Ad Code

ORTOGRAPIYANG FILIPINO | Pasulat na Pagbaybay

 

Ating alamin ang mga alituntuin sa pasulat na pagbaybay sa wikang Filipino.

Hindi lamang pasalitang pagbaybay ang mayroong itinakdang alituntunin sa ating wika. Ang Komisyon ng Wikang Filipino ay nagbigay din ng mga punto at paalala sa wastong pagbaybay na pasulat sa Filipino.

Narito ang mga tuntuning dapat mabatid ng bawat sa isa sa pagbaybay na pasulat sa Filipino:

Pangkalahatang Tuntunin: “Kung ano ang bigkas, ito rin ang baybay.”

Sa pasulat na pagbabaybay sa Filipino, pangkalahatan nating sinusunod ang tuntuning “Kung ano ang bigkas, ito rin ang baybay”. Ibig sabihin, kung paano natin binibigkas ang isang salita ay ito rin ang kaniyang baybay sa Filipino.

Halimbawa:

  • maganda - /ma-gan-da/ - maganda (baybay)
  • graduate - /gra-dweyt/ - gradweyt (baybay)
  • jeepney - /dyip-ni/ - dyipni (baybay)

Ngunit, ang tuntuning ito ay hindi umaakma sa ilang salita sa Filipino. Isa na rito ang salitang ‘mga’ na binibigkas natin ng /ma-nga/. Kasama rin ang mga salitang ‘ng’ at ‘nang’ na nagkapareho sa tunog /a/. Ang mga salitang ‘ng’ at ‘nang’ ay may sari-sariling tungkulin sa balarilang Filipino kaya hindi magiging wasto kung basta-basta lamang natin ito gagamitin sa pangungusap.

Hindi rin naaakma ang ganitong tuntunin sa mga makabagong salitang mula sa ibang wika, o sa mga salitang hango sa mga katutubong wika. Bilang pagtugon, binigay ng komisyon ang mga sumusunod na tuntunin at paalala sa pagbabaybay sa Filipino ng mga salita.

A. Paggamit ng Walong Bagong Titik sa mga Katutubong Wika

Ang mga titik na ‘c’, ‘f’, ‘j’, ‘q’, ‘v’, ‘x’, at ‘z’ ay tinuturing nating hiram na titik sa ating alpabeto. Ganoon pa man, ang mga tunog na nirepepresenta nito ay hindi bago sa ilang katutubong wika sa ating bansa. Halimbawa na lamang ng salitang ‘Ivatan’ – isang pangkat-etniko na makikita sa Batanes – ay gumagamit ng tunog /v/.

Sa katulad ng mga ganitong salita, ginagamit natin ang mga bago o hiram na titik upang tumbasan nang pasulat ang mga tunog na ito. Ibig sabihin, ang salitang ‘Ivatan’ ay pasulat nating ibabaybay nang ‘Ivatan’ at hindi ‘Ibatan’.

Narito ang ilan sa mga halimbawa:

  • vakul – pangnggalang sa ulan at araw ng mga Ivatan.
  • alifuffug – mula sa Itawes na nangahuhulugang ipuipo.
  • Jambangan – mula sa Tausug na ibig sabihin ay halaman.

B. Paggamit ng mga Bagong Titik sa mga Hiram na Salita

B.1. Panghihiram ng Salita

Ang mga wikang Kastila na naibaybay sa Filipino na nakatala sa Diccionario Tagalog-Hispano (1914) ni Pedro Serrano-Laktaw at sa Diksyunaryo Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban ay patuloy na gagamit. Hindi na nito kinakailangan pang ibalik sa orihinal na baybay. Ibig sabihin ang ‘keso’ na mula sa wikang Kastila na ‘queso’ ay patuloy na ibabaybay bilang ‘keso’.

Samantala, ang mga salitang bagong hiram mula sa wikang Kastila ay maaari nang panatilihin ang baybay nito gamit ang mga bagong titik. Hindi na nito kinakailangan pang isa-Filipino ang baybay. Ibig sabihin ang mga wikang Kastila tulad ng ‘futbol’ at vertebra’ ay hindi na kailangan pang ibaybay nang ‘putbol’ at ‘bertebra’.

Sa wikang Ingles, maaaring gamitin ang mga bagong titik upang hindi na kinakailangan pang isa-Filipino nang baybay ang mga salitang Ingles. Halimbawa nito ang mga salitang folder, zigzag, at virus.

B.2. Suliranin sa mga Titik ‘C’, ‘Ñ’, ‘Q’, at ‘X’

Kung mapapansin, kalimitan sa mga hinihiram nating salita mula sa ibang wika lalo na sa wikang Kastila ay hindi gumagamit ng mga titik ‘c’, ‘ñ’, ‘q’, at ‘x’. Ang kondisyong ito ay dulot ng pagkaiiba ng kinakatawang tunog ng mga titik na ito sa Filipino at sa ibang wika.

Sa alpabetong Filipino, ang mga titik ay kumakatawan lamang sa iisang tunog. Ang ‘f’ ay tunog /f/, ang ‘v’ ay tunog /v/. Kaiba ito sa ibang wika kung saan ilan sa kanilang mga titik ay maaring kumatawan sa dalawa o mahigit pang tunog.

Ito ang nangyayari sa titik ‘c’. Sa ibang wika, halimbawa sa Kastila, ang titik ‘c’ ay maaaring kumatawan sa dalawang tunog: tunog /k/ tulad ng sa ‘cotse’, at tunog /s/ tulad ng sa ‘ciudad’. Kung hihiramin natin ang mga salitang ito sa Filipino ay magdudulot ito ng kalituhan dahil sa ang ating alpabeto ay iisa lamang ang tunog ng ‘c’.

Samantala, ang problema sa ‘x’ at ‘q’ ay ang pagtataglay nito ng dalawang tunog sa iisang bigkas. Ang ‘x’ ay binibigkas sa tunog na /ks/ kaya nang gamitin ito sa Filipino ay tinumbasan ito ng titik ‘ks’. Halimbawa nito ang salitang ‘ekstra’ mula ‘extra.’ Ang ‘q’ naman ay binabanggit sa tatlong paraan: tunog /kw/, tunog /ky/, at tunog /k/.

Ang ‘ñ’, nagmula sa alpabetong Kastila, ay bihira lamang ang mga salitang gumagamit nito kaya ang mga salitang may titik na ito ay natumbansan na ng titik ‘ny’.

B.3. Gamit ng ‘Y’ at ‘H’ sa Espanyol

May natatanging gamit ang ‘y’ sa wikang Kastila. Ito ay binibigkas sa tunog /i/, at nangangahulugang ‘at’ sa Filipino. Minumungkahi ng Komisyon ng Wikang Filipino na panatilihin sa ating wika ang gamit nito sa dalawang pagkatataon:

1. Gagamitin ito upang idugtong sa apelyido ng lalaki ang apelyido ng kaniyang ina.

  • Juan Dela Cruz y Kala (Ang Kala ay apelyido ng ina ni Juan)

2. Ginagamit ito sa pagbibilang sa wikang Kastila

  • treynta y dos (tatlumpu’t dalawa)
  • alas-dos y medya (ikalawa at kalahati)

Hindi lamang ito gagamitin kung ang bilang ay nagtatapos sa titik ‘e’

  • beynte dos (dalawampu’t dalawa)
  • alas-siyete kuwarto (ikapito at labinlima)

Ang titik ‘h’ naman ay may natatangi ding katangian sa Espanyol. Ang titik na ito ay hindi binibigkas sa mga salitang Kastila. Kapag hinihiram natin ito sa Filipino ay hindi ito isinasama pa sa pagbabaybay.

  • hielo – yelo
  • hacienda – asyenda
  • habilidad – abilidad
  • hitsura – itsura

Datapwat, may mga pagkatataong isinasama pa rin sa ating baybay ang titik ‘h’. Nangyayari ito kung ang salitang hiniram ay magkaroroon ng katulad na salitang may iba ring kahulugan. Halimbawa nito ang salitang ‘historya’ na nangangahulugang kasaysayan. Kapag tatanggalin ang ‘h’ mula sa salita, ito ay magiging ‘istorya’. Magiging kahawig nito ang salitang ‘istorya’ na nangahuhulugang kuwento.

B.4. Titik ‘J’

Batay sa modernong ortograpiya ng ating wika, ginagamit ang titik ‘j’ bilang panumbas sa tunog /dyey/.

Sa mga katutubong wika, ang mga salitang gumgamit ng tunog /dyey/ ay tutumbasan ng bagong titik na ‘j’. Halimbawa nito ang mga salitang ‘jambangan’ (Tausug), ‘ijang’ (Ivatan), at ‘sinjal’ (Ibaloy).

Sa wikang Kastila, ang titik ‘j’ na sa Kastila ay tunog /h/ ay hindi na gagamitin pa. Bagkus, ang itutumbas sa tunog na ito ay titik ‘h’.  Halimbawa ng salitang ‘justo’ na magiging ‘husto’, at ‘juez’ na magiging ‘huwes’.

Sa wikang Ingles at sa iba pang wika, ang mga salitang matagal nang tinumtumbasan ng mga titik ‘dy’ sa Filipino ay hindi na kailangan pang ibalik sa orihinal nitong titik. Halimbawa ng ‘dyip’,’dyanitor’, at ‘dyornal’. Ngunit, sa mga bagong hiram na salita, titik ‘j’ ang gagamitin. Halimbawa nito ay ‘jam’, ‘jet’, at ‘enjoy’. Datapwat, hindi sakop ng tuntuning ito ang mga salitang Ingles na hindi gumagamit ng titik ‘j’ ngunit tunog /dyey/ tulad ng ‘general’ at ‘generator’. Ibig sabihin kung sakaling hihiramin ang mga salitang ito, ang gagamit ay titik ‘dy’, kaya ang ‘general’ ay magiging ‘dyeneral’ at ang ‘generator’ ay magiging ‘dyenereytor’.

Eksperimento sa Pagbabaybay

Hinihikayat ng komisyon ang mga Pilipino na mag-eksperimento ng pagsafi-Filipino ng mga hiram na salita. Nakatutulong ito upang lalong maunawaan at mabilis na mabigkas ng mga Pilipino ang mga hiram na salita mula sa mga wikang banyaga. Halimbawa ng mga salitang bunga ng eksperimento ng mga Pilipino ay ‘istambay’ (stand by), ‘gradweyt’ (graduate), ‘pulis’ (pulis), at ‘boksing’ (boxing).

Nakatutulong din ang pag-eeksperimentong ito upang higit na lumawak ang ating sariling bokabularyo. Halimbawa rito ng mga salitang Kastila na sinadyang binago ng mga Pilipino ang pagbaybay upang magkaroon ng tiyak na kahulugan. Isa rito ang salitang Kastila na ‘cientipico’ na ginagamit bilang panawag sa mga dalubhasa sa agham, at bilang pang-uri sa mga gawaing may kinalaman sa agham. Upang mapaghiwalay sa Filipino ang dalawang kahulugang ito, bumuo ang mga Pilipino ng isang salita kaugnay ng salitang ‘cientipiko’. Ginawa ang salitang ‘siyentista’ upang itawag sa mga dalubhasa sa agham, at pinatili ang ‘siyentipiko’ upang gamitin bilang pang-uri sa mga gawaing may kinalaman sa agham.

Mga Paalala sa Pagsafi-Filipino ng mga Hiram na Salita

Bagaman hinihikayat ng komisyon ang patuloy na pag-eeksperimento sa pagsafi-Filipino ng mga hiram na salita, mahalagang malaman ang mga limitasyon at paalala na dapat sundin at isaisip ng bawat isa. Narito ang mga sumusunod:

1. Hindi isinasa-Filipino ang baybay ng mga pangngalang pantangi. Kung ang salitang hiniram ay isang pangngalang pantangi, hindi na dapat pa itong ibaybay nang pa-Filipino. Halimbawa, kung nais gamitin ang salitang ‘Louis Vuitton’ dapat mo itong ibaybay nang pasulat bilang ‘Louis Vuitton’ at hindi ‘Luwi Viton’.

2. Hindi isinasa-Filipino ang mga katawagang teknikal at pang-agham. Kung ang salitang hiniram ay tiyak na terminong ginagamit pang-agham o pangteknikal, hindi na ito ibinabaybay sa Filipino kung susulatin. Halimbawa: ‘carbon dioxide’ hindi ‘carbon dayoksayd’, ‘virus’ hindi ‘vayrus’, ‘quadratic equation’ hindi ‘kwadratik ekweysyon’.

3. Kung ang pagsafi-Filipino ng baybay sa hiram na salita ay magdudulot ng kalituhan, maiging huwag na itong isa-Filipino pa. Kapag magdudulot ng kalituhan at mas mahirap basahin ang hiram na salita kapag isina-Filipino, mas mabuting panatilihin ito sa orihinal na baybay. Halimbawa: panatilihin ang ‘caulliflower’ kaysa ‘koliflawer’, panatilihin ang ‘love’ kaysa ‘lav, panatilihin ang ‘stepdaughter’ kaysa ‘stepdowter’.

4. Hindi isinasa-Filipino ang baybay ng mga hiram na salitang may kulturang kaakibat. Kung ang salitang hinihiram ay may mahalagang koneksyon sa kultura ng bansang pinagmulan, hindi na ito binabaybay sa Filipino. Halimbawa: ‘taekwondo’ (sining-panlaban ng Korea) hindi ‘teykwando’.

5. Huwag ugaliin ang masyadong paggamit ng hiram na salita. Gamitin ang katumbas na salita sa Filipino at sa mga katutubong wika para sa salitang nais hiramin mula sa wikang banyaga. Halimbawa: sa halip na gamitin ang mga salitang ‘narrative’, ‘narativ’, ‘naratibo’ gamitin ang salitang ‘salaysay’ sa Filipino.

6. Sakaling walang mahanap na katumbas sa Filipino o sa mga katutubong wika, isalin ito sa Kastila at ibaybay sa Filipino. Kung ang salitang hihiramin lalo na sa wikang Ingles ay walang katumbas sa ating wika, isalin ito sa wikang Kastila bago ibaybay sa Filipino. Mas madaling baybayin sa Filipino ang mga salitang nasa wikang Kastila dahil may pagkatutulad sa anyo ang dalawang wika. Halimbawa: gamitin ang ‘birtud’ (virtud) kaysa sa ‘birtyu’ (virtue), ‘sopistikado’ (sofisticado) kaysa ‘sofistikeytid’ (sophisticated).

7. Iwasan ang ‘siyokoy’ na pagsafi-Filipino. Tinatawag na ‘siyokoy’ ni Virgilio S. Almario ang mga hiram na salitang mali ang pagsafi-Filipino. Kalimitan itong nakikita sa mga isina-Filipino na mga salitang Kastila. Bunga ito ng kawalan ng kaalaman ng taong nagsafi-Filipino sa wastong katumbas ng salitang hihiramin sa Kastila. Halimbawa rito ang katagang ‘kamusta’ na hango sa katagang Kastila na ‘como estas’. Ang tama dapat ay ‘kumusta’.

Narito ang ilang halimbawa ng salitang ‘siyokoy’ na nilinaw ni Virgilo S. Almario

  • ‘aspeto’ na dapat ay ‘aspekto’ (Kastila: aspecto)
  • ‘lebel’ na dapat ay ‘nibel’ (Kastila: nivel) o ‘level’ (Ingles)
  • ‘imahe’ na dapat ay ‘imahen’ (Kastila: imagen) o ‘larawan’ (Filipino)
  • ‘kontemporaryo’ na dapat ay ‘kontemporaneo (Kastila: contemporaneo) o ‘napapanahon’ (Filipino)

 


Sanggunian:

Almario, Virgilio S., ed, Manwal sa Masinop na Pagsulat. Quezon City: Komisyon ng Wikang Filipino, 2014. e-book


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento