Nagbunga ng kalayaan ang pakibabaka ng mga Pilipino laban sa mga Kastila. Pinatunayan ito nang iwagayway noong ika-12 ng Hunyo 1898 ang bandila ng Pilipinas sa Kawit, Cavite sa pangunguna ng dating pangulong Emilio Aguinaldo. Kaalinsabay nito ang pagkatatag ng Unang Republika ng Pilipinas na pinasinayaan noong ika-23 ng Enero, 1899.
Ngunit,
ang kasarinlang ilang dantaong pinaglaban ng mga magiting na Pilipino ay agad
natuldukan nang dumaong sa bansa ang bagong mananakop – ang mga Amerikano. Ang
kanilang pagdating ay nagbunga ng bagong kultura, sistema, wika, kaalaman,
panitikan at pakipaglalaban.
Kaligirang Kasaysayan
Paanoo nagsimula ang digmaan ng Espanya at Amerika?
Nagsimula ang sigalot ng Espanya at Amerika nang ipadala ng Estados Unidos ang kanilang barkong pandigma na Maine sa Havana, Cuba noong Enero 25, 1898. Layunin nitong proteksyonan ang mga Amerikano sa napipintong pag-aalsa ng mga Cubano laban sa Espanya. Ang pagpadadala ng barkong Maine sa Cuba ay naging dahilan upang masira ang relasyon ng Espanya at Amerika. Lalong nagkaroon ng sigalot sa pagitan ng dalawang bansa nang pasabugin ang Maine na ikinamatay ng 250 kataong lulan nito.
Bagaman walang patunay na may kaugnayan ang Espanya sa insidente, naging hudyat ito upang magdeklara ng pakikidigma ang Amerika laban sa Spain noong Abril 21, 1898.
Matapos nito, inutusan ni John D. Long si George Dewey na lusubin at bombahin ang mga barkong pandigma ng Espanya na nakadaong sa Maynila. Lulan si Dewey at ng kaniyang hukbo ng barkong Olympia. At noong Mayo 1, 1898 ay naganap ang unang digmaan sa pagitan ng dalawang bansa.
Paano nakarating sa Pilipinas ang mga Amerikano?
Matapos magdeklara ng digmaan, inutusan ni John D. Long si George Dewey na lusubin at bombahin ang mga barkong pandigma ng Espanya na nakadaong sa Maynila. Lulan si Dewey at ng kaniyang hukbo ng barkong Olympia. At noong Mayo 1, 1898 ay naganap ang unang digmaan sa pagitan ng dalawang bansa.
Nag-animong liwanag sa pag-asa ng mga Pilipino ang umusbong na sigalot sa pagitan ng Amerika at Espanya. Nang mabalitaan ito, bumalik si Emilio Aguinaldo sa Cavite mula Hongkong noong Mayo 19, 1898 upang pamunuan ang mga kawal na Pilipino.
Maraming labanan ang naganap sa pagitan ng Amerika at Espanya. Isa na rito ang digmaang naganap sa Maynila noong Agosto 13, 1898 na naging hudyat ng pagwawakas ng pananakop ng Espanya sa Pilipinas. Kasunod nito ang pagpirma ng Estados Unidos at Espanya ng Kasunduang Paris ng 1898 noong Disyembre 10, 1898. Nakasaad sa kasunduan ang pagsuko ng Espanya sa Cuba, Puerto Rico, ilang bahagi ng West Indies, Guam, at Pilipinas.
Ngunit taliwas sa inaakalang kalayaan, ito ay naging hudyat ng bagong yugto ng pananakop sa ating bansa.
Isa na rito ang digmaang naganap sa Maynila na isa lamang panlilinlang para sa mga Pilipino. Di-umano’y isinagawa ang digmaang ito upang isalba ang dangal ng natalong Espanya sa mga Pilipino, at upang hindi tuluyang mapasakamay sa rebolusyong Pilipino ang Manila.
Wala ring kamalay-malay ang mga Pilipino tungkol sa pagbenta ng Espanya sa Pilipinas sa halagang 20 milyong dolyar na nangyari sa Kasunduang Paris. Sinasabing walang karapatan ang Espanya na ibenta ang bansa sa Amerika dahil sa panahong nilagdaan ang naturang kasunduan ay hindi na hawak ng Espanya ang Pilipinas.
Ito ang nagbigay-daan upang magsimula ang bagong yugto ng pananakop sa bansa.
Pilipinas sa Panahon ng Amerikano
Upang
tuluyang masakop ng Amerika ang Pilipinas, isa sa kinasangkapan nila ay wika at
edukasyon. Itinatag nila ang wikang Ingles bilang wikang opisyal at wikang
panturo sa Pilipinas. Ginamit ang edukasyon upang higit na ipakilala ang
kanilang bansa at kultura. Edukasyon din ang ginamit upang lasunin ang isip ng
mga kabataan na ang mga Pilipinong lumalaban laban sa Amerika ay hindi bayani
kung hindi mga bandido.
Hindi kinilala ng Amerika ang pamahalaang itinatag ng mga Pilipino dahilan upang lalong sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Pilipino at Amerikano na nagsimula noong Pebrero 4, 1899.
Dahil sa pagtugis ng mga Amerikano, napilitan si Aguinaldo na magtago sa Palanan, Isabela noong Septyembre 6, 1900. Kaalinsabay nito ang pagkapaslang sa isa sa kaniyang mga heneral na si Gregorio Del Pilar sa Tirad Pass kasama ang mga sundalong Pilipino.
Pebrero 8, 1901 nang sumuko sa Amerikano ang mensahero ni Aguinaldo na si Cecilio Segismundo kasama ang anim pang sundalo. Dito napag-alaman ang pinagtataguan ng unang pangulo. Pinagplanuhan ng mga mananakop sa pangunguna ni Kol. Frederick Funston ang gagawing pagtugis. Sa tulong ng 70 mga sundalo mula sa Macabebe, Pampangga na silang magpapanggap bilang sundalong hinihingi ni Aguinaldo, tuluyang napasakamay si Emilio Aguinaldo noong Marso 23, 1901. Kasunod nito ang pagsuko at ang panawagan ni Aguinaldo sa mga Pilipino na sumuko sa kapangyarihan ng Amerikano.
Ito ang naging apoy na tuluyang lumusaw sa unang republika ng Pilipinas.
Bagaman maraming Pilipino ang mas piniling mamuhay sa ilalim ng kolonya ng mananakop, may mga Pilipino pa rin ang nanaig ang pagkamakabayan sa kanilang dibdib. Isa na rito sina Heneral Artemio Ricarte na hindi nagpasailalim sa Amerika; Simeon Ola na pinamunuan ang mahigit sa 1,500 sundalo laban sa Amerikano; Macario Sakay na muling binuo ang Katipunan sa Rizal, Cavite, Laguna at Batangas, at nagtatag ng Republikang Tagalog; Felipe Salvador alyas Apo Ipe na dating opisyal sa hukbo ni Aguinaldo na lumaban laban sa Amerikano; Dionisio Magbuelas o Papa Icio na dating kakampi ng mga mayayaman sa Negros Oriental laban sa Espanyol na nagpatuloy sa paglaban sa Amerika; at ang mga Polahanes sa Cebu at Dios, Dios sa Leyte at sa Samar.
Patuloy na namuhay ang mga Pilipino sa ilalim ng kapangyarihan ng Amerika hanggang sa maipasa at maipatupad ang mga batas na nagsilbing pag-asa ng bansa.
Pamahalaang Komonwelt
Noong ika-1 ng Hulyo 1902 naisabatas ang Philippine Bill o Batas ng Pilipinas 1902 na kilala rin sa tawag na Cooper Act. Ito ay naging batayan ng demokratikong pamahalaan sa bansa. Isa sa mahalagang probisyon nito ang pagkatatag ng Pambansang Asemblea – isang mababang kapulungang binubuo ng mga mambabatas na Pilipino na may layong gumawa ng batas para sa mga Pilipino.
Kasunod nito ang pagsababatas ng Batas Jones o Philippine Autonomy Act noong Agosto 29, 1916. Ito ay ipinanukala ni William Atkinson Jones. Nagsilbi itong unang hakbang ng Pilipinas sa pagkamit ng kasarinlan. Sa bisa ng batas na ito, pinaghiwalay ang kapangyarihan ng ehuktibo at lehislatibong sangay ng pamahalaan sa Pilipinas na noo’y parehas na hawak ng gobernador-heneral – ang pinakamataas na posisyon sa bansa. Ang dating Philippine Commission na katumbas ng lehislatura ay pinalitan ng Senado ng Pilipinas. Binigay sa mga Pilipino ang kapangyarihang pamunuan ito. Sa pamamagitan ng eleksyon, inihalal ang 22 senador na nagmula sa 11 distrito ng bansa na magsisilbi sa loob ng anim na taong termino.
Noong Disyembre 1932 ay ipinasa sa kongreso ng Estados Unidos ang Batas Hare-Hawes Cutting. Nakasaad dito ang pagbibigay ng 10 taong palugit bago ibigay ang kalayaan ng Pilipinas. Tinutulan ito ng mga kasapi ng Senado ng Pilipinas at ng noo’y pangulo ng senado na si Manuel L. Quezon dahil sa mga hindi patas na probisyon. Ilan dito ang pagpananatili ng base-militar sa Pilipinas at ang ‘di-patas na pakipagkakalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Noong 1934, ipinasa sa kongreso ng Amerika ang Batas Tydings-Mcduffie. Katulad ng naunang pinanukalang batas, nakasaad dito ang paggawad ng kasarinlan sa Pilipinas sa palugit ng 10 taon. Tuluyang itong nilagdaan ng noo’y pangulo ng Amerika na si Pangulong Theodore Rooseverlt noong Marso 24, 1934. Higit itong nagustuhan ng mga kasapi ng Senado kaya agad nila itong inapubrahan. Ito ang naging simula ng pagkatatag ng Pamahalaang Komonwelt.
Bumuo ang Pilipinas ng bagong Saligang Batas na inapubrahan noong Pebrero 8, 1935 at pinagtibay sa eleksyon noong Mayo 4, 1935. Pagkatapos nito ay ginanap ang halalan para sa mga opisyal ng Pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas noong Septyembre 17. Nanalo sa eleksyon si Manuel L. Quezon bilang pangulo, at si Sergio Osmeña bilang pangalawang pangulo.
Pinasinayaan
ang inagurasyon ng Pamahalaang Komonwelt sa Pilipinas noong Nobyembre 15, 1935.
Dito tuluyang nagsimula ang mga taong haharapin ng mga Pilipino para sa inaasam
na kasarinlan.
Panitikan sa Panahon ng Amerikano
Naging salamin din ang panitikang Pilipino sa kalagayan ng pamumuhay sa panahon ng Amerikano. Ang mga panitikang isinulat sa yugtong ito ay kalimitang tumatalakay sa tatlong katangiang ito:
- Ang hangaring makamit ang kalayaan mula sa kamay ng Amerika.
- Ang pagmamahal ng mga Pilipino sa bayan.
- Ang pagtutol sa kolonyalismo at imperyalismo.
Sa panahong ito nagkaroon ng tatlong pangkat ang mga manunulat na Pilipino: maka-Ingles, maka-Tagalog, at maka-Kastila.
Maka-Kastila
Dito nabibilang ang mga Pilipinong manunulat na gumamit ng wikang Kastila sa kanilang mga sulatin. Nagsilbing inspirasyon nila ang kahusayan ni Gat. Jose P. Rizal sa larangan ng pagsulat.
Narito ang ilan sa kanila:
- Cecilio Apostol. Siya ay sumulat ng mga tulang handog para sa mga bayaning Pilipino tulad nina Jose Rizal, Emilio Jacinto, at Apolinario Mabini. Ang tula niyang “A Rizal” (Kay Rizal) ay itinuring na pinakamainam o pinakamabuting papuring tula para kay Jose P. Rizal.
- Fernando Ma. Guerrero. Siya ang tinaguriang Unang Hari ng Panulaan sa wikang Kastila. Sinasabing isa siya sa mga manunulang naghahari sa Balagtasan sa wikang Kastila sa kanilang panahon. Tinipon niya ang kaniyang mga mahuhusay na tula sa isang aklat na tinawag na “Crisalidas” (Mga Higad).
- Jesus Balmori. Siya ay gumamit ng sagisag-panulat na Batikuling. Lumahok siya sa isang Balagtasan sa wikang Kastila na may paksang “El Recuerdo y el Olvido” (Pag-alala o Paglimot) kung saan ipinatanggol niya ang ‘Recuerdo’. Si Balmori ang nagwagi dahilan upang hirangin siya bilang Poeta Lauredo sa wikang Kastila.
- Manuel Bernabe. Siya ay isang tanyag na makatang liriko. Si Bernabe ang naging kalaban ni Jesus Balmori sa Balagtasan sa wikang Kastila kung saan ay ipinagtanggol niya naman ang paksang ‘Olvido’. Tumatak sa mga manonood ng nasabing Balagtasan ang kaniyang paraan ng pagbigkas nang may melodiya.
- Claro M. Recto. Siya ay kilala sa kaniyang husay sa pananalita at sa pantikang Kastila. Tinipon niya ang kaniyang mga tula sa isang aklat at pinamagatang “Bajo los Cocoteros” (Sa Ilalim ng Niyugan).
- Adelina Gurrea. Ang kauna-unahang babaeng makata sa Pilipinas na mahusay sa wikang Kastila. Nagkamit siya ng parangal na Premyo Zobel dahil sa kaniyang tulang “El Nido”.
- Isidro Mapori. Sinulat niya ang apat na aklat na pinamagatang “Aromas de Ensueno” na nagpatanyag sa kaniya.
- Macario Adriatico. Sinulat niya ang magandang alamat ng Mindoro na “La Punta de Salto” (Ang Pook na Pamulaan).
- Epifanio de los Santos. Tanyag sa tawag na Don Panyong. Siya ay mahusay na mananalambuhay sa wikang Kastila.
- Pedro Aunario. Sumulat ng “Decalogo del Protocionismo”.
Maka-Tagalog
Dito napapangkat ang mga Pilipinong manunulat na gumamit ng Tagalog at ng iba pang katutubong wika sa kanilang mga likha. Naging inspirasyon ng mga manunulat ang mga akdang “Florante at Laura” ni Francisco Baltazar at “Urbana at Felisa” ni Modesto de Castro.
Tatlong Uri ng Makatang Tagalog ayon kay Julian Cruz Balmaceda
A. Makata ng Puso
- Lope K. Santos
- Iñigo Ed. Regalado
- Carlos Gatmaitan
- Pedro Gatmaitan
- Jose Corazon de Jesus
- Cirio H. Panganiban
- Nemecio Carabana
- Mar Antonio
B. Makata ng Buhay
- Lope K. Santos
- Jose Corazon de Jesus
- Florentino Collantes
- Patricio Mariano
- Carlos Gatmaitan
- Amado V. Hernandez
C. Makata ng Dulaan
- Aurelio Tolentino
- Patricio Mariano
- Severino Reyes
- Tomas Remegio
Mga Ilang Tanyag na Manunulat:
- Lope K. Santos. Siya ay isang tanyag na nobelista, makata, mangangatha, at mambabalarila. Kinilala siya bilang “Ama ng Balarilang Tagalog” dahil sa natatangi niyang ambag sa pagbuo ng balarila ng ating wikang pambansa. Itinuturing na kaniyang obra maestra ang nobelang “Banaag at Sikat”.
- Jose Corazon de Jesus. Gumamit ng sagisag-panulat na Huseng Batute. Siya ay tinaguriang “Makata ng Pag-ibig” dahil sa kaniyang mga nakaaantig na tula. Ang tulang “Isang Punongkahoy” ay ang kaniyang obra maestra.
- Florentino Collantes. Gumamit ng Kuntil Buntil bilang sagisag-panulat. Siya ang unang makatang Tagalog na kinasangkapan ang tula upang tuligsain ang pamahalaan sa panahon ng Amerikano. Ang akda niyang “Lumang Simbahan” ay ang kaniyang obra maestra.
- Amado V. Hernandez. Siya ay kinilala bilang “Makata ng mga Manggagawa” dahil sa kaniyang mga tulang nagpapahayag ng kaniyang pagmamahal sa mga manggagawa. Ang kaniyang obra maestra ay ang tulang “Ang Panday.”
- Valeriano Hernandez Peña. Gumamit ng sagisag-panulat na Kintin Kulirat. Kilala rin siya sa tawag na Tandang Anong. Ang kaniyang obra maestra ay “Nena at Neneng”.
- Iñigo Ed. Regalado. Gumamit ng sagisag-panulat na Odalager. Siya ay naging tanyag na kuwentista, nobelista, at peryodista. Ang kalipunan ng kaniyang mga tula na pinamagatang “Damdamin” ay ang kaniyang obra maestra.
- Severino Reyes. Siya ay kinilala bilang “Ama ng Dulang Tagalog” at “Ama ng Sarswelang Tagalog”. Siya rin ang unang patnugot ng ligguhang magasin na Liwayway. Tinawag siyang Lola Basyang dahil sa kaniyang mga akda sa “Mga Kwento ni Lola Basyang”. Ang dulang “Walang Sugat” ang tinuturing na obra maestra ni Sevrino Reyes.
- Aurelio Tolentino. Siya ay isa sa ipinagmamalaking mandudulang nagmula sa Pampanga. Si Aurelio Tolentino ang inang gumamit ng salitang ‘dula’ bilang panumbas sa salitang ‘drama’. Ang kaniyang obra maestra ay “Luhang Tagalog”.
- Hermogenes Ilagan. Kilala sa tawag na Ka Moheng. Siya ay kinilala bilang “Ama ng Dulaang Tagalog”. Itinayo ni Ilagan ang samahang Compania Ilagan na nagtatanghal sa
kalagitnaang Luzon. Ang isa sa pinakatanyag niyang akda ay “Dalagang Bukid”.
- Patricio Mariano. Tinawag siyang “Anak ng Pahayagang Tagalog” ni G. Artigas y Cuerva. Tinatawag din siya bilang “Puno ng Mandudulang Tagalog”. Ang kaniyang obra maestra ay “Anak ng Dagat”.
- Julian Cruz Balmaceda. Gumamit ng sagisag panulat na Itang Badbarin. Ang akdang “Bunganga ng Pating” ang itinuturing na kaniyang obra maestra.
- Pedro Bukaneg. Siya ay tinaguriang “Ama ng Panitikang Iloko”. Inihango sa kaniyang pangalan ang
Ilokanong bersyon ng Balagtasan na tinawag na “Bukanegan”.
- Claro Caluya. Tinawag siya bilang “Prinsipe ng mga Makatang Ilokano”. Siya ay kilala sa pagiging makata at nobelista.
- Leon Pichay. Binansagang “Pinakamabuting Bukanegero”. Siya ay isang makata, nobelista, kuwentista, mandudula, at manananaysay.
- Juan Crisostomo Soto. Siya ang tinaguriang “Ama ng Panitikang Kapampangan”. Tinawag na “Crisotan” ang Kapamapangang bersyon ng Balagtasan na hango sa kaniyang pangalan.
- Eriberto Gumban. Kinilala bilang “Ama ng Panitikang Bisaya”. Siya ay nagsulat ng sarswela, moro-moro, at dula sa wikang Bisaya.
- Magdalena Jalandoni. Siya ay isang nobelista sa wikang Bisaya. Ang isa sa kaniyang akda ay “Ang mga Tunuk san isa ca Bulaklak”.
Maka-Ingles
Nang magsimulang gamitin ang wikang Ingles sa ating bansa lalo na sa edukasyon, yumabong ang mga sulatin sa wikang ito.
Narito ang ilan sa mga tanyag na manunulat sa wikang Ingles:
- Jose Garcia Villa. Gumamit ng sagisag-panulat na Doveglion. Siya ang pinakatanyag na Pilipinong manunulat sa wikang Ingles sa larangan ng maiikling katha.
- Jose Bacobo. Isang manananaysay at mananalumpati. Ang ilan sa kaniyang mga akda ay “Filipino Contact with America”, “Vision of Beauty”, at “College Education”.
- Zoilo Galang. Siya ang sumulat ng kauna-unahang nobela sa wikang Ingles na pinamagatang “A Child of Sorrow”.
- Angela Manalang Gloria. Siya nakilala sa pagsulat ng mga tulang liriko sa panahon ng Komonwelt. Isa sa kaniyang akda ay “April Morning”.
- Zulueta de Costa. Nakamit ng kaniyang akdang “Like the Molave” ang Unang Gantimpala sa Commonwealth Literary Contest noong 1940.
- Nestos Vicente Madali Gonzales. Gumamit ng sagisag-panulat na N.V.M. Gonzales. Ilan sa kaniyang mga iniakda ay “My Islands” at “Children of the Ash Covered Loom”.
- Estrella Alfon. Ipinapalalagay na siya ang pinakapangunahing manunulat na babae sa Ingles bago magkadigmaan. Ilan sa kaniyang mga sinulat ay “Magnificence” at “Gray Confetti”.
- Arturo Rotor. Siya ang may-akda ng The Wound and the Scar” na kauna-unahang aklat na inilimbag sa Philippine Book Guild.
Mga Pahayagan
Hindi lamang mga malilikhaing sulatin ang binuo ng mga manunulat na Pilipino sa panahong ito, bagkus bumuo rin sila ng iba’t ibang mga pahayagan.
Narito
ang mga pahayagang nailimbag sa panahon ng Amerikano:
- El Grito del Pueblo (Ang Sigaw ng Bayan). Ito ay itinatag ni Pascual Poblete noong 1900.
- El Nuevo Dia (Ang Bagong Araw). Itinatag ito ni Sergio Osmeña noong 1900. Dahil sa nagbubunsod ng diwang makabayan ang pahayagang ito, dalawang beses itong pinatigil ng Amerikano.
- El Renacimiento (Muling Pagsilang). Itinatag ang pahayagang ito ni Rafael Palma noong 1900.
Sanggunian:
- Almario, In V. (ed), “Kasunduang Paris 1898”. ikaunang tomo ng Sagisag Panulat. CulturEd Philippines. Maynila: National Commission for Culture and the Arts, 2015. https://philippineculturaleducation.com.ph/kasunduang-paris-ng-1898/
- Almario, In V. (ed), “Batas Jones”. ikaunang tomo ng Sagisag Panulat. CulturEd Philippines. Maynila: National Commission for Culture and the Arts, 2015. https://philippineculturaleducation.com.ph/batas-jones/
- Almario, In V. (ed), “Komónwelt ng Filipinas”. ikaunang tomo ng Sagisag Panulat. CulturEd Philippines. Maynila: National Commission for Culture and the Arts, 2015. https://philippineculturaleducation.com.ph/komonwelt-ng-filipinas/
- Ibang Klaseng Klase, “The Philippine Commonwealth 1935-1940”. YouTube. 19 Hunyo 2020. https://www.youtube.com/watch?v=mVdO3Rhhab4
- MatutoKayGuro, “PAGDATING NG AMERIKANO SA PILIPINAS | Panahon ng Amerika”. YouTube. 10 Mayo 2021. https://www.youtube.com/watch?v=QVvnKhODSAs
- Prof. Lei, “ANG MGA PILIPINONG MANUNULAT SA PANAHON NG AMERIKANO”. YouTube. 14 Oktubre 2020. https://www.youtube.com/watch?v=aJXpj5YA-sY
- Teacher’s Corner, “Ang Pamahalaang Komonwelt”. YouTube. 29 Disyembre 2020. https://www.youtube.com/watch?v=t4XmuvpF8KQ
- Trivia and Facts Philippines, “Nadakip si Pangulong Aguinaldo”. Facebook. 23 Marso 2022. https://www.facebook.com/TriviaAndFactsPhilippines/photos/a.114199990276994/553504753013180
- UP Lakan, “Ang Unang Republika ng Pilipinas”. Facebook. 23 Enero 2019. https://www.facebook.com/uplakan/posts/ang-unang-republika-ng-pilipinasnoong-enero-23-1899-pinasinayaan-ang-unang-repub/2318674524831282/
- Villar, Manny, “Mock Battle, real betrayal”. Manila Bulettin. 18 Agosto 2020. https://mb.com.ph/2020/08/18/mock-battle-real-betrayal/
- Villaroza, Shaina Mavreen, “Panitikan sa panahon ng amerikano”. Slideshare. 29 Hunyo 2013. https://www.slideshare.net/shainamavreenvillaroza/panitikan-sa-panahon-ng-amerikano
- Yaweh19
[alyas], “Panahon ng american”. Slideshare.
3 Hunyo 2015. https://www.slideshare.net/yahweh19/panahon-ng-amerika
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.