Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag
hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang takot ay sa alaala
ng isang lasing na suntok sa bibig na nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga
ng ilang araw sa labi. Ang pananabik ay sa pagkain na
paminsan-minsa'y inuuwi ng ama – malaking supot ng mainit na pansit na iginisa
sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa sarili lang niya ang iniuuwing pagkain ng
ama, lamang ay napakarami nito upang maubos niya nang mag-isa; pagkatapos ay
naroong magkagulo sa tira ang mga bata na kanina pa aali-aligid sa mesa. Kundi
sa pakikialam ng ina na mabigyan ng kaniya-kaniyang parte ang lahat - kahit
ito'y sansubo lang ng masarap na pagkain, sa mga pinakamatanda at malakas na
bata lamang mapupunta ang lahat, at ni katiting ay walang maiiwan sa maliliit.
Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda
ay isang lalaki, dose anyos, at isang babae, onse; matatapang ang mga ito kahit
na payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung wala
ang ina, upang tiyaking may parte rin ang maliliit. May dalawang lalaki,
kambal, na nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso anyos at isang dos anyos
na paslit pa, katulad ng iba, ay maingay na naghahangad ng marapat niyang parte
sa mga pinag-aagawan.
Natatandaan ng mga bata ang isa o dalawang okasyon
na sinorpresa sila ng ama ng kaluwagang-palad nito - sadyang nag-uwi ito para
sa kanila ng dalawang supot na puno ng pansit guisado, at masaya nilang
pinagsaluhan ang pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit na ang ina nila'y
masayang nakiupo sa kanila't kumain ng kaunti.
Pero hindi na naulit ang masayang okasyong ito, at
ngayo'y hindi nag-uuwi ng pagkain ang ama; ang katunaya'y ipinapalagay ng mga
batang mapalad sila kung hindi ito umuuwing lasing at nanggugulpi ng kanilang
ina. Sa kabila niyo'y umaasa pa rin sila, at kung gising pa sila pag-uwi sa
gabi ng ama, naninipat ang mga matang titingnan nila kung may brown na
supot na nakabitin sa tali sa mga daliri nito. Kung umuuwi itong pasigaw-sigaw
at padabog-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang mga bata'y magsisiksikan,
takot na anumang ingay na gawa nila ay makainis sa ama at umakit sa malaking
kamay nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang mukha. Madalas na masapok ang
mukha ng kanilang ina; madalas iyong marinig ng mga bata na humihikbi sa mga
gabing tulad nito, at kinabukasan ang mga pisngi at mata niyon ay mamamaga,
kaya mahihiya itong lumabas upang maglaba sa malalaking bahay na katabi nila.
Sa ibang mga gabi, hindi paghikbi ang maririnig ng mga bata mula sa kanilang
ina, kundi isang uri ng pagmamakaawa at ninenerbiyos na pagtawa at
malakas na bulalas na pag-ungol mula sa kanilang ama at sila'y magtatanong kung
ano ang ginagawa nito.
Kapag umuuwi ang ama ng mas gabi kaysa dati at mas
lasing kaysa dati, may pagkakataong ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang
dahila'y si Mui Mui, otso anyos at sakitin at palahalinghing na parang kuting,
ay madalas kainisan ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng
langib sa galis na nagkalat sa kaniyang mga binti, na nag-iiwan ng
mapula-pulang mga patse, gayong pauli-ulit siyang pinagbabawalan ng ina. Pero
ang nakakainis talaga ay ang kaniyang halinghing. Mahaba at matinis, iyon ay
tumatagal ng ilang oras, habang siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok ng
bahay, namamaluktot nang pahiga sa banig kasama ang ibang mga bata, na
di-makatulog. Walang pasensiya sa kaniya ang pinakamatandang lalaki at babae,
na malakas siyang irereklamo sa ina napagagalitan naman siya sa pagod na boses;
pero sa gabing naroon ang ama, napapaligiran ng bote ng beer na
nakaupo sa mesa, iniingatan nilang mabuti na hindi humalinghing si Mui Mui.
Alam nila na ang halinghing niyon ay parang kudkuran na nagpapangilo sa
nerbiyos ng ama at ito'y nakabubulahaw na sisigaw, at kung hindi pa iyon
huminto, ito'y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon nang buong lakas.
Pagkatapos ay haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na sa tingin nito,
sa kabuuan, ay ang sanhi ng kaniyang kabuwisitan.
Noong gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang
timpla dahil nasisante sa kaniyang trabaho sa lagarian, si Mui Mui ay nasa
gitna ng isang mahahabang halinghing at hindi mapatahan ng dalawang
pinakamatandang bata gayung binalaan nilang papaluin ito. Walang ano-ano, ang
kamao ng ama ay bumagsak sa nakangusong mukha ng bata na tumalsik sa kabila ng
kuwarto, kung saan ito nanatiling walang kagalaw-galaw. Mabilis na naglabasan
ng bahay ang ibang mga bata sa inaasahang gulo. Nahimasmasan ng ina ang bata sa
pamamagitan ng malamig na tubig.
Pero pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay
namatay, at ang ina lamang ang umiyak habang ang bangkay ay inihahandang
ilibing sa sementeryo ng nayon may isang kilometro ang layo roon sa tabi ng
gulod. Ilan sa taganayon na nakatatanda sa sakiting bata ay dumating upang makiramay.
Sa ama na buong araw na nakaupong nagmumukmok ay doble ang kanilang pakikiramay
dahil alam nilang nawalan ito ng trabaho. Nangolekta ng abuloy ang isang babae
at pilit niya itong inilagay sa mga palad ng ama na di-kawasa, puno ng awa sa
sarili, ay nagsimulang humagulgol. Ang balita tungkol sa malungkot niyang
kinahinatnan ay medaling nakarating sa kaniyang amo, isang matigas ang loob
pero mabait na tao, na noon di'y nagdesisyong kunin siya uli, para sa kapakanan
ng kaniyang asawa at mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng
sariling pakikiramay, kalakip ang munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa
asawa ng lalaki imbes sa lalaki mismo). Nang makita niya ang dati niyang amo at
marinig ang magaganda nitong sinabi bilang pakikiramay sa pagkamatay ng
kaniyang anak, ang lalaki ay napaiyak at kinailangang muling libangin.
Ngayo'y naging napakalawak ang kaniyang awa sa
sarili bilang isang malupit na inulilang ama na ipinaglalamay ang wala sa
panahong pagkamatay ng kaniyang dugo at laman. Mula sa kaniyang awa sa sarili
ay bumulwak ang wagas napagmamahal sa patay na bata, kaya madalamhati siyang
nagtatawag, "Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa kong anak!" Nakita
niya ito sa libingan sa tabi ng gulod -payat, maputla, at napakaliit - at ang
mga alon ng lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno niyang mga balikat at
brasong kayumanggi ay nakakatakot tingnan. Pinilit siyang aluin ng mga
kapit-bahay, na ang iba'y lumayo na may luha sa mga mata at bubulong-bulong,
"Maaring lasenggo nga siya at iresponsable, pero tunay na mahal niya ang
bata".
Tinuyo ng nagdadalamhating ama ang kaniyang mga luha
at saka tumayo. Mayroong siyang naisip. Mula ngayon, magiging mabuti na siyang
ama. Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng kaniyang amo sa asawa (na
kiming iniabot naman ito agad sa kaniya, tulad ng nararapat). Binilang niya ang
papel-de-bangko. Isa man dito ay hindi niya gagastusin sa alak. Hindi na
kailanman. Matibay ang pasiya na lumabas siya ng bahay. Pinagmasdan siya ng mga
bata. Saan kayo pupunta, tanong nila. Sinundan nila ito ng tingin. Papunta ito
sa bayan. Nalungkot sila, dahil tiyak nila na uuwi itong dalang muli ang mga
bote ng beer.
Pagkalipas ng isang oras, bumalik ang ama. May
bitbit itong malaking supot na may mas maliit na supot sa loob. Inilapag nito
ang dala sa mesa. Hindi makapaniwala ang mga bata sa kanilang nakita, pero iyon
ba'y kahon ng mga tsokolate? Tumingin silang mabuti. May supot ng ubas at isang
kahon yata ng biskwit. Nagtaka ang mga bata kung ano nga ang laman niyon. Sabi
ng pinakamatandang lalaki'y biskwit; nakakita na siyang maraming kahon tulad
niyon sa tindahan ni Ho Chek sa bayan. Ang giit naman ng pinakamatandang babae
ay kendi,'yong katulad ng minsa'y ibinigay nila ni Lau Soh, na nakatira roon sa
malaking bahay na pinaglalabhan ng nanay. Ang kambal ay nagkasiya sa pandidilat
at pagngisi sa pananabik; masaya na sila ano man ang laman niyon. Kaya nagtalo
at nang hula ang mga bata. Takot na hipuin ang yaman na walang senyas sa ama.
Inip silang lumabas ito ng kaniyang kuwarto.
Di nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na ng
damit, at dumiretso sa mesa. Hindi dumating ang senyas na nagpapahintulot sa
mga batang ilapat ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman. Kinuha nito ang
malaking supot at muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang
yaman na wari'y kanila na sana, nagbulungan ang dalawang pinakamatanda nang
matiyak na hindi sila maririnig ng ama. "Tingnan natin kung saan siya
pupunta." Nagpumilit na sumama ang kambal at ang apat ay sumunod nang
malayo-layo sa ama. Sa karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita sila nito at
sisigawang bumalik sa bahay, pero ngayo'y nasa isang bagay lamang ang isip nito
at hindi man lang sila napuna.
Dumating ito sa libingan sa tabing gulod. Kahuhukay
pa lamang ng puntod na kaniyang hinintuan. Lumuhod at dinukot ang mga laman ng
supot na dahan-dahang inilapag sa puntod, habang pahikbing nagsalita,
"Pinakamamahal kong anak, walang maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi ang
mga ito. Sana'y tanggapin mo."
Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak, habang
nagmamasid sa pinagkukublihang mga halaman ang mga bata. Madilim na ang langit
at ang maitim na ulap ay nagbabantang mapunit anumang saglit, pero
patuloy sa pagdarasal at pag-iyak ang ama. Naiwan sa katawan ang basang kamisa dentro.
Sa isang iglap, ang kanina pang inip na inip na mga bata ay dumagsa sa yaman.
Sinira ng ulan ang malaking bahagi niyon, pero sa natira sa kanilang nailigtas
nagsalo-salo sila tulad sa isang piging na alam nilang ‘di nila mararanasang
muli.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.