Mga programa –
kaliwa’t kanan na. Mga kalsada – naayos na. Mga kalat – nalinis na. Waiting
shed – napinturahan na. May pagkain ang mahirap, may papel ang estudyante.
Salamat kay Mayor! Kailan niya ginawa? Sa panahon ng eleksyon.
Isang magandang araw sa lahat ng mga
Pilipinong naririto.
Eleksyon – isang
napakamahalagang panahon para sa bawat Pilipinong nag-aasam ng pagbabago. Isang
pagkakataong magtakda kung sino ang siyang mauupo sa iisang upuang pag-aawayan
ng marami. Isang panahong nagbigay ng prebelehiyo sa bawat isa na itakda ang
napupusuang kandidato. Hindi ba’t napakagiting pakinggan? Isang bilog sa
balota, lahat ng Pilipino ang makikinabang.
Ngunit ito rin ang
panahon ng pamumulaklak ng mga mayayabong na salita ng mga politiko.
Aminin man natin o
hindi, nababahiran na ng dumi ang eleksyon sa ating bansa. Nariyan ang mga
pangakong hindi naman natutupad. Mga programang hanggang sa plano lamang. Mga
polisiyang naging pantasya lamang. Pagbabagong nauuwi sa panloloko.
Ginagamit ng ilan ang
eleksyon para pabanguhin ang pangalan nilang simbaho ng mga basura nilang
pangako.
Andiyan ang biglang
pagpapaayos ng kalsadang buwan-buwan ay kalbaryo ng mga tao. Mga programang mas
higit na kailangan ng karamihan noon. Pagpapalinis sa mga kalsada dahil gusto
raw ni mayor na maging malinis ang kaniyang bayan. Mga libreng school supplies,
check-up, seminars, at ultimong palibing – lahat ay nagsipaglabasan nang
dumating ang usaping eleksyon. Lahat ng mga pinangako nila na ilang taong
hinintay ng mga tao ay ginawa, ginagawa at gagawin pa lang sa panahon ng
eleksyon.
Hindi mangmang ang
mga Pilipino. Maraming mahirap, oo. Pero, hindi mangmang. Alam namin ang
pinagkaiba ng isang tunay na bulaklak sa isang artipisyal na gawa ng mga
plastik na ngiti at pag-aalala ng mga politiko.
Nawawalan ng saysay
ang eleksyon dahil sa ginagawa ng ilang politiko. Inaakit ang mga tao sa mga
bagay na kahinaan nila para iboto ulit sila sa susunod na termino. Hinahalina
ng mga mabulaklak nilang salita ang mga Pilipinong sabik sa samyo ng
kaginhawaan at pagbabago.
Pero, hindi ko rin
naman sila masisisi. Maraming Pilipino ang minamaliit ang prebelehiyong nasa
kanilang mga kamay. Binoboto kung nasaang partido sila nabibilang. Binoboto
kung sino ang nasa t-shirt, pamaypay at kendi na binigay sa kanila. At mas
nakalulungkot, may mga Pilipinong binebenta ang pagkakataong ito sa isang
panandaliang kasiyahan.
Hindi na iniisip kung
sino ang nararapat pang iboto.
Mga kaibigan, alam
kong alam niyo ang mga totoong taong makakatulong sa atin. Mga taong hindi
nagtatanim ng bulaklak sa bakuran tuwing panahon ng eleksyon. Sila ang iboto
natin. Gamitin natin ito para sa ikauunlad ng nakararami.
Sa darating na
eleksyon, maraming mabulaklak na salita na naman ang lilitaw sa bawat kalye ng
ating bayan. Mga mukhang akala mo’y maaasahan ng lahat. Huwag tayong
magpakabulag. Tayo ang magtatakda ng lider na aakay sa atin sa kaunlaran.
Piliin natin ang
isang lider na hindi lang lumilitaw tuwing eleksyon; bagkus, isang lider na
maasahan natin sa bawat segundo at bawat minuto.
Think ten times,
before you shade!
1 Mga Komento
philippines can't relate
TumugonBurahinSalamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.