Isa sa malaking tagumpay na nakamit ng ating bansa noon at sa pahanggang ngayon ay ang pagkaroon ng Wikang Pambansa. Ito ang sumisimbolo sa ating kalayaan at sa ating sariling pagkakilanlan bilang isang Pilipino. Ang Wikang Pambansa rin ang nagsisilbing lubid na nagbubuklod sa bawat mamamayan. Hindi natin natatamasa ang kasalukuyan kung walang tulong ng ating Wikang Pambansa.
Sa
rami ng mga mandarayong sumakop sa bansa, mahaba-habang pagbabago ang naganap
sa ating wika bago ang ngayon – mga pagbabagong dapat nating sariwain at
alamin.
Kasaysayan ng Wikang Pambansa sa Panahon ng Katutubo
Mayaman na sa wika ang mga katutubong Pilipino noon. Upang lubusan nating maunawaan ang pinasimulan ng mga wika sa Pilipinas, ating alamin ang isang teoryang sumasagot sa tanong na: paano nagkaroon ng unang tao sa bansa?
Teoryang Austronesyano
Ayon kay si Peter Bellwood, nagmula ang mga Austronesyano mula sa Timog Tsina at naglakbay pa-Timog sa Asya. Tinatayang 5000 B.C. nang makarating ang Austronesyano sa bansa.
Ito ang nagpapaliwanag kung bakit ang mga tao sa bansang nasa Timog o Timog Silangang Asya ay may magkaparehong kultura at kaanyuan.
Isa rin sa pinagbatayan ni Peter Bellwood sa teoryang ito ang mga wika. Kung mapapansin natin, may mga salita sa Filipino na halos kahalintulad ng mga salitang nasa wika ng mga bansang makikita sa Timog o Timog Silangang Asya.
Halimbawa:
- apat – upat (Cebuano), empat (Javanese), empat (Malay)
- pulo/isla – pulau (Indonesian), pulo (Javanese), pulo/isla (Tagalog)
Malayo-Polinesyo
Ito ang tawag sa angkan ng mga wikang sinasalita ng mga bansang nabibilang sa Austronesian. Kabilang dito ang mga wika ng Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Cambodia at marami pang bansa.
Mga Wika ng Katutubo
Sa panahon ng katutubo, wala pang konsepto ng sentrong pamahalaan at wikang pambansa ang mga sinaunang Pilipino. Bawat barangay, pangkat, o sultanato ay may kaniya-kaniyang sistema ng pamahalaan at wika.
Tulad na lamang ng mga pangkat sa Katagalugan. Tagalog ang wikang kanilang ginagamit at Baybayin naman ang sistema ng kanilang pagsulat.
Samakatuwid,
wala pang ‘wikang pambansa’ ang Pilipinas noong panahon ng katutubo.
Kasaysayan ng Wikang Pambansa sa Panahon ng Kastila
Sa
haba ng panahong sinakop tayo ng mga Kastila, maraming mga impluwensiya at
pagbabago ang naganap sa ating wika. Ang pagkamulat sa alpabetong Romano at sa
wikang Kastila ang isa sa mga malalaking pagbabagong naganap sa mga katutubong
wika.
Paggamit ng mga Wikang Katutubo
- Mas mabilis matutunan ang wika sa isang rehiyon kaysa ituro ang wikang Kastila sa lahat ng mga Pilipino.
- Mas mapapabilis ang pagtuturo at pagpapalaganap ng relihiyong Kristiyanismo sa buong kapuluan.
Sa kadahilanang ito, nagsulat ang prayle noon ng
mga aklat-pambalarila at talasalitaan upang mas mapabils ang kanilang
pagkatuto. Kalaunan, nailimbag ang mga kauna-unahang mga aklat sa Pilipinas na
nakasulat sa mga katutubong wika partikular Tagalog o may salin sa katutubong
wika.
Pagtuturo ng Wikang Kastila
Naging usapin ang wikang panturo at wikang gagamitin sa Pilipinas. Inutos ng hari noong gamitin ang mga wikang katutubo sa pagtuturo, ngunit hindi ito nasunod. Kasunod nito, nagbigay ng mungkahi, at nagpatupad ng dekrito ang mga hari ng Espanya upang malutas ang problema sa wika sa Pilipinas.
Gobernador Francisco Tello de Guzman
Iminungkahi niyang turuan ang mga Indio (tawag sa mga Pilipino noon) ng wikang Espanyol.
Haring Carlos I
Iminungkahing ituro ang Doctrina Christiana, isang aklat panrelihiyon, sa mga Pilipino gamit ang wikang Espanyol.
Haring Felipe II (Marso 2, 1634)
Muling iniutos ang pagtuturo ng wikang Espanyol sa mga katutubo. Nabigo ito.
Haring Carlos II
Nilagdaan ang isang dikreto na nag-uulit sa mga probisyong nakalahad sa naunang kautusan. Natakda rin siya ng mga kaukulang parusa sa mga hindi susunod.
Haring Carlos IV (Disyembre 29, 1792)
Lumagda
ng isang dekritong nag-uutos ng paggamit ng wikang Espanyol sa lahat ng mga
paaralang itatatag sa Pilipinas.
Kasaysayan ng Wikang Pambansa sa Panahon ng Rebolusyong Pilipino
Sa
panahong ito, umigting ang nasyonalismo sa kamalayan ng bawat Pilipino.
Nagkaroon ng higit na pangangailangan sa isang wikang magbubuklod sa mga
Pilipino. Ito ang naging unang hakbang ng bansa upang magkaroon ng wikang
magbibigkis sa lahat.
Ang Wikang Tagalog
Katipunan
Ginamit
ni Andres Bonifacio at ng Katipunan ang wikang Tagalog sa kanilang mga kautusan
at pahayagan.
Mga Panitikan
Ginamit
din ang wikang Tagalog sa iba’t ibang uri ng panitikan upang imulat at
pag-alabin ang damdaming makabayan ng mga Pilipino.
Konstitusyong Biak-na-Bato 1896
Itinanghal
ang wikang Tagalog bilang wikang opisyal ng bansa.
Unang Republika
Isinaad
sa konstitusyon ng Unang Republika ng Pilipinas na ang paggamit ng Tagalog ay
opsyonal lamang. Gagamitin lang ito ng kung sino lamang ang gustong gumamit
nito.
Kasaysayan ng Wikang Pambansa sa Panahon ng Amerikano
Ingles bilang Wikang Panturo
Matapos
dumating ang mga Amerikano sa bansa ay nagtatag sila ng mga pampublikong
paaralan para sa mga Pilipino. Wikang Ingles ang ginamit nilang wikang panturo
sa mga paaralang ito.
Batas blg. 74 (1901)
Itinakda
nito na ang tanging wikang gagamitin sa pagtuturo ay Ingles.
Thomasites
Ito
ang tawag sa mga sundalong Amerikano na nagsilbing unang guro ng mga Pilipino.
Ang
kurikulum, pahayagan, at aklat-pampaaralan ay nakasulat at nakapokus sa
pag-aaral ng wikang Ingles. Hindi pinayagan ang paggamit ng wikang bernakular
(diyalekto) at wikang Espanyol sa pagtuturo sa mga paaralan.
Ingles laban sa Wikang Bernakular
Bise Gobernador Heneral George Butte
Nagpahayag siya ng kaniyang opinyon ukol sa paggamit ng mga bernakular na wika sa pagtuturo sa unang apat na taong pag-aaral. Sinang-ayunan naman ito nina Jorge Bocobo at Maximo Kalaw.
Pag-aaral nina Najeeb Mitri Saleeby at Paul Monroe
Iginiit
ni Saleeby na kahit mahusay ang pagtuturo ng wikang Ingles sa mga Pilipino ay
hindi pa rin ito ang magiging wikang panlahat sapagkat ang mga Pilipino ay may
kaniya-kaniyang wikang bernakular. Idinagdag din niyang mas maiging hango sa
isang katutubong wika ang wikang pambansa upang higit na maging malaya at
epektibo ang edukasyon sa bansa.
Mga Ilang Dahilan ng mga Tagataguyod ng paggamit ng Bernakular sa Pagtuturo
- Tinatayang walumpong bahagdan lamang ng mga mag-aaral ang nakaaabot ng hanggang ikalimang baitang.
- Mas magiging epektibo ang pagtuturo sa primarya kung wikang bernakular ang gagamitin.
- Nararapat na Tagalog ang linangin sapagkat ito ang wikang karaniwan sa mga Pilipino.
- Hindi magiging maunlad ang pagtuturo sa Pilipinas kung wikang Ingles lamang ang gagamitin.
- Hindi nagpapakita ng nasyonalismo ang pagpapayabong sa wikang Ingles bilang pambansang wika ng Pilipinas.
- Nararapat lamang na gamitin ang wikang bernakular dahil ito ang ikabubuti para sa lahat.
- Walang kakayahan ang maraming Pilipino na sumulat ng panitikan sa wikang Ingles.
- Hindi nangangailangan ng maraming kagamitang panturo upang magamit ang bernakular na wika.
Bagaman
maraming ibinigay na magandang dulot ng paggamit ng bernakular sa pagtuturo ang
mga tagataguyod nito, mariin pa ring nanindig ang Kagawaran ng Pambayang
Paaralan (Department of Public Schools) na mas nararapat ang Ingles bilang
daloy ng pagtuturo sa mga paaralan.
Mga Dahilan ng Hindi paggamit ng Wikang Bernakular sa mga Paaralan
- Magdudulot ng mga suliraning administratibo ang pagtuturo ng bernakular sa mga paaralan.
- Magdudulot ng rehiyonalismo ang paggamit ng iba’t ibang bernakular sa halip na magdulot ito ng nasyonalismo.
- Hindi magandang pakinggan ang magkahalong wikang bernakular at Ingles.
- Naging malaki na ang pondong inilaan ng pamahalaan para sa edukasyong pambayan at sa paglinang ng wikang Ingles bilang wikang pambansa.
- Wikang Ingles ang nakikitang sagot upang magkaroon ng pambansang pagkaiisa.
- Ingles ang ginagamit bilang wika ng pandaigdigang pangangalakal.
- Mayaman ang Ingles sa mga katawagang pansining at pang-agham.
- Naumpisahan nang maituro ang Ingles sa mga paaralan. Kailangan lamang itong hasain pa.
Pagkatatag ng Konstitusyong Komonwelt
Walang batas o probisyon ang nagsasaad na gagawing wikang pambansa ng Pilipinas ang wikang Ingles.
Sa
pangunguna ni Pangulong Manuel L. Quezon, nagkaroon ng mga hakbang upang
magkaroon ang Pilipinas ng wikang pambansa. Isa sa mga probisyon ang pagpili sa
isang umiiral na katutubong wika ng bansa bilang batayan ng wikang pambansa ng
Pilipinas. At noong 1937, prinoklama ang Tagalog bilang wikang batayan ng
pambansang wika ng Pilipinas.
Kasaysayan ng Wikang Pambansa sa Panahon ng Hapon
Sa
pagdating mga Hapon sa bansa, lumawak ang siwang ng liwanag sa panitikan at
wikang Pilipino. Ito ang dahilan kung bakit tinagurian ang yugtong ito bilang Ginintuang Panahon ng Panitikang Pilipino.
Ordinansa Militar Blg. 13
Ito
ay nag-uutos na gawing opisyal na wika ng Pilipinas ang Tagalog at Nihonggo
(wikang Hapones).
Mga Pagbabagong Naganap sa Wika
- Ipinagbawal ang paggamit ng wikang Ingles at ng anumang uri ng babasahing may kinalaman sa Amerika.
- Pinayagang gamitin ng mga Pilipino ang mga wikang katutubo partikular Tagalog sa pagsulat ng mga panitikan.
- Ginamit bilang wikang panturo ang Nihonggo sa lahat, at maging ang Tagalog.
- Maraming mga manunulat sa Ingles ang napilitang mag-aral at magsulat sa wikang Tagalog.
- Nagkaroon ng mga talakayan hinggil sa wika.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.