Kambal-Patinig
Ating
alamin ang wastong pagbaybay sa mga salitang may kambal-katinig.
Kambal-Patinig o Diptonggo
Nabubuo ang kambal-patinig o diptonggo kung matatagpuan sa iisang pantig ng salita ang dalawang magkatabing tunog-patinig.
Halimbawa nito ang salitang Ingles na crime kung saan ang titik ‘i’ ay binibigkas sa pagsasama ng tunog ‘a’ at ‘i’ (ɑι).
Sa Filipino, makikita ang diptonggo kung magkasama sa iisang pantig ang patinig na sinusundan ng malapatinig na ‘w’ at ‘y’.
Halimbawa:
- bahay (ba-hay)
- giliw (gi-liw)
- hawla (haw-la)
Isyu sa Kambal-Patinig
Ang pagsafi-Filipino ng mga wikang Kastila na nagtataglay ng kambal-patinig ay naging talamak noon sa ating wika.
2 Tradisyonal na Pagsulat sa
Tunog ng Kambal-Patinig
Sa
paraan ng pagbabaybay sa Filipino noon sa mga tunog ng kambal-katinig ng
salitang Kastila, mapapansin ang dalawang pamamaraan:
1. Ang kambal-katinig na ‘ua’ ay sinisingitan sa gitna ng titik ‘w’.
- buaya – buwaya
2. Sa kambal-patinig na ‘ia’, tinatanggal ang patinig na ‘i’ at pinapalitan ng titik ‘y’.
- tilapia – tilapya
Subalit,
ang dalawang pamamaraang ito ay naging taliwas sa ilang salita, halimbawa:
- piano – piyano
- carruaje – karwahe
Kaya naging malaking usapin kung kailan ba dapat palitan ang unang patinig ng kambal-patinig ng titik ‘w’ o ‘y’.
Tuntunin sa Pagsulat ng Kambal-Katinig
Upang masolusyonan ang nasabing suliranin, naglabas ang Komisyon ng mga sumusunod na tuntunin:
Pangkalahatang Tuntunin
Tatanggalin ang unang patinig sa mga kambal-katinig na I+(A, E, O) at U+(A, E, I) kung sisingitan ng mga titik ‘w’ at ‘y’.
Halimbawa:
- teniente – tenyente
- individual – indibidwal
Ang mga patinig ‘I’ at ‘U’ ay inuuri bilang mahinang patinig sapagkat maaari itong palitan ng mga katinig na ‘w’ at ‘y’; samantala, ang mga patinig na ‘A’, ‘E’, at ‘O’ ay inuuri bilang malakas na patinig sapagkat walang anumang titik ang maaaring pumalit rito.
Ngunit, ang pagkalahatang tuntuning ito ay may apat na kataliwasan:
1. Hindi tatanggalin ang unang patinig ng kambal-katinig kung ang tunog nito ay karugtong ng sinusundang pantig.
Naghihiwalay ng pantig ang kambal-patinig sapagkat ang unang patinig ay dumurugtong sa sinusundang katinig, at ang ikalawang patinig ay may diin sa salita.
Halimbawa nito ang salitang ‘buwan’ na hango sa ‘buan’. Kung bibigkasin nang maigi ang ‘buan’, ang patinig na ‘u’ ay dumurugtong sa katinig na ‘b’ at ang diin ng salita ay nasa patinig na ‘a’. Ito ang dahilan kung bakit nahati sa dalawang pantig ang ‘ua’: ‘bu-an’. Kaya, pinatili ang ‘u’ kahit siningitan ang salita ng titik ‘w’.
Narito
ang ilan pang halimbawa:
- kuwento – cuento (cu-en-to)
- piyano – piano (pi-a-no)
- biyuda – viuda (vi-u-da)
- puwersa – fuerza (fu-er-za)
2. Hindi tatanggalin ang unang patinig kung ang kambal-patinig ay sumusunod sa dalawa o mahigit pang mga kumpol-katinig (consonant cluster).
Ang kataliwasang ito ay pinatupad para ‘paluwagin’ ang pagbigkas sa mga pantig at upang hindi maging mahirap ang pagpapantig sa salita. Halimbawa na lamang ng salitang ‘industria’. Kung isafi-Filipino ito ayon sa pangkalahatang alituntunin, ito ay magiging ‘industrya’. Magdudulot ito ng kalituhan sa babasa maging sa bibigkas.
Sa kadahilanang ang kambal-katinig na ‘ia’ sa ‘industria’ ay sinusundan ng kumpol-katinig na ‘str’, pinatili ang patinig na ‘i’ kahit siningitan ng ‘y’. Kaya, ang wastong pagsafi-Filipino ng ‘industria’ ay ‘industriya’.
Iba
pang halimbawa:
- lengguwahe – lengujhe
- leksiyon – leccion
- impiyerno – infierno
3. Hindi tatanggalin ang unang patinig kung ang kambal-patinig ay sumusunod sa titik ‘H’.
Likas na mahinang katinig ang titik ‘H’ sapagkat nawawala ang tunog nito kung hindi sasamahan ng patinig.
Kung hindi binibigyan-diin ng salita ang tunog ‘h’, mainam gamitin ang pangkalahatang tuntunin. Halimbawa nito ang salitang ‘prejuicio’ na hindi binigyan-diin ang tunog ‘h’ kaya nang ibinaybay sa Filipino, ito ay naging ‘perwisyo’.
Subalit, kung ang tunog ‘h’ ay binibigyan-diin sa salita, mahalagang samahan ito ng patinig upang hindi mawala ang tunog.
Halimbawa nito ang salitang ‘colegio’ na nagbibigay-diin sa tunog ‘h’. Kung susundin ang pangkalahatang tuntunin, ito ay magiging ‘koleyo’ na malayong-malayo sa orihinal na tunog nito. Upang mapanatili ang tunog ‘h’, pinatili ang unang patinig kaya, ang wastong pagsafi-Filipino ng ‘colegio’ ay ‘kolehiyo’.
Ilang
halimbawa:
- rehiyon – region
- estratehiya – estrategia
4. Hindi tatanggalin ang unang patinig ng kambal-patinig kung ito ay may diin sa pagbigkas.
Kung ang unang patinig ng kambal-patinig ay binibigyan ng diin sa salita, mas mainam na panatilihin ito upang hindi mabago ang orihinal na tunog nito.
Halimbawa
ng salitang, ‘heografia’. Kung
bibigkasin, may diin o bahagyang pag-angat ng tono sa ‘i’ ng kambal-patinig na
‘ia’. Hindi na magiging kapareho ng tunog sa orihinal na salita kung ito ay
ibabaybay na ‘heograpya’. Kaya mas mainam na ibaybay ito na ‘heograpiya’ upang
mapanatili ang orihinal na diin ng salita.
Malalakas na Patinig (A, E, O)
Sa kabilang dako, ang mga kambal-patinig na binubuo ng mga patinig na ‘A’, ‘E’, at ‘O’ ay maaaring baybayin sa orihinal na anyo nito. Ibig sabihin, hindi na kailangan pang singitan ng mga titik ‘w’ at ‘y’ ang mga ito kung isafi-Filipino.
Halimbawa:
- kontemporaneo – contemporaneo
- teatro – teatro
- paraon – faraon
- aorta – aorta
Ang
mga salitang nakagawian nang gamitin nang may isinisingit na ‘w’ o ‘y’ tulad ng
‘ideya’ at ‘hawla’ ay itinuturing na varyant lamang.
Sanggunian:
- Almario, Virgilio S., ed, Manwal sa Masinop na Pagsulat. Quezon City: Komisyon ng Wikang Filipino, 2014. e-book
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.