Kadalasan, ang paggamit natin ng wika ay nakadepende sa sitwasyon, at sa taong kaharap o kausap. Sa kadahilanang ito, nagkaroon tayo ng iba’t ibang barayti ng wika. Mga wikang nag-iiba-iba base sa taong gumagamit nito, at sa taong kasangkot sa pakikipagtalastasan.
Ngunit,
hindi lamang barayti ang naidulot ng mayaman at malikhang paggamit natin ng
wika. Nagkaroon tayo ng iba’t ibang lebel o antas ng wika.
Antas ng Wika ayon sa Pormalidad
Nahahati ang antas ng wika sa dalawang pangkat batay sa pormalidad. Ito ang mga sumusunod:
A. Impormal na Antas ng Wika
Tinatawag na impormal o ‘di pormal ang isang wika kung ito’y palasak, at karaniwan o pang-araw-araw nating ginagamit sa pakikipag-usap o pakikipagtalastasan.
1. Balbal
Tinatawag din itong salitang ‘kalye’, ‘panlansangan’ o ‘slang’ sa Ingles. Ito ang itinuturing na pinakamababang uri o antas ng wika. Karaniwang nabubuo ang mga salitang balbal dahil sa isang partikular na pangkat o grupo. Kalimitang nagsisilbi ang mga salitang ito bilang koda o code ng isang grupo na tanging sila-sila lamang ang nakaaalam ng kahulugan.
Sinasabing ang mga salitang balbal ay ‘singaw ng panahon’, sapagkat bawat panahon ay may nabubuong bagong salitang balbal.
Halimbawa:
- lispu – pulis
- sikyu – guwardiya
- chibog – kain
- arep – pera
2. Kolokyal
Tinatawag na kolokyal ang mga wikang ginagamit sa mga sitwasyong ‘di-pormal. Kung minsan ay hango ang mga salitang kolokyal sa mga pormal na wika. Nabubuo ang kolokyal sa pamamagitan ng pagpapaikli sa isang salita o higit pa. Kalimitang ginagamit ang mga kolokyal sa pasalitang komunikasyon.
Nagtataglay ito ng kagaspangan at pagiging bulgar ngunit maaari itong maging pino depende kung sino ang nagsasalita at kung sino ang kausap.
Halimbawa:
- kelan – kailan
- pre – pare
- meron – mayroon
- nasan – nasaan
- kundi – kung hindi
3. Lalawiganin
Ito ang wikang ginagamit sa isang partikular na lugar o lalawigan. Karaniwang nagkaroroon ito ng pagkaiba sa tono o punto ng pagsasalita.
Hindi magiging pamilyar sa mga salita ang isang taong hindi alam ang dayalektong ginagamit sa lugar na iyon.
Halimbawa:
- Magandang umaga – Tagalog
- Marahay na aga – Bikolano
- Maayong aga – Ilokano
- Mayap a abak – Kapampangan
B. Pormal na Antas ng Wika
Ito ang mga salitang istandard o batayan dahil ito ay kinikilala, tinatanggap, at ginagamit ng nakararami lalo na ang mga dalubhasa, nag-aaral ng wika, at nagtuturo ng wika.
1. Pambansa
Pambansa ang wikang pamilyar sa lahat at ginagamit sa buong bansa. Ito ang wikang ginagamit sa mga sulatin at babasahing pang-akademiko tulad ng mga aklat na ginagamit sa paaralan, at maging sa mga aklat na pangwika o pambalarila. Ito rin ang kadalsang ginagamit sa pamahalaan at bilang wikang panturo sa mga paaralan.
2. Pampanitikan o Panretorika
Ito ang mga salitang ginagamit ng mga manunulat sa mga malilikhaing sulatin tulad ng mga kuwento, tula, nobela, at alamat. Ang mga salitang ito ay karaniwang matatayog, malalalim ang kahulugan, makukulay, matatalinghaga, at masisining.
Kalimitang gumagamit ng mga tayutay at idyoma upang maipahayag ang mga ideya sa isang masining na pamamaraan.
Halimbawa ng mga salitang Pambansa at Pampanitikan:
Pambansa |
Pampanitikan |
ina |
ilaw ng tahanan |
anak |
bunga ng pagmamahalan |
asawa |
kabiyak ng puso |
korap |
buwaya |
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.