Ad Code

ESTRUKTURANG FILIPINO | Bahagi ng Pananalita

ISTRUKTURANG FILIPINO | Bahagi ng Pananalita



Sa pagbuo ng isang pangungusap, ang bawat salita ay may natatanging gamit at tungkulin. Halimbawa ng salitang ‘sila’ na hindi maaaring gamitin bilang pantukoy sa ngalan ng isang tao. Ang pag-unawa sa bawat bahagi ay nakatutulong upang higit na maunawaan ang wastong gamit ng bawat salita sa pagbuo ng isang pangungusap.

Alamin natin ngayon ang mga bahagi ng pananalita sa balarilang Filipino.


Bahagi ng Pananalita

Tinatawag din itong kauriang panleksiko. Ang Bahagi ng Pananalita ay isang lingguwistikong pag-uuri sa mga salita sa kung paano ito ginamit sa pangungusap at sa kung paano ito binuo.

Halimbawa ng salitang ugat na ‘ganda’. Kapag ito ay ginamit sa pangungusap bilang paksa, ito ay magiging isang pangngalan (Ang ganda ay nag-iiba-iba sa mata ng bawat nilalang.). Kapag ito naman ay ginamit bilang panlarawan sa pangngalan o panghalip, ito ay magiging pang-uri (Ang magandang binibini ay anak ni Marites.). Kapag ito naman ay inilarawan sa pandiwa, ito ay magiging pang-abay (Magandang gumuhit si Anna). At kung ito ay lalapian ng ka- at –han (kagandahan), ito ay magiging pangngalan.

Sa lumang balarilang iniakda ni Lope K. Santos, ang ating pangungusap ay mayroong sampung bahagi: pangngalan, panghalip, pantukoy, pang-uri, pang-abay, pang-ukol, pandiwa, pandiwari, pangatnig, at padamdam.

Ang pang-angkop, sa balarila ni Lope K. Santos, ay isang uri ng pangatnig.

Dahil sa patuloy na pagbabago sa wika ng Pilipinas, nagkaroon din ng maraming pagbabago sa balarila. Ang sampung bahagi ng pangungusap na tinukoy ni Lope K. Santos ay nagbago rin.

Sa aklat nina Alfonso O. Santiago at Norma G. Tiangco, na pinamagatang Makabagong Balarilang Filipino, ang ating wika ay naglalaman ng sampung bahagi ng pananalita. Ang mga ito ay: pangngalan, panghalip, pantukoy, pang-uri, pang-abay, pang-ukol, pandiwa, pangatnig, pang-angkop, at pangawing.

Ang pandamdam ay hindi isinama sa bagong balarila, sapagkat ang kahit anong salita ay maaaring bigkasin nang may matinding damdamin. Samantala, ang mga pandiwari naman ay mga salitang pandiwa na ginagamit sa pangungusap bilang pang-uri, pang-abay, o pangngalan.

Ang sampung bahagi ng pananalita sa makabagong balarila ay hinati sa dalawang pangkat: pangnilalaman at pangkayarian.

 

A. Salitang Pangnilalaman

Ito ang tawag sa mga salitang may tiyak o sadyang kahulugan kahit hindi ginagamit sa pangungusap.

Sa madaling salita, kahit hindi ito gamitin sa pangungusap ay naiintindihan pa rin natin ang ibig nitong sabihin. Halimbawa ng salitang ‘takbo’. Kahit na salita lamang ito ay nauunawaan natin ang kahulugan nito.

Nahahati ang mga salitang pangnilalaman sa tatlong pangkat:

1. Nominal

Mga salitang ginagamit bilang panawag sa tao, bagay, hayop, lugar, o pangyayari.

  • Pangngalan – mga salitang nagbibigay ngalan sa tao, bagay, hayop, lugar, katangian, o pangyayari.
  • Panghalip – mga salitang ipinapalit o inihahalili sa pangangalan.

2. Pandiwa

Mga salitang nagsasaad ng kilos o galaw.

3. Panuring

Mga salitang naglalarawan.

  • Pang-uri – salitang naglalarawan sa pangngalan at panghalip.
  • Pang-abay – salitang naglalarawan sa pandiwa, pang-uri, at kapwa pang-abay.

B. Salitang Pangkayarian

Kasalungat ng mga pangnilalaman, ang mga salitang pangkayarian ay walang dalang sariling kahulugan. Ginagamit ang mga salitang ito upang higit na mapalinaw at mapalawak ang pangungusap.

Nahahati ito sa dalawa:

1. Pang-ugnay

Mga salitang ginagamit upang pag-ugnayin ang mga salita, parirala, o sugnay.

  • Pangatnig – salitang nag-uugnay sa dalawang salita, parirala, o sugnay.
  • Pang-angkop – salitang nag-uugnay sa panuring at sa salitang kaniyang tinuturingan.
  • Pang-ukol – salitang nag-uugnay sa isang pangngalan sa iba pang mga salita.

2. Pananda

Mga salitang nagsisilbing pantukoy o pananda sa isang pangungusap.

  • Pantukoy – mga salitang tumutukoy sa pangngalan.
  • Pangawaing – salitang nagkakawing o nag-uugnay sa simuno at panaguri. Ito ang nagtutukoy sa ayos ng pangungusap.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento