Ad Code

ESTRUKTURANG FILIPINO | Ponemang Segmental: Diptonggo at Klaster

 

ISTRUKTURANG FILIPINO | Ponemang Segmental: Diptonggo at Klaster

Ponemang Segmental: Diptonggo at Klaster

Sa mga naunang aralin, natuklasan natin na ang ponemang segmental ng wikang Filipino ay binubuo ng mga sumusunod na bahagi: katinig, patinig, pares minimal, mga ponemang malayangnagpapalitan, diptonggo, at klaster. Ngayon, ating bibigyan ng katuturan ang dalawa sa mga bahging ito: ang diptonggo at pares minimal.


Diptonggo

Diptonggo ang tawag sa mga tunog na nabuo sa pagsasama ng mga patinig (a, e, i, o, u) at mga malapatinig (y, w). Pagmasdan ang talahanayan sa ibaba.

aw

ew

iw

ow

uw

ay

ey

iy

oy

uy

Makikita naman sa ibabang talahanayan ang pagbigkas sa mga diptonggo:

POSISYON NG DILA

BAHAGI NG DILA

Harap

Sentral

Likod

Mataas

iw, iy

 

uw, uy

Gitna

ew,ey

 

ow, oy

Mababa

 

aw. ay

 

Sa ating wika, ang mga sumusunod na diptonggo pinakaginaganit sa mga salita: aw, iw, iy, ey, ay, oy, at uy.

Isang paalala: masasabi lamang na nagtataglay ng diptonggo ang isang salita kung ang tunog ng patinig at malapatinig ay magkasama sa iisang pantig. Halimbawa nito ang salitang ‘araw’. Ang salitang ito ay mapapantig natin sa dalawa: a-raw. Kung papansinin, makikitang magkasama sa ikalawang pantig ang patinig na ‘a’ at malapatinig na ‘w’. Ibig sabihin, ang salitang ‘araw’ ay nagtataglay ng diptonggo.

Narito ang ilang halimbawa ng mga salita na nagtataglay ng diptonggo:

  • buhay (bu-hay)
  • aliw (a-liw)
  • dalaw (da-law)
  • reyna (rey-na)

Samantala, kung ang patinig at malapatinig ay hindi magkasama sa iisang pantig ng salita, hindi ito maituturing na diptonggo. Halimbawa na lamang ng salitang ‘bayong’. Kung pagmamasdan, magkasama sa gitnang bahagi ng salita ang patinig ‘a’ at malapatinig ‘y’. Datapwat, kung ito ay papantigin sa dalawa: ‘ba-yong’, makikitang hindi magkasama ang ‘a’ at ‘y’ sa iisang pantig. Ibig sabihin, ang salitang ‘bayong’ ay hindi nagtataglay ng diptonggo.

Narito ang ilang halimbawa:

  • aliwin (a-li-win)
  • tayuan (ta-yu-an)
  • bawasan (ba-wa-san)

 

Klaster

Ang klaster o kambal-katinig ay tunog na nabubuo mula sa pagsasama ng dalawang magkatabing katinig.

  • Halimbawa: kr, ts, dy, ks, bl

Katulad ng diptonggo, matatawag lamang na klaster ang dalawang magkatabing katinig kung ang mga ito ay matatagpuan sa iisang pantig. Halimbawa na lamang ng salitang: ‘eksperimento’. Kung ito ay papantigin sa lima: ‘eks-pe-ri-men-to’, mapapansing magkasama sa unang pantig ang mga katinig na ‘k’ at ‘s’. Ibig sabihin, ang salitang ‘eksperimento’ ay nagtatag;ay ng klaster o kambal-katinig.

Narito ang ilang halimbawa ng mga salitang nagtataglay ng klaster:

  • dyip (dyip)
  • kaklase (ka-kla-se)
  • planeta (pla-ne-ta)

Samantala, hindi maituturing na klaster ang dalawang magkatabing katinig kung sila ay magkahiwalay sa pagpapantig. Halimbawa nito ang salitang ‘buksan’. Kung papantigin sa dalawa: ‘buk-san’, makikitang magkahiwalay ng pantig ang mga katinig na ‘k’ at ‘s’. Ibig sabihin, ang salitang ‘buksan’ ay hindi nagtataglay ng klaster o kambal-katinig.

Narito ang ilang halimbawa:

  • magsasaka (mag-sasaka)
  • taglay (tag-lay)
  • eksamin (ek-sa-min)

Isang paalala: ang mga titik na ‘ng’ ay hindi dapat ituring na klaster sapagkat ang mga ito  ay kumakatawan lamang sa iisang tunog.

 


 

Sanggunian:

  • Alcaraz, Cid V, Jocson Magdalena O., at Villafuerte, Patrocinio V. Filipino 1: Komunikasyon sa Akademikong Filipino. Lungsod Quezon: Lorimar Publshing Co., Inc., 2005.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento