Isang simulain sa ating wika ang mga grapema. Ito ang nagsisilbing pundasyon ng ating ortograpiya sapagkat kung wala ang mga ito ay magiging imposibleng makapagpahayag tayo nang pasulat sa maayos at epektibong paraan. Sa grapema nagsisimula ang mga tuntunin sa ating ortograpiyang Filipino.
Alamin natin ngayon ang mga grapema ng ortograpiyang Filipino.
Grapema
Ang grapema ay tumutukoy sa pangkat ng mga bahagi sa isang sistema ng pagsulat. Sa ortograpiyang Filipino, ang grapema ay binubuo ng dalawang bahagi: mga titik at mga di-titik.
Titik
Ito ang nagsisilbing representasyon o sagisag ng mga tunog sa isang wika. Binubuo ito ng mga patinig o bokablo at katinig o konsonante. Ang serye ng mga titik sa isang wika ay tinatawag na alpabeto.
Alpabetong
Filipino |
||||||
Aa ey |
Bb bi |
Cc si |
Dd di |
Ee i |
Ff ef |
Gg dyi |
Hh eyts |
Ii ay |
Jj dyey |
Kk key |
Ll el |
Mm em |
Nn en |
Ññ enye |
Ngng en dyi |
Oo o |
Pp pi |
Qq kyu |
Rr ar |
Ss es |
Tt ti |
Uu yu |
Vv vi |
Ww dobolyu |
Xx eks |
Yy way |
Zz zi |
Binubuo ang alpabetong Filipino ng dalawampu’t walong (28) titik: limang (5) patinig at dalawampu’t tatlong (23) katinig. Binabasa ang mga titik sa tunog-Ingles maliban sa ‘Ñ’.
Di-titik
Binubuo ang mga di-titik na grapema ng mga tuldik at bantas.
Tuldik o Asento
Ito ang gabay sa kung paano bibigkasin ang isang salita. Itinuturing ang mga tuldik bilang simbolo para sa impit na tunog, o sa diin o haba ng pagbigkas. Binubuo ng apat na tuldik ang Filipino:
- Ang tuldik na pahilis (´) ay sumisimbolo sa diin o haba ng pagbigkas.
- Ang tuldik na paiwa (`) at pakupya (^) ay sumisimbolo sa impit na tunog.
- Ang tuldik na patuldok (¨), na kahawig ng umlaut at dieresis, ay sumisimbolo sa tinatawag na schwa sa linggwistika.
Bantas
Ito
ay kumakatawan sa patlang at himig ng pagsasalita sa pagitan ng mga titik at
pantig, sa pagitan ng salita at parirala, at sa pagitan ng mga salita. Narito
ang mga karaniwang bantas na ating ginagamit sa pagsusulat:
- kuwit (,)
- tuldok (.)
- tandang padamdam (!)
- tandang pananong (?)
- tutuldok (:)
- tuldok-kuwit (;)
- kudlit (‘)
- gitling (-)
Sanggunian:
Virgilio, Almario S., KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat, Maynila: Komisyon ng Wikang Filipino, 2014. pdf
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.