Pilipinas ang isa sa mga bansa sa mundo na mayroong iba’t ibang wika. Ang pagkaroroon ng iba’t ibang wika sa bansa ang naging malaking hamon sa mga Pilipino upang magkaisa. Matatandaang, noong panahon ng Amerikano, naging malaking usapin ang wikang magbubuklod sa Pilipinas. May mga indibidwal na nagsasabing Ingles ang nararapat na wikang pambansa ng Pilipinas; samantala, may nagsasabi ring dapat hango mula sa katutubong wika ang magiging pambansang wika ng bansa.
Ang usaping ito ay natuldukan nang umupo bilang pangulo si Manuel L. Quezon. Ang kagustuhan niyang mapag-isa ang lahing Pilipino ay nag-udyok ng malaking tagumpay sa ating wika.
Pumili ang lupon ng Surian ng Wikang Pambansa sa mga katutubong wikang umiiral sa bansa ng magiging batayan ng pambansang wika. At noong 1937, sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134, ibinatay ang wikang pambansa ng Pilipinas sa Tagalog.
Alamin natin ang mga dahilan kung bakit Tagalog ang pinagbatayan ng wikang Filipino.
Tagalog
Ang Tagalog ay isa sa mga pangunahing wikain o dayalektong sinasalita sa bansa. Ito ang wikaing ginagamit ng halos ng mga lalawigan sa Luzon partikular sa Gitnang Luzon, Timog Luzon, at Metro Manina (National Capital Region).
Isa
ang Tagalog sa mga wikang nabibilang sa pamilya ng wikang Austronesia o
Malayo-Polinesyo. Dahil sa pananakop ng mga Kastila sa Luzon, nagkaroon ng
malaking impluwensiya ang wikang Kastila sa bokabularyo ng Tagalog. Baybayin
ang naging unang sistema ng pagsulat ng Katagalugan na napalitan ng alpabetong
Romano na ginagamit hanggang sa kasalukuyan.
Mga Pamantayan sa Pagpili ng Batayang Wika ng Wikang Pambansa
Upang mapili ang magiging batayang wika ng pambansang wika ng bansa, kailangang matugunan ang mga sumusunod na pamantayan:
- Ang magiging batayang wika ay sinasalita at ginagamit ng maraming Pilipino.
- Ito ang wikang ginamit sa mga pinakadakilang panitikan.
- Ito ang wikang ginagamit sa pamahalaan, edukasyon, at negosyo.
Mga Dahilan Kung Bakit Tagalog ang Pinagbatayan ng Wikang Pambansa
Nang mabuo ang Surian ng Wikang Pambansa (dating pangalan ng Komisyon ng Wikang Filipino) noong ika-12 ng Enero, 1937, ang mga naging kagawad ng lupon ay nagsilbing kinatawan ng mga pangunahin at minoryang wika sa bansa. Nagpapatunay itong hindi naging limitado ang pag-aaral ng lupon sa Tagalog. Kanilang tinaya ang mga katutubong wika upang humanap ng wikang magiging batayan ng ating wikang pambansa.
At sa parehas ding taon, itinadhanang Tagalog ang magiging batayang wikang pambansa ng Pilipinas. Narito ang mga dahilan kung bakit Tagalog ang napiling batayang wika:
1. Ginagamit ang Tagalog sa sentro ng kalakalan. Maynila ang naging sentro ng kalakalan at pampulitika sa bansa, at Tagalog ang wikaing ginagamit dito.
2. Maraming aklat at panitikan ang nasusulat sa Tagalog. Maraming mga panitikan noon ang nakasulat sa Tagalog kumpara sa ibang wikain ng bansa. Ang mga tradisyunal na panitikan nito ang pinakamayaman, pinakamaunlad, at pinakamalawak. Tagalog din ang wikaing may pinakamaraming aklat pambalarila at diksyunarong nagawa at nalimbag.
3. Mayaman na talasalitaan. Tinatayang nagtataglay ang Tagalog ng 30,000 na mga salitang ugat at 700 na mga panlapi.
4. Ginagamit ito ng nakararami. Malaking bahagi ng bansa partikular sa Luzon ang gumagamit ng Tagalog bilang wika. Mas mapadadali at mapabubuti nito ang talastasan sa mga rehiyon. Maging ang ibang lalawigan ay ginagamit ito bilang intermediary language.
5. Madali itong pag-aralan, matutuhan, at bigkasin. Kumpara sa ibang wikain sa bansa, itinuturing Tagalog ang wikang mas madaling matutuhan at mabigkas ng mga Pilipinong hindi ito ang wika.
6. Kaya nitong pag-isahin ang iba’t ibang wika sa bansa. Tagalog ang wikang may malaking bahagdan ng pagkahahawig sa ibang wikain sa bansa. Ayon sa ginawang pag-aaral ng SWP, tinatayang ang Tagalog ay:
- 59.6% na katulad ng Kapampangan.
- 48.2% na katulad ng Sebwano.
- 49.6% na katulad ng Hiligaynon.
- 39.5% na katulad ng Ilokano.
7. Tagalog ang ginamit sa himagsikan. Ito ang wikang ginamit noon ng mga Pilipino sa paghihimagsik laban sa Kastila. Ang mga pangyayaring ito ay naging mahalaga sa kasaysayan ng ating bansa.
Mga Isyu sa Pagpili ng Tagalog bilang Batayang Wika ng Wikang Pambansa
Bagaman isang malaking hakbang sa pagkakilanlan at kalayaan ng bansa ang pagkilala sa Tagalog bilang wikang batayan, nabahiran ito ng ilang isyu at haka-haka.
Isa sa mga haka-hakang nabuo ang ‘pagluto’ ni Pang. Manuel L. Quezon sa pagpili ng Tagalog bilang batayang wika. Ayon sa haka, napili ang Tagalog bilang batayan dahil ito ang wikang ginagamit ni Pangulong Quezon. Agad napabulaan ang hakang ito sapagkat walang dokumento at ebidensya ang sumusuporta rito. Ang pagpili ng batayang wika ay nasa kamay ng Surian ng Wikang Pambansa. Ang mga kagawad ng surian ay nagmula sa iba’t ibang wika na pinagbotohan ng lahat ng mga kasapi mula sa iba’t ibang rehiyon.
Naging malaking suliranin sa surian ang pag-akusa sa lupon bilang mga ‘puristang Tagalog’. Dahil sa pagbatay sa Tagalog ng wikang pambansa at ortograpiya, may mga indibidwal ang nagsasabing paraan ito ng surian upang ipalaganap sa bansa ang wikang Tagalog. Makailang beses nilang pinabulaan ang akusasyon ngunit hindi pa rin nawawala ang mga tumutuligsa sa kanila.
Malaking
suliranin man sa surian ang paglaganap ng ‘puristang Tagalog’, ginamit itong
batayan upang mapaunlad ang wikang pambansa at ortograpiya ng bansa. Ito ang
dahilan kung bakit makailang beses nagpalit ng pangalan ang wikang pambansa,
nagbago ang ortograpiya, at nagpalit ang ating alpabeto.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.