Napakamisteryoso ng pag-ibig. Maaaring mahal mo
noon pero hindi na ngayon. Kaaway mo noon, partner in life mo na ngayon. At,
‘yong mga tipong kaibigan mo lang noon, lihim mo nang mahal ngayon.
Isang pagbati ng mapagmahal na araw sa inyong
lahat.
Pag-ibig na marahil ang isa sa mga salitang may
napakaraming depinisyon. Nariyan ang “love is blind,” “love is like a rosary,”
at kung ano-ano pa. Mga kahulugang nagpapakilig, nagpapaluha at nagdadala sa
iyo ng sakit.
Ngunit ang pag-ibig ay dumaraan din sa isang
proseso. Prosesong kung tinatawag ay pagbabago. Isang prosesong maglalapit o
maglalayo sa inyo. Isang pagsubok na susubok sa katatagan ng pagmamahalan.
Yugto na magtatanong sa iyo ng: Gaano ka kahandang maghintay? Hanggang saan ang
kaya mong tiisin? Gaano ka katagal kakapit?
Tulad nga ng kataga ng nakararami, “ang pag-ibig ay
kakambal ng sakit.” Sa ayaw o sa gusto mo, masasaktan ka o makasasakit ka.
Dito mo marahil mauunawaan na hindi lahat ng minamahal
ng isang tao ay nagmamahal din sa kaniya. Hindi lahat ng ngayon ay magiging
bukas. Sa isang pitik ng tadhana, maaaring magbago ang lahat. Kaaway na
nagkaibigan, pantasiya na naging realidad, pagmamahal na nagtapos sa hiwalayan.
Idagdag pa ang forever n asana, naging bato pa.
Pag-ibig, sakit, pag-ibig, sakit – isang
paulit-ulit na siklo. Isang siklong magpapatunay kung kayo nga ang itinadhana
ng Diyos habambuhay.
Tunay ngang napakamisteryoso ng pag-ibig. Ngunit,
ito ang siyang nagbibigay saysay at buhay sa salitang “pag-ibig”. Dumarating ito
nang hindi inaasahan. Wala sa plano, wala sa listahan ng mga tipo mo.
Masuwerte ang mga taong nagmamahal ngayon sapagkat
natagpuan nila ang bukod-tanging taong nagbigay kasagutan sa misteryo ng
pag-ibig. Masuwerte rin ang mga taong lumuluha, naghihintay ngayon sapagkat
hindi sila bumagsak sa mga taong hindi nakatadhana sa kanila.
Higit sa lahat, masuwerte tayong lahat dahil may
mga taong hindi nagsasawang nagmamahal sa atin. Sila an gating mga kaibigan,
mga magulang, mga kamag-anak. At siyempre, ang Diyos na hinding nagsasawang
magmahal sa atin.
Misteryoso ang pag-ibig, ngunit ang pag-ibig ay
pag-ibig. Magmahalan tayo, iyon ang mahalaga.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.