Ad Code

MAIKLING KUWENTO | Ang Lura ng Demonyo ni Hiroshi Naito

MAIKLING KUWENTO | Ang Lura ng Demonyo ni Hiroshi Naito

Noong unang panahon, sa Kyoto'y may isang relihiyosong lalaki. Madalas siyang bumisita sa Rokkaku-do (Dambanang Heksagonal) para mag-alay ng taimtim na panalangin kay Kannon-sama, ang Diyosa ng Awa, na nakadambana roon.

Minsa'y bisperas ng Bagong Taon dumalaw siya sa bahay ng isang kaibigan. Madilim na nang umalis siya rito. Tumawid na siya rito. Tumawid na siya sa Modoribashi (Ang Tulay Pabalik), nang pauwi na at nakakita siya ng maraming taong papalapit, na may dala-dalang mga naglalagablab na sulo. Naisip niya na iyon ay grupo ng isang pinuno kasama ng kanyang mga ayudante. Kaya umalis siya sa daraanan ng mga ito't nagtago sa ilalim ng tulay.Hindi nagtagal at nakarating na sa may tulay ang mga tao. Nag-isip tuloy siya kung sino kayang pinuno iyon. Sumilip ang lalaki mula sa ilalim ng tulay at tumingala. At naku! Hindi pala sila mga tao. Lahat sila'y mga oni (demonyo), na may tig-iisang pares ng sungay. Ang ilan sa kanila'y iisa lamang ang mata, samantalang ang iba'y maraming mga kamay, at ang iba pa'y may tig-iisang paa lamang. Gulat na gulat ang lalaki sa nakita niya.

"Hoy, may tao sa ilalim!" sigaw ng isa sa mga oni.

"Hulihin natin!" sabi naman ng isa.

Sa isang iglap, ang lalaki'y naging bilanggo ng mga demonyo. Natakot ang lalaki dahil baka kainin siya ng mga ito at itinalaga na niya ang sarili sa kanilang gagawin. Pero walang ipinahiwatig na kahit anong kalupitan ang mga oni. Sabi ng isa, hindi raw bagay kainin ang lalaki at itinulak siya nito. Pagkaraa'y pinagduduraan siya ng mga ito sa mukha at saka sila nag-alisan. Nakahinga nang maluwag ang lalaki sa pagkakaligtas ng kanyang buhay. Dali-dali na siyang umuwi. Nang dumating siya sa bahay, ayaw siyang kausapin ang kanyang pamilya bagamat tinitingnan siya nang diretso ng mga iyon.

"Bakit ang tahimik ninyo?" tanong niya. Pero hindi siya pinansin ng mga ito. Nagtataka tuloy siya kung ano'ng nangyayari sa kanila.

Pagkaraan ng ilang sandali, biglang pumasok sa isip niya na baka hindi na siya nakikita dahil sa dura ng mga oni. Nakikita niya ang kanyang pamilya at naririnig niya ang sinasabi ng mga ito, pero mukhang hindi siya nakikita't naririnig ng mga iyon. Litong-lito siya sa pangyayaring nagaganap.

Kinabukasan ay araw ng Bagong Taon. Gayunman, malungkot ang pamilya ng lalaki dahil nawawala ito sa piling nila. Di-mapalagay niyang pinagtatawag ang kanyang kamag-anakan at sinabing kasama siya ng mga ito sa bahay, pero wala ring nangyari. Kahit tinatapik pa niya sa ulo ang kanyang mga anak, tila hindi nararamdaman ng mga ito ang kanyang kamay. Sa pagdaan ng maghapon, sinimulan nilang iyakan ang ama, sa pag-aakalang nawala na nga ito. Samakatwid ang Bagong Taon ay naging araw ng trahedya para sa kanila at nagdaan pa ang maraming malungkot na araw. Naisip ng lalaki na wala nang natitirang paraan sa kanya kundi humingi ng tulong sa Diyos ng Awa. Sa gayon, kaagad niyang binisita ang Dambana ng Rokkaku-do.

"O, maawaing Kannon-sama ipakita mo ako sa aking pamilya. Maawa po kayo sa akin!" Nag-alay siya ng mga taos-pusong panalangin sa Diyosa sa loob ng buong dalawang linggo.

Habang nagdarasal sa huling gabi ng pamamanata niya, hindi sinsadyang nakatulog siya't nanaginip. Sa panaginip, nakatagpo raw niya ang isang banal na Buddhistang pari na lumitaw mula sa likod ng kurtinang kawayan at mataimtim na nagsabi sa kanya: "Ay, aking masugid na tagasunod! Umalis ka rito bukas nang umaga at gawin mo kung anong sasabihin sa'yo sa unang taong masasalubong mo sa daan pauwi. Sundin mo ang utos ko at ikaw ay makababalik!"

Nagpatirapa siya sa harap ng pari. Nang magising siya, maliwanag na.

Nilisan niya ang dambana at di pa nakakalayo'y may nasalubong na siyang isang pastol. Naisip niya na ito ang tinutukoy ng Buddhistang pari sa kanyang panaginip. Nilapitan siya ng pastol at sinabi nito: "Kumusta, mahal kong kaibigan, sumama ka sa akin." Ikinatuwa ng malungkot na lalaki na nakikita na siya ng iba, at dahil dito'y kaagad siyang sumunod sa pastol. Naglakad sila nang kaunti at nakarating sa tarangkahan ng isang malaking palasyo. Itinali ng pastol ang kanyang baka sa isang kalapit na puno saka lamang nito binuksan nang bahagya ang bakod at sinenyasan ang lalaki na sumunod sa kanya. Sinabi ng lalaking di-makita na imposible niyang magawa iyon dahil napakaliit ng puwang na binuksan. Pakiramdam niya'y nananaginip pa rin siya.

Dinala siya ng pastol sa kaloob-looban ng bakuran. Sa wakas ay nakarating sila sa isang kwarto sa bandang likuran. Nakaratay sa higaan ang isang matanda ngunit may sakit na prinsesa ng mansyon. Binabantayan ito ng kanyang mga magulang-ang senyor at senyora-at lahat ng katulong ay pawang nababahala sa kanyang karamdaman. Hindi nila napansin ang pagdating ng mga di-nakikitang pangahas- dapat ninyong malaman na ngayon na ang pastol ay di rin nakikita ng karaniwang tao. Natuklasan ng lalaki na hindi pa rin nakikita ang kabuuan niya kaya lalo siyang nawalan ng pag-asa. Inutusan siya ng pastol na hampasin niya ng kahoy na martilyo ang ulo ng may sakit na prinsesa. Sinunod ito ng lalaki at tuwing papaluin niya ang prinsesa, namimilipit ito sa sakit. Sa ganito, inakala ng senyor at senyora sa namamatay na ang kanilang anak. Kaagad silang nagpatawag ng Buddhistang pari para paalisin ang anumang masamang espiritu na gumagambala sa anak nilang maysakit.

Hindi nagtagal, dumating ang isang butihing pari at nagdaos ng mga dasal upang palayasin ang masamang espiritu. Umawit ito ng panalanging Buddhista na nagpatigil sa pangangahas ng di-nakikitang lalaki sa ginagawa niyang karahasan. Umawit na iba pang panalangin ang pari. Gulat na gulat ang di-nakikitang pakialamerong relihiyoso nang biglang umapoy ang suot niyang kimono. "Sunog, sunog!" sigaw nito, at bigla siyang nagpagulong-gulong sa lapag. Sa sumunod na sandali, lumitaw ang kanyang kabuuan. Takang-taka ang mga tao sa kuwarto at nagtanungan sila: "Saan siya nanggaling?"

Dumating ang mga guwardiya at hinuli ang lalaki. Personal na inusisa siya ng senyor tungkol sa kanyang biglang paglitaw. Ikinuwento sa lalaki sa senyor ang kanyang kakaibang abentura. Sabi ng pari: " Isang milagro 'yan. Marahil ay ginusto ni Kannon-sama ng Dambana ng Rokkaku-do na inilantad ang kabuuan ng taong ito gayundin na gumaling ang prinsesa." Milagro talaga na nang lumitaw ang kabuuan ng lalaki, kasabay na gumaling din ang prinsesa.

Masayang umuwi ang lalaki. Di na kailangang sabihin pa na tuwang-tuwa ang pamilya niya nang makita siyang muli.

Ang identitad na pastol ay nanatiling misteryoso hanggang ngayon pero pinaniniwalaan ng maraming tao na siya'y isa pang kaluluwa.



Maikiling Kuwentong Hapon
ni Hiroshi Naito
isinalin sa Filipino ni Lualhati Bautista

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento