Ad Code

ORTOGRAPIYANG FILIPINO | Pagpapalitan ng E at I, at O at U

 

Halina’t ating alamin ang mga alituntunin sa wastong pagpapalitan ng mga ponemang I at E, at O at U.

Pagpapalitan ng I at E, at O at U

Lalaki o lalake? Anu-ano o ano-ano? Marahil ay naging isang kalituhan sa maraming Pilipino kung kailan ba dapat pagpalitin ang I at E, at ang O at U.

Halina’t ating alamin ang mga alituntunin sa wastong pagpapalitan ng mga ponemang I at E, at O at U.


Saligan

Walang alituntunin noon ang ating balarila kung kailan lang ba dapat pagpalitin ang I/E at O/U. Ito ang dahilan kung bakit itinuring ng mga Pilipino na isang natural na pangyayari sa ating wika ang ganitong pagpapalitan. Maaaring maugat ang paniniwalang ito sa sinauang sistema ng mga Tagalog na Baybayin kung saan iisa lamang ang simbolo para sa E/I at O/U.

Hindi ito naging taliwas sa kabatiran na Tomas Pinpin kaya nang isulat niya ang aklat na Librong pagaaralan nang manga Tagalog nang uicang Caftilla (1860) ay binigyan-diin niya ang wastong paggamit at pagbigkas ng E at I, at O at U. Ayon sa kaniya, may mga salitang Espanyol na magkatulad ang baybay ngunit nagkaiiba lamang sa E/I at O/U. Ang mga salitang ito ay may magkaiba ring taglay na kahulugan.

Narito ang ilan niyang binigay na halimbawa:

  • pecar (magkasala) – picar (kagatin ng insekto)
  • piña (pinya) – peña (bato, bangin, o pangkat)

Maging sa kasalukuyang panahon, ang pagkaiiba ng E/I at O/U sa isang salita ay nagdudulot din ng pagkaiiba sa kahulugan nito.

Halimbawa:

  • penoy (pagkain) – Pinoy (tao)
  • poso (igiban ng tubig) – puso (organ ng tao)

 

Mga Alituntunin

Upang maiwasan ang talamak na pagpapalitan ng mga titik E/I at O/U, nagbigay ang Komisyon ng mga alituntunin sa wastong pagpapalitan ng mga ito:

1. Disiplina sa Pagbigkas ng E/I at O/U

Kailangang maibukod o matukoy kung ang salita ba ay gumagamit ng tunog E o I, at O o U. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang paggamit ng maling patinig para sa mga tunog na ito.

Narito ang ilang halimbawa:

  • espiritu sa halip na ‘ispiritu’
  • eskandalo sa halip na ‘iskandalo’
  • lalaki sa halip na ‘lalake’
  • koryente sa halip na ‘kuryente’
  • politika sa halip na ‘pulitika’
  • leon sa halip na ‘liyon’

2. Senyas sa Espanyol o sa Ingles

Ang patinig na E at I ay ginagamit sa pagbubukod ng mga salitang Espanyol at Ingles na nagsisimula sa tunog /S/. Ang mga salitang Espanyol na babaybayin sa Filipino ay gingamitan ng E; samantala, ang mga salitang Ingles naman ay gagamitan ng I.

Halimbawa: Espanyol – Ingles

  • eskandalo (escandalo) – iskandal (scandal)
  • espesyal (especial) – ispesyal (special)
  • eskolar (escolar) – iskolar (scholar)

3. Kapag Nagbago ang Katinig

Pinahihintulutan ang pagpapalit ng O sa U kung nagbago ang kasunod na katinig sa loob ng pantig kapag ito ay isafi-Filipino. Nagaganap ito sa pagpapalit ng N sa M kung ang kasunod na pantig ay nagsisimula sa B/V at P/F.

Halimbawa nito ang salitang ‘kumpiska’ mula sa confisca. Napalitan ng M ang N sa ‘con-‘ sapagkat ang sinundang pantig nito ay nagsisimula sa F (-fi-). Naging dahilan ito upang palitan din ng U ang O. 

Halimbawa:

  • kumbensiyon (convencion)
  • kumporme (conforme)
  • kumpeti (confeti)

Mahalagang paalala: Kung walang pagbabagong naganap sa sinusundang katinig ng E/I o O/U, panatilihin ito sa oriihinal na anyo.

Halimbawa:

  • kompleto sa halip na ‘kumpleto’ (completo)
  • kompanya sa halip na ‘kumpanya’ (compañia)
  • kontrata sa halip na ‘kuntrata’ (contrata)

4. Epekto ng Hulapi

Nagiging I ang E at nagiging U ang O kung ito ay nasa dulo ng salita at kakabitan ng hulapi. Halimbawa ng salitang ‘laro’ na kung kakabitan ng hulaping ‘-an’, ang O ay magiging U kaya ito ay magiging ‘laruan’.

Halimbawa:

  • turo – turuan
  • onse – onsihan

5. Paggamit ng Pang-angkop na –Ng

Hindi magpapalit ang E/I at O/U kung ito ay gagamitan ng pang-angkop na ‘-ng’. Wasto ang ‘pusong maawain’ at hindi ang ‘pusung maawain’.

Halimbawa:

  • babae – babaeng mayumi
  • bato – batong magaspang

6. Pag-uulit ng Salitang-Ugat

Hindi magpapalit ang E/I at O/U kung uulitin ang salitang-ugat at lalagyan ng gitling. Tama ang ‘ano-ano’ at mali ang ‘anu-ano’.

Halimbawa:

  • sino-sino sa halip na sinu-sino
  • babaeng-babae sa halip na babaing-babae
  • taon-taon sa halip na taun-taon

Ngunit, kung ang salitang-ugat na inuulit ay hindi gumagamit ng gitling at nagtataglay ng panibagong kahulugan, papalitan ng I ang E at ng U ang O. Halimbawa nito ang salitang ‘halo-halo’ na kaiba sa salitang ‘haluhalo’. Ang halo-halo ay paglalarawan sa pinagsama-samang bagay; samantala, ang ‘haluhalo’ ay tumutukoy naman sa isang pagkaing pampalamig.

Halimbawa:

  • salo-salo – sama-samang pagkain
  • salusalo – piging o handaan

7. OO at UO

Panatitilihin ang OO at UO sa isang salita kahit na ito ay kabitan ng hulapi.

Halimbawa:

  • buo – kabuoan
  • poot – kapootan
  • nood – panoorin
  • buod – buorin




Sanggunian:

  • Almario, Virgilio S., ed, Manwal sa Masinop na Pagsulat. Quezon City: Komisyon ng Wikang Filipino, 2014. e-book


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento