Nilisan ng batang lalaki at batang babae ang kinagisnang daigdig upang lasapin ang biyayang handog ng itinuturing nilang Bagong Paraiso.
Sa simula’y mga bata silang walong taong gulang - isang lalaki at isang babae. At ang kanilang daigdig ay isang malawak na loobang tinitirikan ng dalawang tabla’t yerong bahay, na ang isa’y nasa Silangan at ang isa’y nasa Kanluran: at sa pagitan niyon ay walang bakod na nakapagitan.
Ang malawak na looban ay mapuno, mahalaman, maibon, at makulisap at may landas na humahawi sa dawagan at tumutugpa sa dalampasigang malamig ang buhangin kung umaga, nguni’t nakapapaso sa tanghalian.
Ang kanilang daigdig ay tahimik; ang kanilang kabuhayan ay hindi suliranin; ang kanilang mga magulang ay hindi nag-aaway – ang mga ito’y maka-Diyos at walang araw ng Linggo o araw ng pangilin na hindi makikita ang mga ito sa kanilang bisita sa dakong hilaga ng nayon.
Ang mga ito’y may rosaryo sa kanilang mga palad at may mga usal ng dalangin sa mga labi. At silang dalawa - ang batang lalaki at ang batang babae - ay nagsisipag-aral, kasama pa ng ibang bata sa maliit na gusaling may tatlong silid sa dakong timog ng nayon. Sila’y may mga pangarap, na ang sakop ay lumalakdaw sa hangganan ng nayong iyon, ng bayang iyon, at ng lalawigang kinaroroonan niyon.
Wala silang pasok kung araw ng Sabado at Linggo o mga araw na pista opisyal. Silang dalawa’y naglalaro sa loob ng bakurang iyon, mula sa umaga hanggang sa hapon. Umaakyat sila sa mga punong santol, sa punong bayabas, sa marurupok na sanga ng sinigwelas, maaligasgas at malulutong na sanga ng punong mangga. Nagagasgas ang kanilang mga tuhod, nababakbak ang kanilang mukha at kung minsan ay nalilinsaran sila ng buto kung nahuhulog – ngunit ang lahat na iyon ay hindi nila iniinda, patuloy sila sa paglalaro.
Malamig sa ilalim ng punong mangga. Makapal ang damo sa sakop ng lilim niyon kung umaga at doon silang dalawa naghahabulan, nagsisirko, nagpapatiran at kung sila’y humihingal na ay hihiga sila sa damuhang iyon, titingalain nila ang malalabay na sanga ng puno, sisilip sila sa pagitan ng masinsing mga dahon at magkukunwaring aaninawin sa langit ang kanilang mukha.
“Loko mo … makikita mo ba ang mukha mo sa langit? “ minsan ay sabi ng batang babae.
“Bakit hindi? Ang langit ay isang malaking salamin, sabi ni Tatay ko.” sagot naman ng batang lalaki.
Ang batang babae ay makikisilip din sa pagitan ng masinsing mga dahon, na waring ibig patunayan ng sariling paningin ang sinabi ng kalaro. At pagkaraang tumingin sa langit nang matagal, sila’y lalagumin ng katahimikan – ang kanilang katawan ay nakalatag na parang mga kumot, hanggang sa sila’y makatulog at gisingin sila ng tawag mula sa kanilang bahay.
Kung minsan, ang batang lalaki ang unang magigising: kung minsan naman ay ang batang babae. Nguni’t sino man sa kanila ang unang magising, kukuha ito ng kaputol na damo at kikilitiin ang taynga ng natutulog. At ang natutulog ay mapupukaw, mababalikwas at pagkarinig na siya’y pinagtatawanan ay magtitindig at ang nangiliti ay mapapaurong at anyong tatakbo at sila’y maghahabulan sa damuhang iyon, magpapa- ikut-ikot haggang sa ang isa’y mahapo at sila’y muling bumagsak sa kalamigan ng damuhan, magkatabi at hindi nila pinapansin ang pagkaka - dantay ng kanilang mga binti o ang pagkakatabi ng nag-iinit nilang mga katawan.
Kung sila’y nagsasawa na sa loobang iyon, sila’y nagtutungo sa dalampasigan kung malamig na ang araw sa hapon. Namumulot sila ng kabibi. Inilalagay ng batang lalaki sa bulsa ng kayang putot na pantalon ang nakukuha niyang kabibi, at ang nadarampot naman ng batang babae ay inilalagay nito sa sinupot na laylayan ng suot niyang damit. Kung hindi naman kabibi ang pinagkakaabalahan nila sa dalampasigan, naghuhukay sila ng halamis sa talpukan, o kaya’y gumagawa ng kastilyong buhangin, o kaya’y nanunugis ng mga kulukoy na kung hindi nangungubli sa kanilang malalalim na lungga ay lumulusong sa talpukan at bumabaon sa masigay na buhangin.
ii
Ngunit hindi lamang iyon ang kanilang ginagawa: Nagtutudyuhan din sila, naghahabulan at kapag nahahapo na, mahihiga rin sila sa buhangin, tulad ng ginagawa nila sa damuhan sa looban, at sa kanilang pagkakatabi, nagkakangitian sila. Minsan ay itinatanong ng batang lalaki sa batang babae:
"Naririnig mo ba na may tumutunog sa aking dibdib?”
At ang batang babae ay nagtaka. Bumangon ito at tumingin sa nakatihayang kalaro.
“Pakinggan ko nga,” anang batang babae.
Inilapit ng batang babae ang kanyang taynga sa dibdib ng batang lalaki, dumadaiti ang katawan niya sa katawan ng kalaro at nalalanghap naman ng nakahiga ang halimuyak ng kanyang buhok.
“Ang bango mo pala!” ang batang lalaki ay nakangiti.
“Aba … hindi naman ako nagpapabango, “ anang batang babae na lumupasay sa tabi ng nakahigang kalaro. “ Paglaki ko raw ay saka na ako magpapabango, sabi ng nanay ko.”
“Teka nga pala, narinig mo ba ang tunog sa dibdib ko? “ usisa ng batang lalaki.
“Oo … ano kaya ang ibig sabihin niyon?”
Nagkatinginan ang dalawa at ang lalaki ang unang nagbawi ng tingin. “Malay ko … tena na nga.”
Bumangon ang batang lalaki, pinagpag ang buhanging dumikit sa kanyang bisig at sa kanyang pantalon at nagsimula nang lumakad. Sinabayan ito ng batang babae at habang isinasalisod nila ang kanilang mga paa sa buhanginan habang lumalakad, nakatanaw sila sa paglubog na araw.
“Ang ganda, ano” naibulalas ng batang lalaki. “Parang may pintang dugo ang langit.”
“Oo nga, ano? Bakit kaya kulay dugo ang araw kapag palubog na?” sagot naman ng batang babae.
Hindi sumagot ang batang lalaki. Nakatanaw ito sa mapulang latay ng liwanag ng araw sa kanluran.
iii
Puring-puri ang dalawang bata ng kanilang mga magulang at ng kanilang mga kanayon. At kinaiinggitan naman sila ng ibang mga batang hindi nagkaroon ng pagkakataong makihalubilo sa kanila.
“Siguro, paglaki ng mga batang ‘yan… silang dalawa ang magkakapangasawahan.”
Narinig ng dalawang bata ang salitang iyon at sila’y nagtataka. Hindi nila madalumat ang kaugnayan ng kanilang pagiging magkalaro sa isang hula sa hinaharap. Higit pang nakakaabala sa kanilang isip ang sinasabi ng kanilang mga kaklase na silang dalawa’y parang tuko - magkakapit.
At minsan nga ay napalaban ng suntukan ang batang lalaki. Isang batang lalaking malaki sa kanya ang isang araw na pauwi na sila ay humarang sa kanilang dinaraanan at sila’y tinudyo nang tinudyo.
“Kapit-tuko! Kapit-tuko!”
Umiyak ang batang babae. Napoot ang batang lalaki. Ibinalibag nito sa paanan ng nanunudyong batang lalaki ang bitbit na mga aklat. Sinugod nito ang kalaban. Nagpagulong-gulong sila sa matigas na lupa, nagkadugo-dugo ang kanilang ilong, nagkalapak-lapak ang kanilang damit, hanggang sa dumating ang guro at sila’y inawat at sila’y pinabalik sa silid-aralan at pinadapa sa magkatabing “desk” at tumanggap sila ng tigatlong matinding palo sa puwit.
Pagkaraan ng pangyayaring iyon, napag-usapan ng dalawang bata ang bansag sa kanila. At sila’y nag-isip, na lalo lamang nilang ikinalunod sa kanilang kawalang-malay.
iv
Namulaklak ang mga mangga, namunga, nalaglag ang mga bugnoy, dumating ang mamamakyaw at sa loob ng ilang araw, nasaid sa bunga ang mga sanga. Namulaklak din ang mga santol at iyon ay tinanaw ng dalawang bata sa pagkakahiga nila sa damuhan at sila ang unang sumungkit sa mga unang hinog. Nangalaglag ang mga dahon ng sinigwelas, namulaklak at dumaan ang mahabang tag-araw, at ang damuhan ay natuyo at ang kanilang naging tagpuan ay ang dalampasigan at madalas man sila roon ay hindi nila masagut-sagot ang bugtong kung bakit kulay dugo ang silahis ng araw kung dapit- hapon. At sa wakas ay namunga ang sinigwelas, mga luntiang bubot na pinitas nila ang ilan at pagkaraang isawsaw sa asin ay kanilang tinikman at sila’y naasiman at idinalangin nila ang maagang pag-ulan – sapagkat sabi ng kanilang lola’y madaling bibintog at mahihinog ang bunga ng sinigwelas kapag naulanan. Sila’y naniwala at hinintay nila ang ulan, at nang pumatak iyon nang kalagitnaan ng Mayo, silang dalawa’y naghubad, naligo sa ulan, naghabulan sa looban at nayapakan nila ang mga tuyong damo, na waring bangkay ng isang panahong hinahalinhanan ngayon. Pagkaraan pa ng ilang araw, nadungawan nilang hinog na nga ang sinigwelas. Nagmamadali silang nanaog at ang batang lalaki’y umakyat sa puno at ang batang babae naman ay naghanap ng sungkit.
At ang pamumulaklak at pamumunga ng mangga, santol at sinigwelas at ng iba pang punongkahoy o halaman sa loobang iyon ay nagpatuloy. Ang damuhan ay natuyo at muling sinibulan ng bagong supling: ang araw ay lumubog at sumikat at hindi pa rin nagbabago ang kulay ng silahis niyon kung dapit - hapon.
Ang paaralan sa nayon ay malapit nang magpinid; ang guro ay naghanda na ng isang palatuntunan; ang mga magulang ay walang pinag-uusapan kundi ang katalinuhan ng kanilang mga anak.
v
Nang dumating ang pasukan, ang batang lalaki at ang batang babae ay sakay ng kalesa patungo sa bayan. Doon sila mag-aaral ng haiskul. Ngunit iba na ang kanilang ayos. Ang batang lalaki’y hindi na nakapantalong maikli - putot: siya’y nakalargo na at pantay na ang hati ng kanyang buhok na nangingintab sa pahid ng pomada. Samantala, ang batang babae ay may laso sa buhok, na nakatirintas at ang kanyang suot na damit ay lampas tuhod at hindi nakikita ng batang lalaki ang alak-alakan nito.
Dito dumaan sa kanilang buhay ang isang pagbabago, na hindi nila napigil at siyang nagbukas sa kanila upang masaklaw ng tingin ang paraisong kanilang kinaroroonan.
Sa paglawak ng kanilang daigdig, ang batang lalaki’y hindi na sa batang babae lamang nakikipaglaro – siya’y nakahalubilo na rin ng maraming batang lalaking pumapasok sa nagagapok nang gusaling iyon ng paaralan. Nakikipagharutan siya sa mga ito, nakikipagbuno, nakikipagsuntukan – at higit sa lahat, nakikipagtuklasan ng lihim sa isa’t isa. Isang araw, sa likod ng paaralan, isang pangkat ng batang lalaki ang nakapabilog sa isang batang lalaki at nakita niya ang isang bagay na natuklasan niyang kailangang mangyari sa kanya.
Umuwi siyang parang tulala nang hapong iyon at kinagabihan ay hindi siya nag-aral. Naupo siya sa baitang ng kanilang hagdan at nag-isip hanggang sa makita siya roon ng kanyang ama.
Inusisa niya sa ama ang kanyang natuklasan sa paaralan at itinanong niya rito kung bakit kailangang gawin pa iyon.
Napatawa ang kanyang ama. Tinapik siya nito sa balikat.
“Kailangan ‘yon upang ikaw
ay maging ganap na lalaki! “ sagot ng kanyang ama.
Natingala lamang niya ito at ang pamimilog ng kanyang mga mata’y naghiwatig ng pagkakaroon ng lamat sa kanyang kawalang malay.
“Hayaan mo … “ dugtong ng kanyang ama. “Isang araw, isasama kita kay Ba Aryo. Maging matapang ka lamang sana … “
Ibig niyang ipagtapat iyon sa batang babae, ngunit aywan niya kung bakit nahihiya siya. Ngayon lamang iyon. Kaya’t kahit patuloy pa rin silang nagtutungo sa dalampasigan tuwing wala silang pasok, ang alalahanin ukol doon ay nakabawas sa sigla ng batang lalaki.
At isang araw, Sabado ng umaga, isinama siya ng kanyang ama sa bahay ni Ba Aryo sa tabi ng ilog. Ngumata siya ng dahon ng bayabas, pumikit siya at pagkaraan ng iba pang ginawa, siya’y itinaboy ni Ba Aryo upang maligo sa ilog.
“Ang damuho … pagkalaki-laki’y
parang hindi lalaki.”
Ang narinig niyang iyon kay Ba Aryo, kabuntot ng malutong na halakhak ng kanyang ama ay natanim sa kanyang isip at patuloy na nagpalaki sa lamat sa kanyang kawalang malay.
vi
Kasunod ng pangyayaring iyon, aywan niya kung bakit iba na ang kanyang pakiramdam. Gayong magaling na ang sugat na nilikha isang umaga sa harapan ng bahay ni Ba Aryo, hindi pa rin nagbabalik ang kanyang sigla. Natitigilan siya kung nakikipaglaro sa batang babae. Nangingimi siyang tumabi rito kung ito’y nakahiga sa damuhan o sa dalampasigan. Hanggang isang araw ay napansin niyang mapupula ang mga mata ng batang babae nang dumating ito sa isang dapit - hapon sa tabing-dagat.
“Bakit?” usisa niya.
“Wa – wala … wala!”
Nag-isip ang batang lalaki. Naisaloob niyang baka ang kawalang sigla niya sa pakikkipaglaro rito ang dahilan. Tinudyo niya ang batang babae, kiniliti, napahabol dito… hanggang sa mahawa ito at sila’y naghabulan sa buhanginan. Sumisigaw sila sa katuwaan hanggang sa manigas ang kanilang mga binti at kinakailangang humiga naman sila sa buhanginan. Humagikgik pa sila nang mapatong ang kamay ng batang lalaki sa kanyang dibdib at nadama niyang lalong malakas ang pintig doon.
“Tingnan mo … pakinggan mo ang tunog sa dibdib ko,” anyaya ng batang lalaki.
Ngunit hindi kumilos sa pagkakahiga ang batang babae. Nakatitig lamang ito sa maaliwalas nang mukha ng langit. Nagtaka ang batang lalaki. Bumangon ito at tinunghan ang nakahigang kalaro. Nangingilid ang luha sa mga mata nito.
“Bakit?”
Saka lamang tumigin ang batang babae sa batang lalaki. At ito’y umiyak at ang luhang tumulo sa pisngi’y pinahid ng palad na iyong ipinatong sa buhanginan ay pinaniktan ng buhangin.
“Hindi na pala tayo maaaring maglaro… ng tulad ng dati,” anang batang babae sa basag na tinig.
“Hindi na?” Parang sasabog sa kawalang-malay ang katauhan ng batang lalaki.
“Malalaki na raw tayo … malalaki nang tao. Hindi raw maglalaon, tayo’y magiging dalaga … at binata.”
“Sinabi ‘yon ng Nanay mo?”
“Oo, sinabi niya … na hindi na tayo maaaring maghabulan, o kaya’y umakyat sa punongkahoy o kaya’y pagabi sa tabing dagat,” sabi pa ng batang babae.
“Kangina sinabi sa’yo … ng Nanay mo?”
Tumango ang batang babae “Ngayon daw … hindi na tayo bata. Ako raw ay dalagita na … at ikaw raw ay binatilyo!”
At waring ang batang lalaki’y nagising, napagmasdan niya ang kanyang mga bisig, ang kanyang katawan at sa harap ng kanyang kalaro ay naunawaan niyang totoo ang sinabi nito.
“Ayaw ka na palang papuntahin dito’y … bakit narito ka pa … gabi na!?”
Nagbangon ang kanyang kalaro. Humarap sa kanya. Palubog na noon ang araw at mapula ang silahis niyon sa langit. Ang mukha ng dalawa ay animo mula sa malayo at ang pagkakahawak nila sa bisig ng isa’t isa ay parang isang pagpapatunay ng tibay ng tanikalang bumibidbid sa kanilang katauhan.
vii
Hindi na nga sila mga bata. Siya’y dalagita na. Siya naman at binatilyo na. Ang pagbabagong iyon ang nagpapaunawa sa kanilang may tumataas nang dingding sa pagitan nila. Nagkita pa rin sila sa looban, ngunit hindi nga lamang tulad ng dating nagtatagal ang kanilang pag-uusap. Ngayon, parang laging may nakatingin sa kanilang mga matang nagbabawal. Sa looban, ang kanilang mga magulang; sa paaralran, ang kanilang guro. At ang kanilang tawa tulo’y ay hindi na matunog; ang hiyaw ng dalagita ay hindi na matinis, malayo sa hiyaw nito noong araw; ang kanilang pag-uusap ay hindi na malaya at pumipili na sila ng mga salitang kanilang gagamitin.
At buwan-buwan, ang dalagita ay may kapirasong damit na itinatago sa ilalim ng kanyang katre at kapag tapos na sa paglalaba ang kanyang ina ay palihim niyang lalabhan sa silong at ikukula sa kubling bahagi ng likod bahay.
Minsan ay natutop siya ng kanyang ina sa paglalaba sa silong at sinabi nito sa kanya: Hindi mo na kailangang dito pa labhan ‘yan…
viii
Nagtapos sila ng haiskul. Nagkamay sila pagkaraang maabot ang kani-kanilang diploma. At nang magsayawan nang gabing iyon, magkatambal sila. Gayong hindi naman sila nahapo, ang tibok sa kanyang dibdib ay mabilis at malakas at ngayon ay hindi maungkat iyon ng binatilyo. Nagsayaw sila, nag-usap ang kanilang mga mata ngunit ang kanilang mga labi’y tikom at kung gumagalaw man upang pawiin ang panunuyo o paglalamat niyon.
At hindi nila alam na ang tibok ng pusong iyon ay isa pang pangyayaring nagpalaki sa lamat a kanilang kawalang - malay.
ix
Maliwanag ang naririnig na salita ng dalagita: Kung gusto mong makatapos ng karera, huwag muna kayong magkita ni Ariel. Naunawan niya ang ibig sabihin niyon, ngunit ang pagtutol ay hindi niya maluom sa kanyang kalooban.
“Pero, Inay … Kaibigan ko si Ariel.” May himagsik sa kanyang tinig.
“Kahit na … kayo’y dalaga at binata na. Alam mo na siguro ang ibig kong sabihin. “ May langkap na tigas ang sagot na iyon.
Alam niya ang kahulugan niyon: Masama? Parang pait iyong umuukit ng kung anong bagay sa kanyang isip. At saglit iyong inagaw ng tinig ng kanyang ama.
“Ibig kong magdoktora ka, kaya kalimutan mo muna ang mga lalaki!”
At ang pait na may iniuukit sa kanyang isip ay parang pandalas na pinukpok at ang kanyang katauhan ay nayanig at ang tunog ng pagpukpok ay nag-aalingawngaw ng : Lalaki! Lalaki! Hindi siya nakatagal sa harap ng kanyang mga magulang. Nakatiim ang mga labing pumasok siya sa kanyang silid.
“Ayaw nila… ng Inay, ng Itay… masama raw,” at ang mga labi niya’y nangatal, kasabay ng luhang umahon a kanyang mga mata.
x
Iyon lamang at minsang dalawin siya ng binata sa dormitoryo, natuklasan nila sa isa’t isa na mataas na ang dingding sa kanilang pagitan. Matatag iyon, makapal, at waring hindi nila maibubuwal.
“Huwag na muna tayong magkita, Ariel,” sabi niya sa binata. Napatitig sa kanya si Ariel at nakita niya ang pamamantal ng noo nito – at pagtataka sa damdaming unti-unting nasasaktan.
“Ba-bakit … dati naman tayong …”
At si Ariel ang kanyang kababata ay lumisang larawan ng isang bilanggong hindi nakaigpaw sa isang mataas na pader.
xi
Minsan, ang binata ay umuwi sa lalawigan. Mapanglaw ang kanyang mukha at napuna agad iyon ng kanyang ama.
“Bakit?”
“Ayaw nang makipagkita sa akin si Cleofe,”
Nagtawa ang kanyang ama, tulad ng kaugalian nito tuwing may ilalapit siyang suliranin.
“Walang kuwenta ‘yon. Makita mo, kapag tapos na si Cleofe ay magkakalapit kayong muli. Hindi mo ba alam … na gustung-gusto ng kanyang mga magulang na maging doktora siya?”
Pagsigaw ang alingawngaw ng kanyang tinig sa kanyang isip.
“At habang nagdodoktora siya ay masamang kami’y magkita?”
“Tama ka! “ maagap na pakli ng kanyang ama. “Hindi mo ba alam na kapag malapit ka sa babae ay malapit ka rin sa tukso! “
“Tukso! Tukso!” Parang matalim na kutsilyong isinaksak sa kanyang utak ang katagang iyon. Mahapdi, Makirot. Parang binibiyak ang kanyang ulo.
Napapikit siya. Nagunita niya ang luntiang damuhan sa looban ang malamig na buhanginan kung hapon, ang mapulang silahis ng araw na parang dugo.
xii
At ang dalawa’y hindi nagkita, gayong nasa isang lungsod na maliit at maglakad ka lamang sa mga lansangan ay hindi ka mawawalan ng makakasalubong na kakilala. Mangyari’y iniiwasan nila ang magkita, mangyari’y sinisikil nila ang paglago ng halaman sa kanilang katauhan na pinag-uugat at pinapag-usbong ng mga araw sa luntiang damuhan sa looban at malamig na buhangin sa dalampasigan kung dapit - hapon. Hindi sila nagkita, sapagkat inihasik sa kanilang isip na ang pagkikita nila ay masama, tukso. At sa kanilang bagong daigdig ng aklat, ng mataas na gusali ng malayong kabataan sa kapaligiran, ang isiping iyon ay parang tabak na nakabitin sa kanilang ulo o kaya’y tulad din ng isang mansanas na bibitin - bitin sa nakayungyong na sanga ng punongkahoy.
Hindi sila nagkita sa loob ng mahaba ring panahon, mga buwan at sana’y mga taon kung nakatiis sila - kung tuluyang nasikil nila ang halamang patuloy sa pagbabago sa kanilang katauhan.
xiii
Hindi nga sila nakatiis -
isang araw na hindi sinasadya’y nagkasalubong sila sa pamimili ng kagamitan.
Kapwa sila napahinto sa paglakad at nabangga na sila ng mga tao sa bangketa ay
hindi pa rin sila makakilos. Ang binata ay naglakas loob at binati niya ang
dalaga.
Hindi nakasagot ang dalaga. Nakatitig lamang siya sa mukha ng binata at nang anyayahan siya nitong magpalamig sila sa isang kanugnog na restaurant ay napasunod lamang siya, napatangay sa agos ng kanyang damdamin. At sa harap ng kanilang hininging pagkain, sila’y nagkatitigan at sila’y nakalimot at akala nila’y nasa luntiang damuhan sila sa looban sa lalawigan, nakahiga at nakabaling sa isa’t isa.
xiv
At sila’y nagkita sa Luneta, hindi lamang minsan kundi sa maraming pagkikita, marami-marami, at ang kanilang sikil na damdamin ay lumaya at sa unang pagkakataon, pagkaraan ng ilang buwan sila’y lumigaya.
Ngunit ang inihasik na binhi ng pagkakilala sa masama at sa mabuti sa kanilang isip ay sumibol na at nagpapaunawa sa kanilang ang ginagawang iyon ay masama. Nguni’t sila’y naghihimagsik.
xv
Malinaw ang sinabi sa sulat: sa pook pa namang iyon, sa lahat ng pook na dapat mong pakaiwasan - doon kayo nakita. Hindi na sana malubha kung nagkita lamang kayo ngunit nakita kayong magkahawak - kamay … sa karamihan ng tao sa paligid. Hindi kayo nahiya.
Hindi na ipinagpatuloy ng dalaga ang pagbasa sa liham. Nagbabanta ang mga sumusunod pang talata: luluwas ang ama mo kapag hindi mo itinigil ang kabaliwang iyan.
… ipinaaabot dito ng mga magulang ni Cleofe ang ginawa ninyo. Hiyang-hiya kami ng iyong ama. Ibig naming makatapos ka … at ibig naming ipaalalang muli sa iyo na ang babae ay tukso … tukso!
Kaya ibig niyang umalis sa silid na iyon upang hindi marinig ang alingawngaw ng katagang iyon: tukso – tukso – tukso !
xvi
Sinabi ng dalaga: hindi na ngayon tayo maaaring magkita. Sinabi ng binata: magkikita tayo, magtatago tayo … ililihim natin sa kanila ang lahat.
At sila nga ay nagkita, sa mga pook na hindi sana nila dapat pagkitaan, ngunit doon sila itinaboy ng kanilang paghihimagsik, ng takot na matutop, at ng pangangailangan.
Sa mga pook na iyon pilit nilang iginupo ang dingding na ipinagitan sa kanila. At sa palagay nila sila ay nagtagumpay. Naalis ang hadlang. Ngunit sa kanilang utak, nagsusumiksik at nanunumbat ang alingawngaw ng pagbabawal: lumalarawan ang nananalim na tingin! Masama … tukso!
xvii
At ngayon, ang kanilang paraiso ay hindi na ang malawak na looban, o kaya’y ang dalampasigang malamig kung dapit - hapong ang silahis ng araw ay mapulang parang dugo. Ang daigdig nila ngayon ay makitid, sulok-sulok, malamig din ngunit hinahamig ng init ng kanilang lumayang mga katawan.
xviii
Maligaya sila sa kanilang daigdig, Maligaya sila sa kanilang bagong paraiso. Hanggang isang araw ay kumulog, dumagundong ang kalawakan at nangagulat ang mga tao sa lansangan; pamaya-maya, pumatak ang ulan, na ang pasimulang madalang ay naging masinsin.
Ang dalaga ay dumungaw sa bintana – masama ang kanyang pakiramdam. May kung anong nakatatakot na bagay sa kanyang katawan na ibig niyang ilabas, na ibig niyang itapon.
At iyon ay umakyat sa kanyang lalamunan.
Humawak siya sa palababahan ng bintana. Tumingala siya upang pawiin ang pagsama ng kanyang pakiramdam. Natanaw niyang maitim ang langit at naisip niyang magtatagal ang ulan. Tumungo siya at nakita niyang nalinis ng tubig ang bangketa at kasabay ng kanyang pagtungo, parang isinikad na pataas sa lalamunan ang kanyang bituka at siya’y napanganga at siya’y napapikit at siya’y napaluha at paghigpit ng kanyang hawak sa palababahan ng bintana ay napaduwal siya … at ang lumabas sa kanyang bibig ay tumulo sa bangketa at sandaling kumalat doon at pagkaraa’y nilinis ng patak ng ulan, inanod ng nilikhang mumunting agos sa gilid ng daan.
At ang dalaga’y napabulalas ng iyak.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.