Ad Code

TULA | Aklasan ni Amado V. Hernandez

TULA | Aklasan ni Amado V. Hernandez


I.

Nangatigil

ang gawain

sa bukirin.

Napahinga

ang makina

sa pabrika.

Natiwangwang

ang daungan’t

pamilihan.

At sa madla

ay nagbanta

ang dalita.

 

Nanglupaypay

ang puhunan

at kalakal.

Nangasara

ang lahat na…

Welga ! Welga !

Bawat sipag,

bawat lakas

ay umaklas.

Diwang dungo’t

ulong yuko'y

itinayo.

 

Ang maliit

na ginahis

ay nagtindig.

Pagkat bakit

‘di kakain

ang nagtanim?

Ang naglitson

nang malutong

patay-gutom.

Ang nagbihis

sa makisig,

walang damit.

 

Ang yumari

ng salapi'y

nanghihingi.

Ang gumawa

ng dambana'y

hampas-lupa.

Ang bumungkal

niyang yaman,

nangungutang.

 

II.

Bakit ? Bakit ?

laging lupig

ang matuwid ?

'Di nasunod

pati Diyos

na nag-utos.

'Di tinupad

binaligtad

pati batas.

Ah, kawawa

ang paggawa

at ang dukha.

 

Laging huli

laging api

laging bigti!

May lunas bang

hihigit pa

sa sandata?

Ang aklasa'y

'di tagumpay

kung sabagay.

Nalilibid

ng panganib

dusa’t sakit.

 

Pagkat ito

ay simbuyong

sumusubo.

Pagkat ningas

na nagliyab

at sumiklab.

Pagbabangon

ng ginutom

at inulol.

Himagsikan

ng nilalang

at pinatay.

 

Buong sumpa,

poot, luha,

ng paggawa.

Katapusan

ng kasamaan’t

pangangamkam.

At sa wakas

bagong batas,

bagong palad!

 

III.

Ngunit habang may pasunod

na ang tao'y parang hayop

samantalang may pasahod

na anaki'y isang limos,

habang yaong lalong subsob

at patay sa paglilingkod

at siyang laging dayukdok,

habang pagpapabusabos

ang magpaupa ng pagod.

habang daming nanananghod

sa pagkaing nabubulok

ng masakim at maramot,

habang laging namimintog

sa labis na pagkabusog

ang hindi nagpawis halos,

at habang may walang takot

sa lipunan at sa Diyos,

at may batas na baluktot

na sa ila'y tagkupkop,

ang aklasan ay sisipot

at magsasabog ng poot,

ang aklasa'y walang lagot

unos, apoy, kidlat, kulog,

mag-uusig, manghahamok

na parang talim ng gulok,

hihingi ng pagtutuos

hanggang lubusang matampok,

kilalani’t mabantayog

ang katwirang inaayop,

hanggang ganap na matubos

ang Paggawang bagong Hesus

na ipinako sa kurus.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento