Isang lalaki nakapatay; sanhi? Ilegal na droga. Isang pulitiko nahuli;
sanhi? Ilegal na droga. Saan mang sipatin, krimen ang bunga ng ilegal ng droga.
Ngunit, bakit talamak pa rin ito sa ating bansa?
Magandang araw sa lahat ng mga nakikinig.
‘Kapit sa patalim’ – ito na marahil ang bukambibig ng mga Pilipinong
naghihirap. At, paniguradong kasama sa kanilang listahan ang ilegal na droga.
Hindi maitatanggi ang katotohanan na kaya marami ang tumatangkilik sa ganitong
gawain ay dahil sa kahirapan. Isang desisyong mas pinipili ang kapahamakan
kaysa sa kagutuman.
Datapuwat, ang paghilig sa ganitong klaseng desisyon ay sumasanga ng
iba’t ibang masamang epekto. Nang dahil sa droga, nagiging kriminal ang isang
tao. Nang dahil sa droga, may pamilyang nasisira at nagdurusa. Nang dahil sa
droga, maraming Pilipino ang mas nalulugmok pa sa kahirapan.
At ang mas nakababahala, nang dahil sa droga, dumidilim ang pag-asa ng
ating kabataan. Ayon sa Dangerous Drugs Board, tinatantiyang may 3.7 milyong
mga Pilipino ang maituturing na adik sa ilegal na droga noong taong 2016.
Animnapu’t limang poryento rito ay mga kabataan.
Nakalulungkot isiping milyon-milyong mga kabataang Pilipino ang nasira
ng droga.
Kaya ang tanong ng karamihan, kailan pa masusupil ang ilegal na droga
sa ating bansa? Ilan pang kabataan ang mawawalan ng kinabukasan? Ilang pang
mahihirap ang masisilaw sa perang dulot nito? Ilan pang pamilya ang masisira
para sa panandaliang kasiyahan?
Bagamat nagsisimula na ang ating pamahalaang supilin ang problemang
ito sa bansa, hindi pa rin nito mabubura ang katotohanang malayo pa ang
lalakbayin ng adhikaing ito. Malayo pa hangga’t hindi nasusupil ang tunay na
ugat ng problema. Malayo pa.
Kapit sa patalim – isang kataga ng pagiging matiisin ng mga Pilipino.
Isang katagang marapat nang burahin sa paniniwala ng lahat. Hindi magiging
sagot sa problema ang isa pang problema. Hindi maghihilom ang sugat kung
daragdagan pa ng isang sugat. Ang kahirapan ay lalong magiging mahirap kung sa
mali ka kumakapit.
Hindi droga ang sagot sa kahirapan. Hindi ito lubid na mag-aakay sa
iyo sa kasiyahan o kapayapaan. Isa itong
kumunoy na lalo pang magpapalubog sa iyo.
Maging ehemplo tayo sa mga kabataan. Tulungan natin ang ating bayan na
maging mas kaaya-aya para sa susunod pang henerasyon. Isipin natin ang sariling
kinabukasan, ang kinabukasan ng pamilya at ng iba.
Burahin natin ang ilegal na droga sa ating listahan. Tanggalin sa mga
pagpipilian.
Maging disiplinado, at parating isipin kung ano ang tama at nakabubuti
para sa lahat.
Say no to illegal drugs.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.