Kaibigan
– sila ang mga karamay mo sa panahong lumulunday ka sa kalungkutan. Sila ang
mga sanhi ng mga ngiti at galak sa iyong mga labi. Sila ang mga nagpapatahan sa
puso mong lumuluha sa sakit. Sila ang kasama mo sa panahong iniwan kang
nag-iisa’t nalulumbay. Sila ang mga nag-iiwan sa iyo ng mga alaalang kailanma’y
hindi magiging alabok ng daigdig. Sila ang mga kaibigan kong laging nandyan at
hindi ako iniwan.
Kaibigan
– salitang burahin man ng panahon sa mundo ay mananatili pa ring nakaukit sa
puso mo. Salitang hindi mo mauunawaan hangga’t hindi mo nararanasa’t
nagagampanan. Salitang simbolo ng samahang walang katulad at kapantay. Salitang
puno ng mga alaalang magpapangiti sa’yo. Isang salita ngunit sandalan mo sa
panahong nanghihina ka.
Kaibigan
– isang mundong nilikha at hinubog ng pagsasamahang walang singtamis. Isang
mundong pinuno ng mga alaalang hardin ng paraiso. Isang mundong nasubok ng mga
sakuna ay mananatili pa ring matatag. Isang mundong kahit tanging kayo lamang
ang may alam ay nananatili pa ring masaya. Isang mundong walang pinipili o
pinagkukutyaan.
Kaibigan
– isang kamay na kahawak mo sa paglalakbay. Isang kamay na magpapakita sa’yo ng
tamang landasin. Isang kamay na handa kang hawakan maiahon ka lamang sa
kasadlakan. Isang kamy na magpapadama sa’yo ng init ng pagmamahal at
pag-aalaga. Isang kamay na kaagapay mo sa lungkot man o sa saya, sa galak man o
sa sakit, sa pagkalugmok man o sa pagbangon.
Kaibigan
– tulad ng lahat ng bagay, may hangganan at katapusan. Tulad ng mga bulaklak na
humahalina man sa huli’t nalalanta. Tulad ng bawat pangungusap sa wika, may una
at huli. Tulad ng isang larawang luluma’t kukupas sa huli. Tulad ng isang
buhay, may kapanganakan at kamatayan.
Kaibigan
– isang bulalas ng isang samahang nauwi sa masayang alaala. Isang bulalas ng
isang panambitan ng bagong pagkakataon. Isang bulalas ng alaalang nais
maisabuhay muli. Isang bulalas ng mundong nauwi sa katapusan. Isang bulalas ng
salitang hinapit ng kamatayan. Isang bulalas ng isang pusong namamaliw sa init
ng pagmamahal at pag-aalaga.
Kaibigan
– isang alaalang kailanma’y hindi kukupas. Isang alaalang patuloy na mananariwa
sa bawat litid ng iyong isipan. Isang alaalang yaman mo hanggang sa katapusan.
Isang alaalang walang kamatayan at katapusan. Isang alaalang magiging dahilan
ng iyong kasiyahan.
Kaibigan
ay isang bagay na pagkaiingatan ka’t pagkaiingatan mo. Mamahalin ka’t mamahalin
mo. At sa pagsapit ng dapithapon ng mundong nilikha ninyo, may alaala ka ng mga
kaibigan mong minsang naging dahilan ng pagngiti mo.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.