Ad Code

PANITIKAN | Kasaysayan ng Panitikang Pilipino sa Panahon ng Himagsikan


Balikan ang naging kasaysayan ng panitikang Pilipino sa panahon ng  himagsikan.

Ang pagkabigo ng mga adhikain ng Propaganda ay hindi naging dilim sa kalayaang inasam ng mga Pilipino sa panahon ng Kastila. Naging mitsa ito ng isang rebolusyon. Isang rebolusyong hindi lamang kinasangkapan ng mga sandata, kung hindi maging ng ating panitikan.

Ating saiwain ang kasaysayan ng panitikang Pilipino sa panahon ng Himagsikan.

 

Kaligirang Kasaysayan

Matapos mabigo ang mga Propagandista sa kanilang mga hangarin, nagpatuloy ang mga Kastila sa Pilipinas sa pang-aapi at pananamantala sa mga Pilipino. Naging bingi ang pamahalaan, at lalong naghigpit ang simbahan.

Nang dakpin si Jose P. Rizal, isa sa mga kasapi ng Propaganda, noong Hulyo 6, 1892, naisip ng mga Pilipino na hindi makakamtan sa mapayapang pamamaraan ang inaasam-asam na pagbabago.

Ang kaisipang ito ang naghudyat ng pagsisimula ng isang madugong paghihimagsik. Isang paghihimagsik na ikinatatag ng Katipunan.


Ang Katipunan

Ang KKK o Kataas-taasang Kagalang-galangan Katipunan ng mga Anak ng Bayan ay isang lihim na samahang naglalayong pag-isahin ang mga Pilipino upang makamit ang kalayaan ng bansa sa pamamagitan ng himagsikan. Itinatag ang kilusan ito nina Andres Bonifacio, Teodoro Plata, Ladislao Diwa, Deodato Arellano, at iba pa sa isang bahay sa Kalye Azcarraga sa Tondo, Maynila. Nabuo ang KKK noong Hulyo 7, 1892 kasabay sa araw na ipinatapon si Jose P. Rizal sa Dapitan.

Maraming mga Pilipino ang sumapi sa Katipunan. Ilang dito ay sina Emilio Jacinto, Dr. Pio Valenzuela, Melchora Aquino, Josefa Rizal, Gregoria de Jesus, Marina Dizon, Angelica Lopez-Rizal, at Trinidad Tecson.

Nabunyag ang lihim na samahan nang ikumpisal ito ng kapatid ni Teodor Patiño kay Padre Mariano Gil noong Agosto 19, 1896. Matapos matuklasan ang Katipunan, tinipon ni Andes Bonifacio ang mga kasapi sa Balintawak noong Agosto 23, 1896. Pinunit ang mga sedula bilang tanda ng pagsisimula ng rebolusyon (Sigaw sa Pugad Lawin).

Maraming mga Pilipino ang pinaghinalaang kasapi ng samahan na hinuli at ikinulong. At nang kumalat ang himagsikan sa katagalugan, nabahala ang mga Kastila. Hinatulan ng kamatayan ng mga Kastila ang maraming mga Pilipino.

 

Mga Ilang Kasapi ng Katipunan at ang Kanilang Ilang mga Akda

Andres Bonifacio

  • Isa sa tatlong pinakalider ng samahan.
  • Kinilala bilang “Ama ng Katipunan” at “Ama ng Demokrasyang Pilipino”.
  • Gumamit ng sagisag panulat na “Agapito Bagumbayan”.

Ilang mga Akda

  • Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan – maihahalintulad ito sa sampung utos ng Diyos.
  • Huling Paalam – salin ng ‘Mi Ultimo Adios’ ni Dr. Jose P. Rizal.
  • Pag-ibig sa Tinubuang Lupa – isang tula.
  • Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog
  • Katapusang Hibik ng Pilipinas – isang tulang nagpapahiwatig ng hinanakit sa bayan.

Emilio Jacinto

  • Isa sa tatlong pinakalider ng samahan.
  • Kinilala bilang “Utak ng Katipunan”.
  • Gumamit ng sagisag panulat na “Dimasilaw”.
  • Naging patnugot ng pahayagan ng Katipunan na “Kalayaan”.

Ilang mga Akda

  • Kartilya ng Katipunan – naglalaman ng mga batas at prinsipyo ng Katipunan.
  • Liwanag at Dilim – kalipunan ng mga sanaysay na may iba’t ibang paksa.

 

Apolinario Mabini

  • Isa sa pinakalider ng Katipunan.
  • Kinikilala bilang “Utak ng Himagsikan” at “Dakilang Lumpo”.

Ilang mga Akda

  • El Verdado Decalogo – itinuturing na kaniyang ‘obra maestra’, Nagpapakita ito ng kaniyang hangaring magpalaganap ng nasyonalismong Pilipino.
  • El Desarollo y Caida de la Republica Filipina
  • Sa Bayang Pilipino – isang tulang handog sa bayan.
  • Ang Pahayag – hinango mula sa kaniya manipesto.

 

Jose Palma

  • Ang lumikha ng titik ng pambansang awit ng Pilipinas na pinamagatang “Filipinas”.
  • Ang kaniyang mga tula ay tinipon sa aklat na pinamagatang “Melancolicas” (Mga Panimdim).

 

Mga Pahayagan sa Panahon ng Himagsikan

  1. Heraldo de la Revolucion – naglalathala ng mga dekreto ng pamahalaang mapanghimagsik, mga balita, at mga akda sa Tagalog na gumigising sa damdaming makabayan.
  2. La Indepedencia – pinamatnugutan ni Antonio Luna na naglalayon ng pagsasarili ng Pilipinas.
  3. La Republica Filipina – itinatag ni Pedro paterno noong 1898.
  4. La Libertad – pinamatnugutan ni Clemente Zulueta.
  5. Del Superior Gobierno – kauna-unahang pahayagang regular na inilathala sa Pilipinas. Si Fernandez del Folgueras ang unang naging patnugot nito.
  6. La Esperanza – kinikilalang unang pahayagang pang-araw-araw. Pinamatnugutan nina Felipe Lacorte at Everisto Calderon.
  7. Diario de Manila – unang lumabas noong 1848 sa pamatnugot ni Felipe del Pan.
  8. El Resumen – kauna-unahang pahayagang lantarang nagtataguyod ng nasyonalismong Pilipino.
  9. Ang Kalayaan – opisyal na pahayagan ng Katipunan na pinamatnugutan ni Emilio Jacinto.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento