Ad Code

WIKA | Kahalagahan ng Wika

WIKA | Kahalagahan ng Wika


Naging bahagi na ng sangkatauhan ang wika. Lahat ng mga bagay na ating tinatamasa ngayon ay bunga ng pagkaroroon ng wika ng mga tao. Ligtas lamang sabihing kawangis ng tubig at pagkain ang wika – hindi tayo mabubuhay kung wala ito.

Hindi lamang sapat na gunitain at pag-aralan ang teknikal na aspekto ng wika, bagkus marapat ding balikan ang mga impluwensiya at dulot nito sa bawat buhay at larangan.

 

Kahalagahan ng Wika

Ang wika ay hindi lamang nalilimitahan sa tulong nito sa komunikasyon. Bitbit ng wika ang mga kaalaman at karunungang magagamit natin upang manatili ang kahapon, mapasalamat ang ngayon, at mapaghandaan ang bukas. Narito ang ilan sa kahalagahan ng wika:

 

A. Sarili o Personal

Mahalaga ang wika sa ating sarili o sa ating personal na pamumuhay dahil:

  1. Natutulungan tayo nitong ipahayag ang ating sariling opinyon, saloobin, emosyon, at pangangailangan.
  2. Nagiging tulay upang makipagtalastasan at makisalamuha sa iba.

 

B. Edukasyon o Pag-aaral

Mahalaga ang wika sa edukasyon dahil:

  1. Kung walang wika, wala ang mga bagay na ating pinag-aaralan at dapat pang pag-aralan.
  2. Nagkaroon ng tala o dokumento ang mga mahahalagang pangyayari at pag-aaral sa nakaraan.
  3. Nagkaroon ng malinaw na ‘midyum’ o paraan ng pagtuturo at pagkatuto.
  4. Naipagsalin-salin ang mga kaalamang mula sa mga ninuno.
  5. Nagkaroon ng pagbasa at pagsulat.
  6. Ikinakalat ang mga mahahalagang impormasyong nais pag-aralan ng tao.

 

C. Lipunan o Bansa

Mahalaga ang wika sa isang lipunan o bansa dahil:

  1. Nagiging daan ito upang mapagbuklod-buklod ang mga tao.
  2. Nagsisilibing susi ng pagkaunawaan at kapayapaan.
  3. Ito ang nagbibigay pagkakilanlan sa lipunan o bansa.
  4. Nasasalamin dito ang makulay na kultura, paniniwala, tradisyon, at kasaysayan.
  5. Tinutulungan nitong mapanatili ang mga kultura, tradisyon, kaugalian, paniniwala at panitikan ng isang lugar.

 

D. Pamahalaan

Mahalaga ang wika sa pamahalaan dahil:

  1. Nagkakaroon ng tiyak at konkretong mga batas o polisiya na nakatutulong upang mapanatili ang kapayapaan.
  2. Naipaaalam ng mga namumuno sa mamamayan ang kanilang mga plano para sa ikauunlad ng bansa.
  3. Nagsisilbing tulay upang maiparating ng mga mamamayan ang kanilang opinyon at hinaing sa pamahalaan.

 

E. Sining, Midya, at Panlibangan

Mahalaga ang wika sa sining, midya, at panlibangan dahil:

  1. Binibigyan nito ng pagkakataon ang mga tao na makapaglibang.
  2. Nagbubunsod ng imahinasyon sa isipan ng mga manonood, makikinig o mambabasa.
  3. Binibigyang pagkakataon ang mga tao na makapagpahayag sa malikhaing pamamaraan.

 

Ilan lamang ito sa rami ng kahalagahan ng wika sa ating buhay at lipunan. Mapapanatili natin ito kung gagamitin natin ang wika sa wastong pamamaraan nang may pagpahahalaga at pagmamahal.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento