Ad Code

TALUMPATI | Guro

TALUMPATI | Guro

Guro. Sila ang mga taong naging ikalawang magulang ng lahat. Magulang na nagturo sa atin ng mga kaalamang magsisilbi nating yaman habang sa tayo ay nabubuhay. Magulang na hindi lamang naglaan ng oras, pagod at boses sa atin, naglaan din ng mga sakripisyo para lamang sa ikatututo natin. Mga magulang na hindi nagsawang itama tayo sa ating mga mali at hindi nagsawang magbigay ng mga pangaral na tumatatak sa puso at isipan natin.

Guro. Sila ang mga taong naging kaibigan natin. Tanggap nila kung ano ang mga kakayanan natin nang walang halong panghuhusga at pangungutya. Kaibigang handang magmukhang katawa-tawa mapasaya at mapangiti ka lamang. Handang sumayaw, kumanta o umarte masiguro lang na matututo ka. Kaibigang gagabay at magmamalasakit sa iyo sa tuwing ika’y hindi makapasok sa eskwela. Mga kaibigang pinapayuhan ka hindi para maging magmukhang tama kung hindi para mapagtanto mo kung ano ang tama.

Guro. Sila ang mga taong tatalunin ang Himalayas sa haba ng kanilang mga pasensya. Na tipong magkapaos-paos man sila ay hindi mananawang kunin ang atensyon mo. Na kahit mamula man ang kamay nila kapapalo ng lamesa, hindi titigil hangga’t hindi mo magawang manahimik. Na kahit anong kulit mo ay ‘di sila mananawang turuan ka. Pinapasensyahan ka nila dahil gusto nilang matuto ka.

Guro. Sila ang mga taong gagawin ang lahat pumasa ka lang. Mas hahabulin ka nila kaysa sa paghahabol ng mga taong mahal nila. Pipilitin kang magpasa ng mga requirements para umangat ang grade mong mas mababa pa sa 70. Kukulitin ka, araw-araw kang paalahanin. Hindi sila mananawa dahil gusto nilang pumasa ka para maabot mo ang pangarap na iyong gusto. Gagawa sila ng paraan para pumasa ka dahil para sa kanila ikaw ay mahalaga.

Guro. Sila ang mga taong mahusay magtago ng tunay na nararamdaman. Magkasakit man ang kalamnam nila ay hindi nila ito iindahin dahil mas masakit para sa kanila ang dumaan ang araw na wala kang natututunan. Magkasipo’t magkaubo ay ayos lang. Mamaos man ay ayos lang. Magkaproblema man at magkadurog-durog man ang puso nila sa lungkot at sakit, ipapakita pa rin nilang masaya sila dahil ayaw nilang madamay ka sa anumang bagay na dinadamdam nila. Gusto nilang maging masaya ka, kaya pipilitin nilang maging masaya kahit nasasaktan.

Guro. Isa sa dakilang propesyon. Hindi sa kadahilanang magpapakadalubhasa ka sa pagtuturo ng apat na taon, o magpakapuyat sa paggawa ng tesis. Isang dakilang propesyon dahil kailangan nito ng puso at tunay na pagmamahal sa kinabukasan ng mga kabataang dadaan sa harapan nila. Isang propesyong ang pag-aaral ay hindi natatapos sa apat na taon lamang. Isang propesyong ang trabaho ay hindi natatapos sa pagtuturo lamang. Isang propesyong malaki ang hinihinging kapalit sa oras at panahon.

Guro. Sila ang mga guro na nagtuturo sa atin ng kaalaman. Sila ang mga tagapayo natin sa tuwing nalilito tayo sa buhay. Sila ang magsisilbi nating doktor sa tuwing tayo’y masusugatan o madadatnan ng karamdaman. Sila ang ikalawa nating magulang na gagabay, magmamalasakit at magmamahal nang walang hinihiling na kapalit kung hindi ang makinig ka lamang. Sila ang tagabigay sa atin ng pera sa tuwing wala tayong pambili ng pagkain o pamasahe pauwi. Sila ang mga sandalan natin sa tuwing gusto nating umiyak dahil sa problema o dahil sa hindi ka pinapansin ng crush mo. Sila ang iintindi sa iyo.

Guro. Tulad natin, tao rin sila. May katawang nasasaktan, may utak na napapagod at may pusong nakararamdam. Huwag natin sila abusuhin at bastusin dahil tao rin sila. Huwag natin sila kukutyain at sagot-sagutin dahil tao rin sila. Marunong din silang masaktan.

Mahalin natin ang lahat ng mga gurong minsang nagturo, gumabay, nagpayo, nagpatawa, nagpasaya, nagpakain, gumamot, nag-alala at nagmahal sa atin. Iparamdam natin kung gaano sila kahalaga sa bawat baitang na ating inaakyat. Bahagi sila ng mga dahilan kung bakit tayo matagumpay ngayon.

Kaya, nagpapasalamat ako sa lahat ng mga guro sa buong mundo. Saludo ako sa inyo, mga ‘Chers!


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento