Taong 2020, isang taong marahil ay hindi makalilimutan ng maraming tao
– anumang angkan o nasyunalidad. Isang taon kung kailan nahaharap ang lahat ng
bansa sa iisang kaaway, CoViD 19. Ngunit, gamot lang ba ang solusyon ng
problema?
Isang magandang araw sa lahat ng nakikinig.
Ika-31 ng Disyembre, 2019 unang naitala ang biglang pagtaas ng kaso ng
pneumonia sa Wuhan, Hubei China. Natukoy ito bilang novel coronavirus. Enero,
2020, sinalubong ng bagong sakit na ito ang buong mundo.
Isa na rito ang Pilipinas.
Marso, 2020 nang unang kinompirma ng Kagawaran ng Kalusugan ang lokal
na transmisyon ng sakit sa bansa. Mula rito ay patuloy na tumaas ang bilang ng
mga Pilipinong tinamaan ng sakit. Nagpatuloy ito hanggang sa tuluyang lumubo
ang kaso ng CoViD 19 sa bansa.
Sa kabila ng pagtatalaga ng pamahalaan ng community quarantine sa
ilang bahagi ng bansa, hindi pa rin nito naibsan ang mabilis na pagtaas ng mga
Pilipinong natatamaan ng sakit. At isa ang salarin – disiplina!
Kasunod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng mga tinatamaan ng
virus sa Pilipinas ay ang pagtaas din ng bilang ng mga Pilipinong nahuhuling
lumalabag sa polisya ng bansa. Mga Pilipinong ginagawang laro ang panahon ng
pandemik. At ang coronavirus naman ang taya.
Nariyan ang hindi pagsusuot ng facemask, paggala, paglabas ng mga
kabataan, mga tsismisan. Ang malala pa’y ang pagdadaos ng despidida, patupada,
at party. Gala rito at gala roon. Mga simpleng polisiya na labis sanang
makatutulong sa bansa sa paglaban sa sakit.
Hindi lang vaccine ang magiging gamot ng bansa sa virus. Kung marunong
lang ang mga Pilipinong sumunod at maging disiplinado sa pandemik na ito ay
magiging matiwasay ang lahat. Hindi magiging mahirap sa pamahalaan na
solusyunan ang pandaigdigang problemang ito.
Ang disiplina ang magiging susi ng lahat. Isa ito sa makatutulong sa
pagbagal ng paglaganap ng sakit. Isa ito sa pinakasimpleng paraan upang
makatulong sa pamahalaan at sa mga frontliners na nagsusugal ng buhay para sa
bansa. Disiplina lang ang kailangan.
Sa panahon ngayon ng pandemik, labis na bayanihan ang kailangan. At
ang simpleng pagsunod sa mga panuntunan ng pamahalaan ay nagpapakita rin ng
pakikiisa. Gamitin natin ang ‘Bayanihan’ nating mga Pilipino. Ipakita natin na
kahit nahuhuli tayo sa usaping medical ay kaya nating makisabayan sa ibang
bansa sa pagsugpo ng sakit.
Maging disiplinado tayo sa ating sarili. Sumunod sa mga polisiya.
Tumulong tayo sa pagpigil ng paglaganap ng sakit dahil sa huli’y tayo at ang
ating pamilya ang tunay na makikinabang.
Pilipino, maging disiplinado ka!
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.