Matapos ng maraming taong pagsakop ng mga Kastila, umalab ang diwang makabayan sa puso ng maraming Pilipino. Ang pag-alab na ito ang naging hudyat ng mga mahahalagang tagpo sa ating kasaysayan ng kasarinlan. Hindi lamang sumiwang sa pakikipaglaban ang diwang makabayan ng Pilipino. Sumiklab din ito sa ating panitikan.
Alamin natin ngayon ang naging kasaysayan ng panitikang Pilipino sa panahon ng Propagandan.
Kilusang Propaganda
Naging mitsa sa pagkabuhay ng nasyonalismo ng mga Pilipino ang pagbitay sa tatlong paring martir na sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora (GomBurZa). Ang pag-alab ng diwang makabayan ang nagpasimula sa pagbuo ng kilusang Propaganda.
Ang Propaganda ay isang kilusang nabuo mula 1872 hanggang 1892. Itinatag ito ng mga Pilipinong ilustrado (mga Pilipinong may mataas na pinag-aralan) sa Madrid para sa layuning pampanitikan at kultural. Ilan sa naging kasapi ng kilusan ay sina Jose P. Rizal, Graciano Lopez-Jaena, Marcelo H. del Pilar, Mariano Ponce, Juan Luna at Antonio Luna.
Layuning ng kilusang ito na:
- Kilalanin ang Pilipinas bilang bahagi at lalawigan ng Espanya.
- Magkaroon ng kinatawang Pilipino sa Cortes Generales.
- Maging pantay ang mga Pilipino at Kastila sa pagtingin at sa ilalim ng batas.
- Magkaroon ng serkularisasyon sa mga parokya.
- Magkaloob ng kalayaan sa pagpapahayag at karapang pantao.
Ginamit ng kilusan ang panitikan upang humingi ng reporma sa sistemang kolonyal ng Espanya.
Sa kasamaang palad, nabigo ang kilusan dahil hindi dininig ng Espanya ang daing ng mga Pilipino. Naging malaking suliranin din sa pagpapatuloy ng mga Gawain ng kilusan ang kakulangan sa pondo. Bagaman nabigo ang kilusan, naging hudyat ito sa pagsisimula ng rebolusyon na tuluyang nagpabago sa takbo ng kasaysayan ng Pilipinas.
Mga Kasapi ng Kilusang Propaganda at Kanilang mga Akda
Jose P. Rizal
- Ang
kaniyang buong pangalan ay Jose Protacio
Rizal Mercado Alonzo y Realonda.
- Isa sa tatsulok ng kilusan.
- Gumamit
ng mga sagisag panulat na Laong-laan at
Dimasalang.
- Ipinanganak noong Hunyo 19, 1861 sa Calamba, Laguna, at nasawi Disyembre 30, 2896 sa Bagumbayan (Luneta Park ngayon).
Ilang mga Akda:
- Noli Me Tangere – nobelang tumatalakay sa sakit ng lipunan.
- El Filibusterismo – karugtong ng Noli Me Tangere na pumapaksa sa kabulukan ng pamahalaan at simbahan.
- Mi Ultimo Adios – tulang kaniyang isinulat habang siya ay nakakulong sa Fort Santiago.
- Sobre La Indolencia De Los Filipinos – sanaysay na sumusuri sa mga dahilan ng katamaran ng mga Pilipino.
- Filipinas Dentro De Cien Años – sanaysay na hinulaan ni Rizal na Estados Unidos ang muling makasasakop sa Pilipinas.
- A La Juventud Filipino – tulang inihandog niya sa mga kabataang Pilipinong nag-aaral sa pamantasan ng Sto. Tomas.
- El Consuejo De Los Dioses – dulang patalinghagang nagpapahayag ng paghanga kay Cervantes.
- Junto Pasig – tulang isinulat niya noong siya ay labing-apat na taong gulang.
- Sa Aking Mga Kabata – tulang tungkol sa wika.
- El Amor Patrio – sanaysay na isinulat niya sa Barcelona na pumapaksa sa pagmamahal sa bayan.
Marcelo H. Del Pilar
- Isa sa tatsulok ng kilusan.
- Gumamit ng sagisag panulat na Plaridel, Pupdoh, Piping Dilat, Dolores Manapat, at Siling Labuyo.
- Itinatag niya ang Diaryong Tagalog noong 1882 na naglathala ng mga puna at pansin sa hindi mabuting pamamalakad ng Kastila.
Ilang mga Akda:
- Pag-ibig sa Tinubuang Lupa – sa El Amor Patrio ni Jose Rizal.
- Caiigat Cayo – pabiro at pauyang tuligsa sa tugon ni Padre Jose Rodriguez sa Noli Me Tangere.
- Dasalan At Tocsohan – pag-uuyam sa mga prayle.
- Ang Cadaquilan ng Dios – pilosopiya sa kapangyarihan ng Diyos, pagpapahalaga, at pag-ibig sa kalikasan.
- Dupluhan… Dalit… Mga Bugtong – mga tula hinggil sa pang-aapi ng mga prayle.
- La Soberana El Filipinas – sanaysay tungkol sa katiwalin at hindi makatwirang gawain ng mga prayle.
Graciano Lopez-Jaena
- Isa sa tatsulok ng kilusan.
- Gumamit ng sagisag panulat na Bolivar at Diego Luna.
- Nakagawa ng may isandaang talumpati na hanggang ngayon ay binabasa at nakatipon at nakalimbag sa limbagan Romegio Garcia.
Ilang mga Akda
- Fray Botod – tumutuligsa sa mga prayle na masiba, ambisyoso, at imoral ang pagkatao.
- La Hija Del Praile at Everything is Hambug – ipinaliwanag niya ang kapahamakan at kabiguan sa kung magpakasal sa isang Kastila.
- Sa Mga Pilipino - talumpating naglalayong mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.
- Talumpating Paggunita kay Columbus – talumpating binigkas niya sa isang teatro sa Madrid noong ika-391 anibersaryo ng pagkatuklas ng Amerika.
- En Honor Del Presidente Morayta Dela Asuncion Hispano Pilipino – pagpuri niya kay Hen. Morayta dahil sa pagpapantay-pantay niya sa mga tao.
- En Honor De Los Artistas Luna Y Resurreccion Hidalgo – pagpuri sa kanilang pagguhit ng mga larawang nagpapakita ng kalagayan ng mga Pilipino sa kamay ng Kastila.
- Amor A Espana O Alas Jovenas De Malolos – pag-aaral ng mga kababaihan sa Kastila na ang nagsisilbing guro ay mga gobernador ng lalawigan.
- El Bandolerismo En Pilipinas – ipinagtanggol niyang walang tulisan sa Pilipinas, at dapat magkaroon ng batas tungkol sa nakawan at reporma.
- Honor En Pilipinas pagwawagi ng eksposisyon nina Luna, Resurrecion, at Pardo de Tavera tungkol sa ang katalinuhan ay nagbibigay ng karangalan sa PIlipinas.
- Pag-alis sa Buwis ng Pilipinas
- Institucion ng Pilipinas – tinalakay niya ang maling pamamalakad sa edukasyon noong 1887.
Antonio Luna
- Isang Parmasyutiko.
- Gumamit ng sagisag panulat na Taga-ilog.
Ilang mga Akda:
- Noche Buena – inilalarawan nito ang tunay na buhay ng isang Pilipino.
- Se Divierten – isang pagpuna sa sayaw ng mga Kastila kung saan ang mga mananayaw ay sobrang nagsisiksikan.
- La Tertulia Filipina – naglalahad ng isang kaugaliang Pilipino na higit na mabuti kaysa sa mga Kastila.
- Por Madrid – tumutuligsa sa mga Kastilang nagsasabing lalawigan ng Espanya ang Pilipinas, ngunit nagiging dayuhan ang mga Pilipino pagdating sa paniningil ng buwis sa selyo.
- La Casa De Huespedes – tungkol sa babaeng may-ari ng isang bahay na naghahanap ng uupa hindi upang kumita, kung hindi para ihanap ng asawa ang kaniyang anak.
- Impresiones – isang paglalarawan ng kahirapang dinaranas ng isang mag-aaral na naulila sa amang kawal.
Mariano Ponce
- Naging punong-patnugot, mananalambuhay, at mananaliksik ng kilusan.
- Gumamit ng mga sagisag panulat na Tikbalang, Kalipulako, at Naning.
Ilang mga Akda:
- Mga Alamat ng Bulacan – naglalaman ng mga alamat at kuwentong bayan ng
Bulacan.
- Pagpugot kay Longino – isang dulang Tagalog na itinanghal sa liwasan Malolos,
Bulacan.
- Sobre Filipinas
- Ang mga Pilipinas sa Indo-Tsina
Pedro Paterno
- Isang iskolar, mananaliksik, at nobelista ng kilusan.
Ilang mga Akda:
- Ninay – kauna-unahang nobelang panlipunan sa wikang Kastila na isinulat ng isang Pilipino.
- A Mi Madre – tungkol sa kahalagahan ng isang ina.
- Sampaguita y Poesias Varias – kalipunan ng kaniyang mga tula
Jose Ma. Panganiban
- Tanyag sa kaniyang memorya-potograpiko.
- Gumamit ng sagisag panulat na Jomapa.
Ilang mga Akda:
- Ang Lupang Tinubuan
- Ang Aking Buhay
- Su Plano De Estudio
- El Pensamiento
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.