Sinasalamin ng panitikan ang makulay na kultura, tradisyon, at kasaysayan ng isang bansa. Mula sa pinakamaikling anyo hanggang sa pinakamahaba, mababanaag ang mga karunungang kumikintal sa bawat henerasyon.
Bago pa maimpluwesiyahan ng iba’t ibang dayuhan ang ating panitikan, ang mga Pilipino ay may likas nang kakayahan sa pagbuo ng isang panitikan. Dala ng bawat titik nito ang kaalamang nagpasalin-salin pahanggang sa kasalukuyan. Ito ang nagpapatunay na ang mga Pilipino ay may sariling kuwentong naghihintay na mailahad sa mundo.
Kaya ating sariwain ang kasaysayan ng panitikang Pilipino sa panahon ng Katutubo.
Panitikan sa Panahon ng Katutubo
Karaniwan sa mga panitikang nabuo sa panahon ng Katutubo ay tumatalakay sa pananampalataya, kultura, pamumuhay, at karunungan ng mga sinaunang Pilipino. Binuo ito upang isalin sa mga susunod na henerasyon. Kalimitan sa mga ito ay isinasalin sa pamamagitan ng bibig. Ito’y kanilang kinukwento, inaawit o pinapangaral.
Narito ang ilan sa mga panitikan sa panahon ng Katutubo:
1. Awiting-bayan o Kantahing-bayan
Ito ang mga awiting binuo ng ating mga ninuno na pahanggang ngayon ay inaawit pa rin ng mga Pilipino. Nauuri ito sa iba’t ibang anyo o uri batay sa lugar na pinagmulan nito:
- a. Oyayi. Ito ang awiting panghele o awiting pampatulog ng bata. Kalimitang ito ay maikli at inaawit nang paulit-ulit.
- b. Sambotani. Ito ang awiting para sa pagtatagumpay.
- c. Kumintang. Ito ang awitin ng pakikipagdigma.
- d. Soliranin. Ito ay awiting kinakanta habang nagsasagwan.
- e. Kundiman. Ito ay awit ng pag-ibig ng mga Tagalog.
- f. Dalit. Ito ay mga awiting papuri para sa diyos.
- g. Diona. Ito ang awiting para sa kasal.
- h. Talindaw. Ito ay awit ng pamamangka.
- i. Maluway. Ito ay awit ng sama-samang paggawa.
- j. Kutang-kutang. Ito ay mga awiting panlasangan.
- k. Harana. Ito ay awiting para sa panliligaw ng mga Tagalog. Inaawit ito ng mga kalalakihan sa tapat ng bintana ng dalagang nililigawan.
- l. Balitaw. Ito ay awiting para sa panliligaw ng mga Bisaya.
- m. Layew. Ito ay awiting Pangasinan na inaawit matapos paakyatin sa bahay ng dalaga ang lalaking nanliligaw.
- n. Dung-aw. Ito ang awit ng pagdadalamhati o awiting para sa mga yumao ng mga Ilokano.
- ñ. Pangangaluluwa. Ito ay awiting kinakanta sa bisperas o Araw ng mga Patay ng mga Tagalog.
- ng. An-naoy. Ito awiting Igorot para sa paggawa ng mga palayan sa gilid ng bundok.
- o. Tub-ob. Ito awit sa pag-aani ng mga Manubo.
- p. Dururu. Ito ay awiting inaawit ng mga Negrito habang kumukuha ng kahoy na panggatong.
2. Karunungang bayan
Ang karunungang bayan ay isang sangay ng panitikan na naging daan upang upang maipahayag ang mga karunungan, kaisipan, at paniniwalang nabibilang sa bawat kultura ng isang tribo.
a. Salawikain
Ito ay mga matatalinhagang mga pahayag na karaniwang nilalahad ng mga nakatatanda sa mga kabataan upang akayin o gabayan sa kagandahang asal. Maituturing itong pilosopiya ng buhay sapagkat naglalaman ito ng mga karunungang katutubo tungkol sa buhay.
Karaniwang ito ay may sukat at tugma upang maging higit na kaaya-ayang pakinggan.
Halimbawa:
- Kung ano ang itinanim, siya ring aanihin.
- Kung maiksi ang kumot, matutong mamaluktot.
- Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
b. Sawikain
Ito ay tinatawag ding idyoma. Ang sawikain ay mga matatalinhagang mga pahayag na may hindi tuwirang kahulugan. Kalimitang hinahango ito sa karanasan ng isang tao.
Halimbawa:
- maghigpit ng sinturon
- mababaw ang luha
- kabiyak ng puso
c. Kasabihan
Ang kasabihan ay nagpapahayag ng mga paniniwala kaugnay ng mga pangyayari sa buhay. Ito ay nagsasabi ng bagay na dapat iwasan o gawin ng isang tao, pinaniniwalaan ng nakararami, at tunay at totoo.
Maihahalintulad ang kasabihan sa mga salawikain, ngunit hindi matalinghaga o tuwiran ang pagpapahayag nito.
Halimbawa:
- Kapag naliligaw, baliktarin ang iyong suot na damit.
- Huwag kang magtiwala sa taong hindi mo kilala.
- Kung may tiyaga, may nilaga.
d. Bugtong
Ito ay isang laro ng pahulaan kung saan ang salitang pinahuhulaan ay inilalarawan nang patula.
Halimbawa:
- Buto’t balat lumilipad.
- Dalawang bolang maitim, malayo ang tingin.
e. Palaisipan
Ang palaisipan ay nasa anyong tuluyan o inilalahad sa pamamagitan ng pangungusap o talata. Ito ay nag-uudyok na gisingin ang isipan ng mga tao upang mag-isip ng sagot o kalutasan sa isang suliranin.
Halimbawa:
- May bola sa isang mesa. Tinakpan ito ng sombrero. Paano nakuha ang bola nang hindi nagagalaw ang sombrero?
f. Bulong
Ito ay karaniwang may sukat at tugma. Ginagamit ang bulong sa panggagamot, pangungulam, o pangontra sa kulam, engkanto at masamang espiritu.
3. Tulang Panudyo
Ito ay mga tulang may layuning manukso ng isang bata o ng isang matanda.
Halimbawa:
- Bata batuta, isang perang muta.
4. Mga Tugmang walang Diwa
Ito’y mga patulang may tugma ngunit walang tinataglay na diwa o kahulugan. Tanging ito ay mga nakatutuwang tunog na napaglaruan ng tunog o bunga ng paglalaro sa mga salita.
Halimbawa:
- Hala , ulan, pantay kawayan. Hala takbo, bayo, pantay kabayo!
5. Kuwentong bayan
Mayaman sa mga kwento ang mga katutubong Pilipino bago pa man dumating mga Espanyol. Kalimitan sa mga kuwentong bayan ay kathang isip na naglalayong magpahayag ng mahalagang aral. Sinasalamin ng mga kuwentong bayan ang kultura at pag-uugaling mayroon sa isang lugar.
a. Epiko
Ang epiko ay isang mahabang tulang nagsasalaysay ng pakikipagsapalaran, kabayanihan, o mga kagila-gilalas na ginawa ng isang bayani o maalamat na nilalang.
Halimbawa:
- Biag ni Lam-ang – Ilokano
- Kumintang – Tagalog
- Ibalon – Bikol
- Indapatra at Sulayman – Maguindanao
- Bidasari – Mindanao
- Alim - Ifugao
b. Alamat
Ito ay isang uri ng panitikan na nagsasalaysay sa pinagmulan ng isang bagay o pook. Nagkukuwento rin ito tungkol sa isang taong may kagila-gilalas na buhay o nagawa.
- Bakit Maliwanag ang Araw kaysa sa Buwan – Pampanga
- Alamat ng Bulkang Mayon – Bikol
- Alamat ng Bundok Kanlaon – Bisaya
c. Mito
Kaugnay ng mga kwentong mito ang mga sagradong paniniwala ng mga katutubong Pilipino. Itinuturing ng mga sinaunang Pilipino na totoo at nangyari ang mga naganap sa mga kuwentong mito. Kinapapalooban ito ng mga kuwento tungkol sa ibang daigdig tulad ng langit at ilalim ng daigdig, tungkol sa pinagsimulan ng daigdig at tao, at sa mga diyos at diyosa.
Halimbawa:
- Si Malakas at Si Maganda – Tagalog
- Ang Pinagmulan nitong Daigdig – Maranao
6. Sinaunang Dula
Sinasabing mayroon nang dula ang mga sinaunang Pilipino. Ito’y kanilang tinatanghal sa harap ng mga maharlika, sa damuhan, sa tabing-ilog, o sa bahay-dalanginan. Ang mga katutubong sayaw at ritwal ng mga babaylan ay itinuturing na unang anyo ng dula sa Pilipinas.
Halimbawa:
- Wayang Orang – Bisaya
- Embayoka – Muslim
Karamihan
sa mga katutubong panitikang ating naririnig o napag-aaralan sa paaralan ay
nagpasalin-salin sa bibig ng ilang henerasyon. Ang ganitong uri ng pagsasalin
ay nakatulong upang mapanatili sa ating kultura at kamalayang Pilipino ang
sinaunang panitikan ng ating mga ninuno. Sa kasamaang palad, ang ilan sa mga
panitikan na isinalin ng mga katutubong Pilipino nang pasulat ay hindi na
nabasa pa. Sinasabing ang panitikang nasusulat noon ay sinunog ng mga Kastila sa
paniniwalang ito ay bunga o gawa ng isang demonyo.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.