Maliban sa nagagamit ang wika bilang midyum ng talakayan ng mga tao, marami pang gamit o tungkulin ang wika sa ating lipunan.
Narito
ang tungkulin o gamit ng wika ayon kay M.A.K. Halliday.
M.A.K. Halliday
Si Michael Alexander Kirkwood Halliday o mas kilala bilang M.A.K. Halliday ay isang bantog na dalubguro at lingguwista mula sa Ingglatera. Inilalarawan ni M.A.K. ang wika na isang semiotikong sistema hindi bilang isang sistema ng mga simbolo, bagkus bilang sistematikong lunsaran ng mga kahulugan.
Isa sa mahalagang ambag niya sa larangan ng wika ang pagbuo niya ng systematic functional linguistics. Ang Systematic Functional Lingustics (SFL) ay isang modelo ng wika na naglalahad ng relasyon ng wika at ng istrakturang panlipunan.
Sa
kaniyang mga pag-aaral, tinukoy niya ang pitong tungkulin o gamit ng wika sa
lipunan na patuloy na pinag-aaralan sa anumang larangan ng wika.
Tungkulin o Gamit ng Wika sa Lipunan ayon kay M.A.K Halliday
1. Instrumental
Ginagamit ng tao ang wika upang matugunan ang kaniyang pangangailangan. Kaniyang sinasabi o sinusulat ang mga bagay na kailangan niya – bagay man o serbisyo.
Halimbawa:
- Pasulat – paggamit ng liham tulad ng paghingi ng permiso
- Pasalita – pakikisuyo, pag-uutos, pagsasabi ng mga gusto o kahilingan
2. Personal
Ginagamit ng tao ang wika upang ipahayag ang kaniyang sariling opinyon, saloobin, o kuro-kuro sa isang isyu o paksang pinag-uusapan.
Halimbawa:
- Pasulat – pagsulat o paglalathala ng mga sanaysay, argumento, o mga pangulong tudling (editoryal), talaarawan
- Pasalita – pagbabahagi ng opinyon sa kausap o pangkat, talumpati
3. Interaksyunal
Ginagamit ng tao ang wika upang makipag-ugnayan o makipag-usap sa iba. Ang paraan ng pakikisalamuha ng tao ay nakadepende sa relasyon niya sa taong kaniyang kinakausap.
Halimbawa:
- Pasulat – text message, liham pangkaibigan, liham para sa iniibig
- Pasalita – biruan, kuwentuhan, pagbati
4. Imahinatibo
Paggamit ng wika sa isang malikhaing pamamaraan. Ginagamitan ng imahinasyon ang pagpapahayag ng mga ideya o saloobin.
Halimbawa:
- Pasulat – mga kuwento, nobela, pabula, mitolohiya, tula
- Pasalita – mga bugtong, tayutay, salawikain, idyoma, balagtasan
5. Impormatibo o
Representasyunal
Ginagamit ng tao ang wika upang magpahayag ng impormasyon, kaalaman, o katotohanan. Ito ay maaaring direkta o tuwirang paglalahad tulad ng pagtuturo. Maaari din itong sa pamamagitan ng mga simbolo, talahanayan, grap, o mapa ng konsepto.
Halimbawa:
- Pasulat – mga teksbuk, talambuhay, diksyunaryo, pahayagan
- Pasalita – pag-uulat, pagtuturo, pagpapaliwanag ng mga konsepto, pagbabahagi ng mga kaalaman
6. Heuristiko
Ginagamit ng tao ang wika upang makakalap o makakuha ng impormasyon at datos.
Halimbawa:
- Pasulat – mga tanong, pasulat na panayam, sarbey
- Pasalita – pagtatanong, pakikipagpanayam o interbyu
7. Regulatori
Ginagamit ng tao ang wika upang gabayan o kontrolin ang ugali o asal ng isang tao.
Halimbawa:
- Pasulat – mga batas, mga karatulang nagbabawal
- Pasalita – pagbibigay ng panuto, pagbibigay babala, pagpapayo, pagpapaalala
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.