Ad Code

TALUMPATI | Sarili ang Hadlang sa Pangarap

TALUMPATI | Sarili ang Hadlang sa Pangarap

Isang giyera kung maituturing ang buhay ng isang tao. Magulo, masalimuot at punong-puno ng problema. At, ang pinakamalakas nating sandata ay ang ating pangarap. Ngunit, kung naubos ang bala ng ating sandata, sino ang dapat sisihin: ang iba o ang sarili?

Isang magandang araw sa inyong lahat.

Pangarap. Isang simpleng salita pero punong-puno ng pag-asa. Pag-asang magbabangon sa pagkalugmok ng bawat isa. Isang pag-asang nagbibigay-kahulugan sa kabuluhan ng ating buhay. Isang pangarap na mayroon ang lahat. Dahil ika nga nila, “Ang malaking tagumpay ay nagsimula sa isang simpleng pangarap.”

Ngunit, aminin man natin o hindi, sadyang napakahirap abutin ng isang pangarap. Maraming hadlang at balakid at isa na rito ang hindi matapos-tapos na problema sa kahirapan. Kahirapang nagkasanga-sanga pa ng mga problema na lalong nagpapahirap at nagpapalabo sa liwanag ng ating pag-asa. Edukasyon, pera at mga materyal na bagay – lahat ng iyon ay kailangan natin sa ayaw man o gusto.

Pero kaibigan, hindi ito ang tunay na balakid sa ating mga pangarap. Hindi ang kahirapan, hindi ang ating kapansanan, at hindi ang anumang dahilan. Dahil ang tunay na hadlang sa ating mga pangarap ay ang ating mga sarili. Tama, ang ating sarili.

Mabilis tayong sumuko, mabilis tayong mapagod, at iyon ang dahilan kung bakit marami sa atin ang napapagod abutin ang pangarap. Gumagawa tayo ng mali at kasalanan para mapabilis ang pagkamit ng pangarap. Sumuko tayo sa mali at napagod tayong maging masipag.

Mahirap maging mahirap, pero ang taong sinukuan ang pangarap ay higit pa sa pagiging mahirap. Sipag at edukasyon ang kailangan upang maabot natin ang ating pangarap. Kaya paano tayo makasasulong kung sa umpisa pa lang ay sumuko na? Kung napagod ka na at lumihis ng landas, paano mo pa maaabot ang pangarap kung ang sarili mismo ang pumundi sa pag-asa?

Ang mga problema ay laging nariyan. Hindi mawawala, hindi mababawasan. Pero, hindi ang mundo ang nagdidikta sa iyo kung magpapatuloy ka ba sa iyong paglalakbay o hindi. Ang kasagutan ay laging nasa iyong sarili. Ikaw mismo ang magdedesisyon kung susuko ka, lilihis o haharapin ang lahat ng mga pagsubok mahawakan mo lang ang tropeyo ng iyong tagumpay.

Huwag kang sumuko, kaibigan. Dahil maliban sa problema, nariyan ang ating Amang laging gumagabay sa atin.

Walang madaling paraan para makamit ang tagumpay na ating gusto. Tanging ang sarili ang siyang magdidikta kung ano ang dapat gawin. Magsipag tayo at patuloy na panghawakan ang pangarap. Higit sa lahat, manalig tayo sa ating Ama dahil wang sinumang nagtatagumpay nang hindi nananalig sa kaniya.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento