Ad Code

ESTRUKTURANG FILIPINO | Ponemang Segmental: Pares Minimal at Ponemang Malayang Nagpapalitan

ISTRUKTURANG FILIPINO | Ponemang Segmental: Pares Minimal at Ponemang Malayang Nagpapalitan


Sa nakaraang aralin, natuklasan natin ang ponemang segmental na patinig at katinig ng wikang Filipino. Ngayon naman ay ating babatirin ang dalawa sa ponemang segmental ng ating wika – pares minimal at ponemang malayang nagpapalitan.

 

Pares Minimal

Ang Pares Minimal ay pares ng mga salitang magkaparehas ng bigkas ngunit nagkaiiba sa iisang tunog na nasa magkaparehong posisyon. Ang pagkaiba ng iisang tunog na ito ay nagdudulot ng pagkaroroon ng dalawang salita ng magkaibang kahulugan.

Halimbawa nito ang mga salitang ‘mga’ at ‘sanga’. Kung susuriin, halos magkahawig ang dalawang salita sa pagbigkas maliban sa pang-unang tunog. Ang ‘mga’ (/ma-nga/) ay gumagamit ng tunog /m/; samantala, ang ‘sanga’ (/sa-nga/) ay gumagamit ng tunog /s/.

Ngunit, isang mahalagang paalala, ang pares minimal ay nagkaiiba lamang sa iisang tunog hindi sa iisang titik.

Pansinin ang mga salitang ‘baso’ at ‘paso’ (sugat na natamo mula sa apoy o matinding init). Sa unang tingin, aakalaing ito ay halimbawa ng pares minimal sapagkat naiiba lamang sila sa unang tunog. Datapuwat, kung ito ay susuriin nang mabuti, mapapansing naiiba rin sila sa huling tunog. Ang ‘baso’ ay walang impit na tunog sa hulihan; samantala, ang ‘paso’ ay mayroon.

Narito ang ilan sa halimbawa ng mga salitang sa unang tingin ay aakalaing pares minimal ngunit hindi:

  • tulo at kulo
  • kalat at balat
  • tulis at pulis
  • sama (kabilang) at tama

Kaya importanteng bigyan-pansin ang tunog ng salita kaysa sa pansinin ang mga titik na bumubuo rito.

 

Ponemang Malayang Nagpapalitan

Ang mga ponemang malayang nagpapalitan, tulad ng pares minimal, ay mga salitang magkaparehas ng bigkas ngunit nagkaiiba sa iisang tunog na nasa parehas na posisyon. Ngunit, ang pagkaiibang ito ay hindi nagdudulot ng anumang pagbabago sa kahulugan ng salita.

Isang magandang halimbawa rito ang mga tunog /d/ at /r/ na madalas nating pagpalitin sa mga salitang Filipino. Hindi magbabago ang gamit ng ‘doon’ kung gagawing ‘roon’. Hindi magbabago ang kahulugan ng ‘madumi’ kung gagawing ‘marumi’.

Halimbawa rin nito ang tunog /e/ at /i/ tulad ng sa ‘lalake’ at ‘lalaki’, at tunog /o/ at /u/ tulad ng sa ‘politiko’ at ‘pulitiko’.

Ngunit, mahalagang isipin, bagaman walang naidudulot na pagbabago ang pagpapalitan ng mga ponema sa kahulugan ng salita, ang ating wika ay may mga tuntunin at estandardisadong dapat nating sundin. Isa na rito ang mga ponemang /d/ at /r/ na may tiyak na tuntunin kung kailan natin ito gagamitin sa salita. Tinatanggap man ng karamihan ang pagpapalitan ng salitang ‘lalaki’ at ‘lalake’, ang estandardisadong salita na tumutukoy sa kasariran ay ‘lalaki’.  Importanteng batid natin ang wastong pagpapalit ng ponema at ng hangganan nito sa ating wika.


Mag-post ng isang Komento

1 Mga Komento

Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.