigiit sa kanyang noo at ang tuhod niya ay parang nangangatog. Hindi siya makapag-angat ng paningin; sa palagay ba niya ay sa kanya nakatuon ang paningin ng lahat at siyang binuntunan ng sisi. Bakit ba ako nanganganino sa kanila? Pinipilit niyang usalin sa sarili. Ginawa ko lamang ang dapat gawin nino man at nalalaman ng lahat na ang nangyayaring ito’y pagbabayad lamang ng bata sa kanyang nagawang kasalanan.
Ang pulis ay nakabalik na sa outpost at sa isang ospital na tumatawag. Ang bata ay napagtulungan ng ilan na buhatin sa bangketa upang doon pagyamanin at ipaghintay ng ambulansiya kung aabot pa. Ang kalahati ng kanyang katawan, ang dakong ibaba, ay natatakpan ng diyaryo at ang gulanit niyang kasuotang ay tuluyan nang nawalat sa kanyang katawan. Makailang sandali pa, pagdating ng pulis ay pamuling nagmulat ito ng paningin at ang mga mata ay ipinako sa maputlang mukha ni Aling Marta.
“Maski kapkapan ninyo ako, e, wala kayong makukuha sa akin,” ang sabing paputol-putol na nilalabasan ng dugo sa ilong. “Hindi ko kinuha ang inyong pitaka.”
May kung anong malamig na naramdaman si Aling Marta na gumapang sa kanyang katawan; ang mata ay pilit na nagsasabi ng kanyang pahimakas. Ilang sandali pa ay lumungayngay ang ulo nito at nang pulsuhan ng isang naroroon ay marahan itong napailing. Patay na, naisaloob ni Aling Marta sa kanyang sarili.
“Patay na ang dumukot ng kuwarta ninyo,” matabang na sabi ng pulis sa kanya. Nakatayo ito sa kanyang tabi at hawak naman ang kuwaderno at lapis. “Siguro’y matutuwa na kayo niyan.”
“Sa palagay kaya ninyo e may sasagutin ako sa nangyari?” ang tanong ni Aling Marta.
“Wala naman, sa palagay ko,” ang sagot ng pulis. “Kung me mananagot niyan ay walang iba kundi ang pobreng tsuper. Wala rin kayong sasagutin sa pagpapalibing. Tsuper na rin ang mananagot niyan,” may himig pangungutya ang tinig ng pulis.
“Makakaalis na po ako?” tanong ni Aling Marta.
“Maaari na,” sabi ng pulis. “Lamang ay kinakailangang iwan ninyo sa akin ang inyong pangalan at direksyon ng inyong bahay upang kung mangangailangan ng kaunting pag-aayos ay mahingan namin kayo ng ulat.”
Ibinigay ni Aling Marta ang tinitirhan at pagkatapos ay tuwid ang tinging lumalayo sa karamihan. Para pa siyang nanghihina at magulong-magulo ang kanyang isip. Sali-salimuot na alalahanin ang nagsasalimbayan sa kanyang diwa. Lumakad siya ng walang tiyak na patutunguhan. Naalala niya ang kanyang anak na ga-graduate, ang ulam na dapat niyang iuuwi na, at ang nananalim, nangungutyang mga mata ng kanyang asawa sa, sandaling malaman nito ang pagkawala ng pera. Magtatanong iyon, magagalit, hanggang sa siya ay mapilitang sumagot. Magpapalitan sila ng mahahayap na pangungusap, sisihan, tungayawan, at ang mga anak niyang ga-graduate ay magpapalahaw ng panangis hanggang sila ay puntahan at payapain ng mga kapitbahay.
Katakut-takot na gulo at kahihiyan, sa loob-loob ni Aling Marta, at hindi sinasadya ay muling nadako ang pinag-uugatang diwa sa bangkay na bata na natatakpan ng diyaryo, na siyang pinagmulan ng lahat.
Kung hindi sa tinamaan ng lintek na iyon ay hindi ako masusuot sa suliraning ito, usal niya sa sarili. Kasi imbis, walang pinag-aralan, maruming palaboy ng kapalarang umaasa sa taba ng iba. Mabuti nga sa kanya!
Kinakailangan niyang kumilos, umisip ng paraan. Kinakailangang kahit papaano’y makapag-uwi siya ng ulam sa pananghalian. Pagkakain ng kanyang asawa ay malamig na ang kokote nito at saka niya sasabihin ang pagkawala ng pera. Maaaring magalit ito at ipamukha sa kanya, tulad ng madalas na sabihin nito, na ang lahat ay dahil sa malabis niyang paghahangan na makagpadal ng labis na salaping ipamimili, upang maka-pamburot at maipamata sa kapwa na hindi na sila naghihirap. Ngunit ang lahat ay titiisin niya, hindi siya kikibo. Ililihim din niya ang nangyaring sakuna sa bata; ayaw ng kanyang asawa ng iskandalo; at kung sakali’t darating ang pulis na kukuha ng ulat ay lilihimin niya ito. At tungkol sa ulam mangungutang siya ng pera sa tindahan ni Aling Gondang at iyon ang kanyang ipamimili – nasabi niya rito na ang nawala niyang pera ay isang daan at sampung piso at halagang iyon ay napakalaki na upang ang lima o sampung ay ipagkait nito sa kanya bilang panakip. Hindi iyon makapahihindi. May ngiti ng kasiyahang naglalaro sa manipis na labi ni Aling Marta nang ipihit niya ang kanyang mga paa patungong pamilihan.
Tanghali na nang siya ay umuwi. Sa daan pa lamang bago siya pumasok sa tarangkahan, ay natanaw na niya nag kanyang na dalaga na nakapamintana sa kanilang barung-barong. Nakangiti ito at siya ay minamasdan, ngunit nang malapit na siya at nakita ang dala ay napangunot-noo, lumingon sa loob ng kabuhayan at may tinawag. Sumungaw ang payat na mukha ng kanyang asawa.
“Saan ka kumuhang ipinamili mo niyan, Nanay?” ang sabi ng kanyang anak na ga-graduate,
“E…e,” hindi magkandatutong sagot ni Aling Marta. “Saan pa kundi sa aking pitaka.”
Nagkatinginan ang mag-ama.
“Ngunit, Marta,” ang sabi ng kanyang asawa. “Ang pitaka mo e naiwan mo! Kaninang bago ka umalis ay kinuha ko iyon sa bulsa ng iyong bestidong nakasabit at kumuha ako ng pambili ng tabako, pero nakalimutan kong isauli. Saan ka ba kumuha ng ipinamili mo niyan?”
Biglang-bigla, anaki’y kidlat na gumuhit sa karimlan, nagbalik sa gunita ni Aling Marta ang larawan ng isang batang payat, duguan ang katawan at natatakpan ng diyaryo, at para niyang narinig ang mahina at gumagaralgal na tinig nito; Maski kapkapan ninyo ako, e, wala kayong makukuha sa ‘kin. Saglit siyang natigilan sa pagpanhik sa hagdanan; para siyang pinanganga-pusan ng hininga at sa palagay na niya ay umiikot ang buong paligid; at bago siya tuluyang mawalan ng ulirat ay wala siyang narinig kundi ang papanaog na yabag ng kanyang asawa’t anak, at ang papaliit na lumalabong salitang: Bakit kaya? Bakit kaya?
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.