Buhay
na marahil ang pinakamagandang regalong ipinagkaloob sa atin ng Diyos – isang
regalong dapat nating pahalagahan. Masyadong mahiwaga ang buhay ng tao, hindi
natin alam kung kailan ulit ito kukunin sa atin ng Diyos. Walang nakaaalam,
nakababatid, kung kailan, saan o paano; tanging Diyos lamang ang may alam.
Kaya, ang bawat segundo ng ating buhay at bagong umaga na gigising tayo ay isa
nang malaking biyaya mula sa ating Maykapal.
Masarap
ang mabuhay sa paraisong ipinagkaloob sa atin. Naaamoy ang sariwang hangin,
nalalasahan ang mga matatamis na prutas, nakikita ang obra maestrang tanawin at
nararanasang pagmamahal. Ngunit, sa kabila nito, ang buhay ay hindi magiging
buhay kung walang sakit, pagkabigo, problema at kalungkutan. Mga pagsubok na
magpapahirap o magpapatatag sa atin.
Napakagulo
ng buhay ng mga tao. Maraming balintuna’t mga katanungang mahirap mahanapan ng
kasagutan. Lahat ay may katumbas na kasalungat. May lungkot at saya, may
pag-ibig at pagkamuhi, may pagkarapa at pagbangon, may mabuti at masama.
Hindi
ba maaaring parating masaya? Walang nasasaktan, walang nahihirapan, walang
lumuluha. Ngunit anumang pilit nating pagtuklas, natutuon pa rin tayo sa
ideyang lahat ng bagay ay may kapalit. Uulan pero titila, magmamahal ka pero
masasaktan, magkikita pero mag-iiwanan, kasalukuyang magiging kasaysayan.
Walang permanente sa mundo. Lahat ay nagbabago, lahat ay nawawala.
Ganoon
pa man, dapat nating unawain ang buhay. Lahat ay may dahilan. Ang mga luha,
hagulgol ay kailangan para makita natin ang tunay na saya. Ang pagkabigo at
pagkasawi ay kailangan para sa tagumpay. Ang sakit at hapdi ay kailangan para
makita ang tunay na pagmamahal. Tama, lahat ay may rason.
Masyado
talagang mahiwaga ang buhay ng mga tao. Isang hiwagang kahit kailan ay hindi
natin mauunawaan at masasagutan. Pero isa lang ang sigurado: may Diyos tayong
gagabay at magmamahal sa atin. Maniwala tayo sa Kaniya dahil Siya lamang ang
nakaaalam ng lahat. Siya ang may hawak ng sagot ng mga tanong na sino, ano at
bakit.
Diyos
lamang ang higit nakauunawa sa misteryo ng ating mahiwagang buhay.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.