Ad Code

ORTOGRAPIYANG FILIPINO | Kambal-Katinig

 

Halina't ating alamin ang mga alituntunin sa pagsafi-Filipino ng mga salitang may kambal-katinig.

Kambal-Katinig

Sa nakaraang aralin, nalaman natin ang mga alituntuning itinakda ng Komisyon ng Wikang Filipino sa pagsafi-Filipino ng mga salitang nagtataglay ng kambal-patinig.


Ngayon, halina’t ating alamin ang mga alituntunin sa pagsafi-Filipino ng mga salitang nagtataglay ng kambal-katinig.

 

Kambal-Katinig o Digrapo


Kambal-katinig o digrapo ang tawag sa dalawang magkatabing katinig sa iisang pantig ng salita.

 

Halimbawa:

  • eksperto
  • tsek
  • desk
  • aspect

 

Mga Kaso


1. Kambal-katinig sa unahan o gitna ng salita.

Kalimitan, kung isafi-Filipino ang kambal-katinig na nasa unahan o gitna ng salita, ito ay mahahati sa dalawang pantig.

 

Halimbawa ng salitang scholar. Kung ito ay isafi-Filipino, ang kambal-katinig na ‘sch’ ay tutumbas ng ‘isk’. Ang ‘is’ ay bubuo ng isang pantig, samantala ang ‘k’ naman ay isasama sa ‘o’, kaya ang pagsafi-Filipino ng scholar ay ‘iskolar’.

 

2. ST, SK

Sa panibagong alituntunin, tinatanggap na sa baybay-Filipino ang mga kambal-katinig na ‘st’ at ‘sk’. Ibig sabihin, ang salitang test ay maaari nang ibaybay sa Filipino na ‘test’ at hindi ‘tes’.

 

Halimbawa:

  • desk – desk
  • contest – kontest
  • post – post

 

3. CT

Ang kambal-katinig na ‘ct’ ay tinutumbasan sa Filipino ng ‘k’. Hindi na isinasama ang ‘t’ sapagkat hindi naman ito pinapatunog sa isang salita. Ibig sabihin, ang salitang ‘subject’ ay baybayin sa Filipino ng ‘sabjek’.

 

Halimbawa:

  • aspect – aspek
  • suspect – suspek
  • addict – adik

 

4. CH

Noon pa man, tinutumbasan na ng ‘ts’ ang digrapong ‘ch’ tulad na lamang ng salitang ‘check’ na kapag isina-Filipino ay magiging ‘tsek’. Tutumbasan din ng ‘ts’ ang mga salitang katutubo na may tunog na ‘ch’ tulad ng ‘tsidlat’ (kidlat) ng Ivatan.

 

Ang mga salitang balbal naman na nagtataglay ng tunog ‘ch’ ay dapat na tumbasan ng titik ‘ts’ halimbawa ng mga salitang ‘tsaka’ at ‘tsansa’.

 

Halimbawa:

  • chapa ­– tsapa
  • chocolate – tsokolate
  • champorado – tsamporada
  • switch – swits

 

5. SH

Walang tiyak na alituntunin ang Komisyon sa kambal-katinig na ‘sh’. May ilang nagsasabing dapat itong panatilihin sa isang salita tulad ng ‘shampu’ (shampoo). Mayroon ding nagsasabing ito ay dapat tumbasan ng ‘sy’ tulad ng ‘syuting’ (shooting). Ayon naman sa ilan, nawawala ang tunog ‘sh’ kung ito ay ilalagay sa dulo ng salita, kaya marapat na tumbasan lamang ito ng titik ‘s’ gaya ng salitang ‘ambus’ (ambush).

 

Dahil dito, pansamantalang nakabukas ang Komisyon sa mga eksperimento hinggil sa kung ano nga ba ang dapat na maging gabay o alituntunin sa pagsafi-Filipino ng kambal-katinig na ‘sh’.

 

6. TH at KH

Ang H sa kambal-katinig na TH at KH ay pinapatunog nang may aspirasyon o pahingal tulad sa salitang ‘marathon’ at ‘thin’. Sa lumang abakadang Tagalog, hindi pinapatunog ang aspiradong tunog ng H sa TH at KH kaya binabaybay ito gamit lamang ang titik T at K tulad sa salitang ‘maraton’ (marathon).

 

Ngunit, ang tuntuning ito ay binago. Tinanggap ang paggamit ng aspiradong H sa kambal-katinig na TH at KH. Ang pagbabagong ito ay ginawa dahil matatagpuan ang ganitong tunog sa ilang wikang katutubo tulad ng Mëranaw.

 

Halimbawa ng mga salitang Mëranaw:

  • thinda – nagluluto
  • litha – gulay
  • khabadot – mahuhugot
  • pekhawaw – nauuhaw

 

Ang pagpatutunog ng aspiradong H sa Mëranaw ay napakahalaga sapagkat ito ang nagbubukod sa mga kahawig nitong salitang walang aspiradong tunog.

 

Halimbawa:

  • mathay (matagal) – matay (mamatay)
  • litha (gulay) – lita (dagta)
  • khan (kakain) – kan (kumain)
  • khala (tumawa) – kala (laki)

 

Datapwat, ang ganitong alituntunin ay limitado lamang sa mga wikang katutubo. Hindi pa ito nagagamit para sa wikang Ingles sapagkat malimit bigkas-Filipino ang ginagamit ng mga Pilipino sa mga salitang hinihiram mula sa rito.

 




Sanggunian:

  • Almario, Virgilio S., ed, Manwal sa Masinop na Pagsulat. Quezon City: Komisyon ng Wikang Filipino, 2014. e-book

 


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento