Ad Code

WIKA | Wikang Pambansa: Tagalog, Pilipino, o Filipino

 

Hibarong Filipino: Alamin kung ano ba ang dapat itawag sa ating wikang pambansa: Tagalog, Pilipino, o Filipino.

Pangalan na marahil ng ating wikang pambansa ang isa sa kinalilituhan ng maraming mga Pilipino. Mula sa mga mag-aaral, mga mamamayan, maging ang ilang mga banyaga ay nalilito sa kung ano ba talaga ang tawag sa wika ng Pilipinas. Ang kalituhang ito ay maaaring maugat dahil sa papalit-palit ng pangalan ng ating wika.

Alamin natin ngayon kung ano nga ba ang pangalan o tawag sa wikang pambansa ng Pilipinas.


Mga Naging Pangalan ng Wikang Pambansa ng Pilipinas

Kung babalikan ang kasasayan ng ating wikang pambansa, matapos itakda ang Tagalog bilang wikang batayan, nagkaroon ito ng tatlong pangalan. Una nitong pangalan, sa pagpapatibay ng Batas Komonwelt Blg. 570 noong Hunyo 4, 1946, ay Wikang Pambansang Pilipino. Kaalinsabay nito ang pagtatalaga rito bilang wikang opisyal ng bansa.

Dahil sa pagiging mahaba ng naunang pangalan, nagpasa ng kautusan ang Kalihim ng Edukasyon na si Jose B. Romero noong Agosto 13, 1959. Sa atas ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 7, ang wikang pambansa ng Pilipinas ay tatawagin na lamang Pilipino.

Noong 1973, iniutos ng Saligang Batas Artikulo XIV Seksyon 3 ang paggawa ng hakbang ng Batasang Pambansa sa paglinang at pormal na adapsyon ng isang panlahat na wikang pambansa na tatawaging Filipino. At noong 1987, tinadhana ng Saligang Batas na ang wikang pambansa ng Pilipinas ay tatawaging Filipino. Kaalinsabay ang pagtatalaga nito bilang wikang opisyal kasama ang Ingles.

Wikang Pambansang Pilipino => Pilipino => Filipino



Wikang Pambansa: Tagalog o Pilipino o Filipino

Ano nga ba ang dapat itawag sa wikang pambansa ng Pilipinas? Para masagot ito, alamin muna natin ang gamit o kahulugan ng Tagalog, Pilipino, at Filipino.

Tagalog. Isa ito sa mga pangunahing wikain sa bansa. Ito ang wika o dayalektong ginagamit ng mga lalawigang nasa Luzon tulad ng Metro Manila (NCR). Ito ang katutubong wikang napili upang pagbatayan ng wikang pambansa.

Pilipino. Tumutukoy ito sa mga mamamayang nakatira sa Pilipinas. Ito rin ang ikalawang pangalang binigay sa wikang pambansa na pinalitan noong 1987 sa takda ng Saligang Batas.

Filipino. Ito ang pangalang itinakda ng Saligang Batas (1987) sa wikang pambansa ng Pilipinas na pahanggang sa kasalukuyan ay ito pa rin ang itinatawag. Maaari itong tumukoy sa isang asignatura, at Ingles na katawagan sa mamamayan ng bansa.

Samakatuwid, ang wastong tawag sa wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino.


Bakit Pinalitan ng “F” ang Pilipino?

Marahil maraming mga Pilipino ang magsasabing mas tunog atin at makabansa ang “Pilipino” kaysa sa “Filipino”. Mauugat pa sa ating ninuno ang paggamit ng tunog ‘p’ maging ang alpabeto nito sa mga salita. Samantala, alam ng lahat na ang titik ‘f’ ay ating natutuhan at nakuha mula sa mga banyagang nanakop sa bansa.

Kaya bakit pinalitan ng Filipino ang Pilipino?

Ayon sa Komisyon ng Wikang Filipino, ang pagpapalit ng ‘p’ sa ‘f’ sa pangalan ng wikang pambansa ay nagpapakita ng pagyakap hindi lamang sa wika kung hindi maging sa mga tao at kultura ng bansa. Ipinaliwanag ng KWF (Mayo 12, 2015) na ang paggamit sa “Filipino” ay pagyakap sa mga katutubo at rehiyunal na wika.

Lingid sa kaalaman ng maraming Pilipino, ang tunog ‘f’ ay hindi banyaga sa ating bansa.

Ayon kay Dr. Purificacion Delima, kagawad ng Komisyon ng Wikang Filipino, ang tunog ‘f’ ay ginagamit noon pa man sa wika ng mga katutubong mula sa Cordilleras ng mga Ifugao at sa B’laan sa Mindanao. Idinagdag din niyang ang paggamit ng “Filipino” ay pagkilala sa mga rehiyunal na wika at pagpapayaman sa ating wikang pambansa.

Kaya itinuring ng marami ang ‘f’ bilang banyaga sapagkat ang Tagalog, na pinagbatayan ng wikang pambansa, ay hindi nagtataglay ng tunog ‘f’. Ganoon din sa alpabetong Pilipino kung saan ang pinagbatayan ay ang ABaKaDa ni Lope K. Santos. Walang titik ‘f’ sa ABaKaDa kaya nang idagdag ito sa ating alpabeto ay itinuring itong hiram na titik.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento