Ad Code

ESTRUKTURANG FILIPINO | Ang Morpema


Alamin ang kahulugan at mga uri ng morpema sa wikang Filipino.

Ang wastong pagbuo ng mga salita ay nakatutulong upang higit na maipahayag ang kaisipang nais nating ipabatid sa iba. Sa tulong ng pag-aaral sa kung paano nabubuo ang isang salita (Morpolohiya), mas nauunawaan ng sinuman ang kahalagahan ng pagyari ng salita nang wasto at naayon sa tuntunin ng isang wika.

Alamin natin ngayon morpema ng wikang Filipino.

 

Morpema

Ito ang pinakamaliit na yunit ng isang salita na nagtataglay ng kahulugan.

Halimbawa ng salitang ‘linisan’. Ang salitang ito ay binubuo ng dalawang morpema: ang salitang ugat na ‘linis’, at panlaping ‘-an’. Ang salitang ‘linis’ ay nangangahulugang walang kalat o dumi. Samantalang ang panlaping ‘-an’ ay nagtataglay ng kahulugang lugar na dapat kakitaan ng salitang ‘linis’. Kapag pinagsama, ang salitang ‘linisan’ ay nangangahulugang lugar na dapat alisan ng kalat o dumi.

 

Uri ng Morpema

May dalawang uri ang moperma:

1. Malayang Morpema

Ito ay mga morpemang nasa payak na anyo. May taglay itong kahulugan kahit hindi kabitan o ikabit sa iba pang morpema.

  • Halimbawa: linis, laba, tao, dagat, buti

2. Di-malayang Morpema

Ito ay mga morpemang kailangang ikabit sa iba pang morpema upang magkaroon ng tiyak at malinaw na kahulugan.

  • Halimbawa: mag-, ma-, -in, -an

 

Anyo ng Morpema

Sa wikang Filipino, mayroong tatlong anyo ang morpema.

1. Morpemang Salitang Ugat

Mga morpemang nasa payak na anyo at may tiyak na kahulugan. Walang iba pang morpemang nakakabit dito.

Halimbawa ng morpemang salitang ugat ay mga salitang takbo, linis, saya, at iba pa.

2. Morpemang Panlapi

Kilala ito bilang di-malayang morpema. Ito ay mga mopermang ikinakabit sa salitang ugat upang magkaroon ng tiyak at malinaw na kahulugan. Ang mga morpemang panlapi ay maaaring makapagpabago sa kahulugan ng salitang kinakabitan nito.

Halimbawa ng mga panlapi ay mag-, -han, at –um-.

3. Morpemang Ponema

Ito ay mga ponemang nakapagpapabago sa kahulugan ng isang salita.

Pinakamagandang halimbawa rito ang mga ponemang ‘o’ at ‘a’. Taglay ng mga ponemang ito ang kasarian ng salitang pinaggagamitan nito. ‘O’ ang ginagamit kung ito ay para sa lalake, at ‘a’ kapag sa babae. Halimbawa ay ‘abogado’ na tumutukoy sa lalaking nasa propesyon ng batas; ‘abogada’ naman kapag babae.

 

Morpemang Diversyunal at Infleksyunal

A. Morpemang Diversyunal

Ito ay mga morpemang nagkaroon ng pagbabago sa kahulugan dahil sa pagkakabit ng isa pang morpema o panlapi.

Halimbawa ng salitang ‘awit’ na tumutukoy sa isang komposisyon na nilalapatan ng tunog o melodya. Kapag ang salitang ‘awit’ ay kinabitan ng panlaping ‘mang-‘ ay mag-iiba ito ng kahulugan. Tumutukoy na sa taong kumakanta ng awit ang salitang ‘mang-aawit’.

B. Morpemang Infleksyunal

Ito ay mga morpemang hindi nagbabago ng kahulugan kahit kabitan ng iba pang morpema. Kalimitang makikita ang ganitong klase ng morpema sa aspekto ng pandiwa. Nagbabago lamang ito ng anyo at aspekto (kailan ginawa ang kilos) ngunit hindi nito napapabago ang mismong kahulugan ng salita.

Halimbawa ng mga salitang ‘naglaba’, ‘naglalaba’, at ‘maglalaba’. Lahat ito’y nangangahulugan ng paglilinis ng damit. Nagkaiba lamang ito sa oras o panahon kung kailan ginawa ang kilos. Ang ‘naglaba’ ay nangangahulugang tapos nang gawin ang paglilinis; ang ‘naglalaba’ ay nangangahulugang kasalukuyang ginagawa ang kilos; at ‘maglalaba’ ay nangangahulugang gagawin pa lang ito.

 

Morpemang Leksikal at Pangkayarian

A. Morpemang Leksikal o Pangnilalaman

Ito ay mga salitang may tiyak na kahulugan. Nauunawaan ang kahulugan kahit hindi ginagamit sa isang pangungusap.

Halimbawa ng salitang ‘maganda’. Kahit hindi ito gamitin sa pangungusap ay mauunawaan ng tao ang kahulugan nito.

B. Morpemang Pangkayarian

Ito ay mga salitang kailangang isama sa iba pang morpema upang magkaroon ng tiyak na kahulugan. Ginagamit ito upang makapagpalinaw sa diwa ng pangungusap.

Halimbawa ng salitang ‘si’. Wala itong tiyak na kahulugan kung hindi isasama sa isang pangalan ng tao.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento