Ad Code

SANAYSAY | Ang Ningning at Liwanag ni Emilio Jacinto

SANAYSAY | Ang Ningning at Liwanag ni Emilio Jacinto


Ang ningning ay nakasisilaw at nakasisira ng paningin. Ang liwanag ay kinakailangan ng mata, upang mapagwari ang buong katunayan ng mga bagay-bagay.

Ang bubog kung tinatamaan ng nag-aapoy na sikat ng araw ay nagniningning; ngunit sumusugat sa kamay ng nagaganyak na dumampot. Ang ningning ay madaya.

Ating hanapin ang liwanag, tayo’y huwag mabighani sa ningning. Sa katunayan ng masamang nakaugalian: Nagdaraan ang isang karwaheng maningning na hinihila ng kabayong matulin. Tayo’y nagpupugay at ang isasaloob ay mahal na tao ang nakalulan. Datapwa’y marahil naman ay isang magnanakaw; marahil sa ilalim ng kanyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay natatago ang isang pusong sukaban.

Nagdaraan ang isang maralita na nagkakanghihirap sa pinapasan. Tayo’y mapapangiti at isasaloob: Saan kaya ninakaw? Datapwa’y maliwanag nating nakikita sa pawis ng kanyang noo at sa hapo ng kanyang katawan na siya’y nabubuhay sa sipag at kapagalang tunay.

Ay! Sa ating pang-uga-ugali ay lubhang nangapit ang pagsamba sa ningning at pagtakwil sa liwanag.

Ito na nga ang dahilang isa pa na kung kaya ang tao at ang bayan ay namumuhay sa hinagpis at dalita.

Ito na nga ang dahilan na kung kaya ang mga loob na inaakay ng kapalaluan at ng kasakiman ay nagpupumilit na lumitaw na maningning, lalong-lalo na ang mga hari at mga pinuno na pinagkatiwalaan ng sa ikagiginhawa ng kanilang mga kampon, at walang ibang nasa kundi ang mamalagi sa kapangyarihan sukdang ikainis at ikamatay ng bayan na nagbigay sa kanila ng kapangyarihang ito.

Tayo’y mapagsampalataya sa ningning; huwag nating pagtakhan na ang ibig mabuhay sa dugo ng ating mga ugat ay magbalatkayo ng maningning.

Ay! Kung ang ating dinudulugan at hinahainan ng puspos na galang ay ang maliwanag at magandang-asal at matapat na loob, ang kahit sino ay walang mapagningning pagkat di natin pahahalagahan, at ang mga isip at akalang ano pa man ay hindi hihiwalay sa maliwanag na landas ng katwiran.

Ang kaliluhan at ang katampalasan ay humahanap ng ningning upang huwag mapagmalas ng mga matang tumatanghal ang kanilang kapangitan; ngunit ang kagalingan at ang pag-ibig na dalisay ay hubad, mahinhin, at maliwanag na napatatanaw sa paningin.

            Mapalad ang araw ng liwanag!

            Ay! Ang anak ng bayan, ang kapatid ko, ay matuto kayang kumuha ng halimbawa at lakas sa pinagdaanang mga hirap at binatang mga kaapihan?

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento