Kasaysayan ng Panitikang Pilipino sa Panahon ng Hapon
Hindi nagtuloy-tuloy ang tinatamasang kalayaan ng mga Pilipino matapos makapagtatag ng sariling pamahalaan na pinamunuan ni Manuel L. Quezon bilang pangulo ng bansa. Agad itong natuldukan nang dumaong naman sa Pilipinas ang kanluranin mula sa Asya – ang bansang Japan.
Ang pagdaong ng mga Hapon sa
bansa ay nagdulot ng mga pagbabago sa ating pamahalaan, panitikan, at maging sa
ating wika.
Kaligirang Kasaysayan
Ano ang adhikain ng Japan sa pananakop sa Asya?
Kung babalikan natin ang kasaysayan, ang mga bansa sa Asya ay hinahawakan noon ng mga kanluraning bansa lalo na ng mga bansang Europeo. Halimbawa na rito ang Indonesia na hawak noon ng Netherlands, ang Malaysia ay hawak ng Great Britain, at ang Pilipinas na hawak noon ng America.
Ang mga pangyayaring ito ang nagbunsod sa Japan upang magkaroon ng adhikaing pagsamahin ang mga bansa sa Silangang Asya na tatawaging Greater East Asia Co-Prosperity Sphere. Layunin ng samahang ito na pangalagaan ang interes ng bawat kasaping bansa at ibalik sa mga Asyano ang kontrol sa mga Asyanong bansa. Naniniwala ang mga Hapon na ang Asya ay para lamang sa mga Asyano.
Paano nagsimula ang pananakop ng Japan?
Noong Setyembre 1, 1939, sinakop ng bansang Germany ang Poland. Ang pananakop na ito ang nagpasiklab sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig na tumagal mula 1939-1945. Sa digmaang ito, nabuo ang dalawang alyansa: ang Axis Powers at Allied Powers. Nabibilang sa Axis Powers ang mga bansang Germany, Italy, at Japan; kabilang naman sa Allied Powers ang Great Britain, USA, at Soviet Union.
Nagkaroon ng patakaran ang
Japan na sakupin ang iba’t ibang bahagi ng Asya dahil sa mga sumusunod na
dahilan:
- Mapalawak ang kanilang teritoryo.
- Sila ay may mapagkunan ng mga hilaw na materyales at may mapagbentahan ng kanilang mga produkto.
- Ipagpatuloy ang pagbuo at pagpalalawak ng Greater East Asia Co-Prosperity Sphere.
Paano nagsimula ang dimaang Japan-America?
Disyembre 7, 1941 nang bombahin ng Japan ang Pearl Harbor – isang himpilan ng hukbong pandigma ng mga Amerikano sa Hawaii. Dahil dito, nagdeklara ng digmaan ang America laban sa Japan.
Paano nasakop ng Japan ang Pilipinas?
Ilang oras pa lamang ang nakalilipas nang bombahin ng Japan ang Pearl Harbor (Disyembre 8, 1941), sinunod nilang sinalakay ang mga base militar ng America sa Pilipinas. Pinasabog nila ang mga hukbong panghimpapawid sa Clark Field Pampanga, mga base militar sa Hilagang Luzon, maging sa ilang panig ng Pilipinas tulad ng Cavite at Davao.
Hindi nagpadaig ang puwersa ng mga Pilipino. Isa na rito ang kapitang si Jesus Villamor na pinamunuan ang mga piloting Pilipino na lumaban sa mga Hapon.
Naging pangunahing depensa ng Pilipinas ang pagkatatag ng United States Army Forces in the Far East (USAFFE) na pinamunuan ni Heneral Douglas MacArthur. Sa polisiya ni Dating Pangulong Manuel L. Quezon at ni Heneral Douglas Macarthur, nagsanib ang puwersa ng mga Pilipino at Amerikano.
Disyembre 10, 1941 nang dumaong ang Hapon sa Aparri, Cagayan at Vigan, Ilocos Sur. Narating din ng malaking puwersa ng mga Hapon ang Lingayen, Pangasinan. Dito nag-umpisang unti-unting masakop ng Japan ang bansa.
Upang maisalba ang Maynila, idineklara ni Hen. Douglas MacArthur at Manuel L. Quezon na gagawin itong Open City noong Disyembre 26, 1941. Ang Open City ay nagtatakda sa isang siyudad na maaaring pasukin ninuman nang walang anumang pagtutol at paglaban. Kapalit nito, ang siyudad na idineklarang Open City ay hindi dapat sirain o lusubin. Kasunod nito, inilipat ang lahat ng kagamitang pandigma sa Bataan.
Nagsanib-puwersa ang mga Pilipino at Amerikano sa Bataan at Corregidor. Subalit, hindi naging sapat ang dalawang hukbo upang labanan ang malakas na puwersa ng mga Hapones.
Noong Pebrero 10, 1942, sa payo ni Pangulong Roosevelt, tumakas si Pangulong Quezon sa Australia kasama ang kaniyang pamilya at gabinete mula sa Corregidor. Iniwan niya ang pamumuno ng bansa sa kamay ni Jose Abad Santos.
Kasunod nito ang pagtakas ni Heneral Douglas MacArthur sa Australia noong Marso 11, 1942. Nang marating niya ang Australia, ipinahayag niya ang makasaysayang pangako: “I shall return”. Humalili sa kaniyang puwesto si Heneral Jonathan Wainwright.
Dahil sa matinding hirap at gutom, isinuko ni Hen. Jonathan Wainwright ang puwersa sa Bataan kay Hen. Masaharu Homma noong Abril 9, 1942. Ang mga sumukong sundalo ay nagmartsa ng ilang araw mula Mariveles, Bataan hanggang San Fernando, Pampanga nang walang pagkain at inumin. Mula rito ay sinakay sila sa isang tren papunta sa Camp O’ Donnel sa Capas, Tarlac. Tinawag ang pagmartsang ito bilang Death March dahil sa dami ng mga sundalong namatay.
Noong Mayo 6, 1942, isinuko ni Hen. Wainwright ang Corregidor sa mga Hapon. Ipinag-utos din niya ang pagsuko ng lahat ng puwersa ng USAFFE sa buong Pilipinas.
Dito tuluyang napasakamay ng Japan ang Pilipinas.
Pilipinas sa Kamay ng Japan
Nang tuluyang masakop ang kabisera ng bansa – ang Maynila, itinatag ng Japan ang Japanese Military Administration noong Enere 3, 1942. Pinamunuan ito ni Hen. Masaharu Homma bilang direktor-heneral. Kasunod nito ang paghirang kay Jorge B. Vargas bilang pangulo ng Philippine Executive Commission noong Enero 13, 1942. Itinatag din nila ang Central Administrative Organization bilang pamalit sa Pamahalaang Komonwelt.
Pinangakuan din ng mga Hapones ang mga Pilipino ng kalayaan kung makiiisa sila sa Greater East Asia Co-Prosperity Sphere. Binuwag din ang partidong pulitikal at pinalitan ng Kapisanan sa Paglilingkod sa Bagong Pilipinas (KALIBAPI).
Sa bisa ng Preparatory Commission for Philippine Independence, naitatag ang bagong Saligang Batas. Sa bisa rin nito, naitatag ang Ikalawang Republika ng Pilipinas na pimunuan ni Jose P. Laurel bilang pangulo. Bagaman nagkaroon ang bansa ng sariling pamahalaan, tinawag na Pamahalaang Puppet ang ikalawang republika. Higit na may kapangyarihan ang mga Hapon kaysa kay Pang. Jose P. Laurel. Ang mga batas na ipinatutupad ng pangulo ay kailangang aprobado ng mga Hapones.
Dahil sa kalupitan ng mga Hapones, naitatag ang Kilusang Gerilya. Ito ay isang kilusang itinatag ng mga dating Pilipino at Amerikanong sundalo, at maging ng mga dating pinuno ng bayan o lalawigan.
Ang pinakamalaking pangkat ng mga gerilya ay tinatag ni Luis Taruc na tinawag na Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon o HUKBALAHAP. Binubuo ang pangkat na ito ng mga magsasaka mula sa gitna at katimugang Luzon.
Paano nakalaya ang Pilipinas sa kamay ng Japan?
Agosto 4, 1944 nang sinimulang bombahin ng mga hukbong Amerikano ang mga kuta ng Hapon sa Davao.
Kasunod nito, nagdeklara ang Siam (Thailand), China, at Bose (India) ng digmaan laban sa Amerika. Pinaalalahanan ni Amb. Shozo Murata si Pang. Jose P. Laurel na kailangang gumawa ang Pilipinas ng kaparehas na pahayag. Matapos ang pagpupulong ni Pang. Jose P. Laurel kasama ang kaniyang mga gabinete, idineklara niya ang Pilipinas na nasa Estado ng Digmaan (State of War) at ipinatupad din niya ang Batas Militar (Martial Law).
Sa kabila ng pamimilit ng mga Hapon, iginiit ni Pang. Jose P. Laurel na walang patakaran sa republika ang sapilitang pagsusundalo ng mga Pilipino para sa layuning militar.
Oktubre 20, 1944, muling bumalik si Hen. Douglas MacArthur kasama ang mga hukbong Amerikano na dumaong sa Palo, Leyte. Napalaya ng mga Amerikano ang Maynila noong Pebrero 23, 1945. Kasunod nito, ipinahayag ni Hen. Douglas MacArthur ang paglaya ng Pilipinas sa kamay ng Japan noong Hulyo 4. 1945.
Upang tuluyang mapasuko ang puwersa ng mga Hapon, pinasabog ng Amerika ang Hiroshima noong Agosto 6, 1945 gamit ang isang atomic bomb. Sinundan ito ng pagpasasabog sa Nagasaki noong Agosto 9, 1945. Dahil dito, ipinahayag ni Emperor Hirohito ang tuluyang pagsuko ng Japan sa digmaan.
Pinagtibay ito sa paglagda ng kondisyon ng pagsuko ng Japan at Amerika noong Setyembre 2, 1945 sa barkong USS Missouri sa Tokyo Bay, Japan. Ito ang naging hudyat ng pagtatapos ng ikalawang digmaan sa Asya.
Setyembre 3, 1945, tuluyang sumuko ang puwersa ng Japan na naging hudyat ng pormal na pagwawakas ng pananakop ng Japan sa Pilipinas.
Nang malaman ito ni Pang. Jose P. Laurel, agad niyang pinawalang bisa ang kaniyang pamahalaan.
Epekto ng Pananakop ng Japan sa Wika
Dahil sa kagustuhan ng mga Hapon na mabura ang impluwensiya ng Amerikano sa Pilipinas, ipinagbawal nila ang paggamit ng wikang Ingles. Ipinagbawal din nila ang anumang babasahing gumagamit ng Ingles.
Halimbawa rito ang pagpapalit
ng mga pangalan ng ilang lugar sa Pilipinas sa wikang Nihonggo o sa mga wikang
katutubo ng Pilipinas. Narito ang ilang halimbawa:
- Briton Hill > Nilad
- Broadway Street > Biak-na-Bato
- Chicago Street (Maynila) > Makiling
Naging malaya ang mga Pilipino
na gamitin ang wikang pambansa ganoon din ang mga wikang katutubo sa
pagpahahayag at panitikan.
Panitikan sa Panahon ng Hapon
Maraming mga manunulat na Pilipino ang napilitang magsulat ng Tagalog o sa iba pang wikang katutubo dahil sa pagbabawal ng mga Hapon sa paggamit ng Ingles. Ang mga aklat na gumagamit ng Ingles at tumatalakay sa mga ideyang pangkanluranin ay sinira at sinunog. Pinasara din ang mga pahayagang naglilimbag sa nasabing wika.
Nagkaroon din ng mahigpit na pagsensura (censor) sa mga panitikang nalilimbag sa panahon ng Hapon.
Naging limitado ang mga Pilipino sa pagsulat ng akda na pumapaksa laban sa mga Hapon. Ang mga panitikang nasusulat sa panahong ito ay karaniwang pumapaksa sa kultura, sining, at papuri sa kadakilaan ng mga Hapon.
Sa panahong ito lalong yumabong ang panitikang Pilipino, kaya ang panahon ng Hapon ang tinaguriang “Ginintuang Panahon ng Panitikang Pilipino” lalo na sa maikling kuwento.
Muling Pagbubukas ng mga Pahayagan at Magasin
Pinahintulutan ng mga Hapon ang pagbubukas ng mga pahayagan at magasin na sumasang-ayon at pumapasa sa kanilang sensura.
Isa sa muling nagbukas ang
magasing Liwayway.
- Ito ay isang lingguhang magasin na nagbukas mula pa sa panahon ng Amerikano.
- Pinangisawaan ito ni Kin-Ichi Ishikawa.
- Inililimbag dito ang makabayang kaisipan ng mga makata, kuwentista, at manananaysay.
- Ito ang naging instrumento nina Antonio B.L. Rosales at Clodualdo del Mundo upang iparating sa publiko ang mga kahilingan, alituntunin, o kautusan ng mga Hapones.
Maliban sa Liwayway, nagbukas din ang Taliba, Filipiniana, Shim Siete, Bagong Araw at Sunday Tribune Magazine.
Mga Tulang Lumaganap sa Panahon ng Hapon
Maliban sa karaniwan at tradisyonal na anyo ng tulang Pilipino, narito ang mga tulang lumaganap sa panahon ng hapon:
1. Haiku
- Isang porma ng tula mula sa Hapon.
- Naglalaman lamang ito ng 3 taludtod kung saan ang unang taludtod ay naglalaman ng 5 pantig; ang ikalawang taludtod naman ay 7 pantig; ang ikatlo ay 5 pantig (5-7-5). Sa kabuuan, ang haiku ay naglalaman ng 17 pantig.
- Ito ay walang tugma.
- Ang haiku ay pumapaksa sa kalikasan.
Halimbawa: ‘Tutubi’ ni Gonzales K. Flores sa magasing Liwayway noong 1943.
Tutubi ni Gonzales K.
Flores Hila mo’y tabak… Ang bulaklak
nanginig! Sa paglapit mo. |
2. Tanka
- Isang tula na nagmula rin sa mga Hapon.
- Ito ay naglalaman ng 5 taludtod. Ang dalawang taludtod ay naglalaman ng 5 pantig, at ang tatlo naman nito ay naglalaman ng 7 pantig. Kaya ito ay maaaring maging 5-7-5-7-7 o 7-7-7-5-5. Maaari itong magpalit-palit basta nasusunod ang kaukulang bilang pantig at taludtod.
- Sa kabuuan, ang tanka ay naglalaman ng 31 pantig (2 limang pantig na taludtod; 3 pitong pantig na taludtod).
- Ito ay walang tugma.
- Karaniwan itong pumapaksa sa pagpahihiwatig ng damdamin.
Halimbawa: ‘Katapusan ng Aking Paglalakbay’ ni Oshikochi Mitsune (7-7-7-5-5)
Katapusan ng Aking Paglalakbay ni Oshikochi
Mitsune salin sa
Filipino ni M.O. Jocson Napakalayo pa
nga Wakas ng
paglalakbay Sa ilalim ng
puno Tag-init noon Gulo ang isip. |
3. Tanaga
- Ito ay isang tradisyonal na tula ng mga Pilipino.
- Ginawa ito bilang panapat na bersyon ng haiku at tanka.
- Naglalaman ito ng 4 na
taludtod na ang bawat isa ay mayroong 7 pantig (7-7-7-7).
- Sa tradisyonal na tanaga, ito ay may isahang tugmaan (a-a-a-a).
Halimbawa: ‘Palay’ ni Ildefonso Santos
Palay ni Ildefonso
Santos Palay siyang
matino, Nang humangi’y
yumuko; Ngunit muling
tumayo Nagkabunga ng
ginto. |
Maikling Kuwento sa Panahon ng Hapon
Labis na lumaganap ang pagsulat ng maikling kuwento at dagli sa panahon ng Hapon. Ilan sa mga maikling kuwento na nagkamit ng parangal ay ‘Lupang Tinubuan’ ni Narciso Reyes; ‘Uhaw ang Tigang na Lupa’ ni Liwayway Arceo; ‘Lunsod, Nayon at Dagat-dagatan’ ni N.V.M. Gonzales.
Nailimbag din ang aklat na ’25 Pinakamabuting Maikling Kathang Pilipino ng 1943’ kung saan ang mga maiikling katha ay masusing siniyasat ng lupon ng mga tagasuri.
Dulaan sa Panahon ng Hapon
Ang mga dulang sumikat noong panahon ng Kastila tulad ng sarsuwela at panunuluyan ay itinatanghal na lamang sa mga piyesta. Karaniwang pang-aliw na lamang ang mga dulang tinatanghal sa panahong ito tulad ng komedya.
Mga Aktibong Pangkat sa Dulaan
- Ateneo de Manila Players Guild ni Padre Henry L. Irvin
- UP Mobile Theater ni Wilfredo Ma. Guerrero
- Barangay Theater ni Lamberta Abellana
- Dramatic Philippine ni Francisco Sycip
Ilang mga Manunulat sa Panahon ng Hapon at ang kanilang Akda
- Jose Ma. Hernandez – Panday Pira
- Francisco Rodrigo – Sa Pula, Sa Puti
- Clodualdo del Mundo – Bulaga
- N.V.M. Gonzales – Sino ba kayo?, Dahil sa Anak, Higanti ng Patay, Lunsod, Nayon at Dagat-dagatan
- Narciso Reyes – Tinubuang Lupa
- Liwayway Arceo – Uhaw ang Tigang na Lupa
- Jose Esperanza Cruz – Lumubog ang Bituin
- Gervacio Santiago – Sa Lundo ng Pangarap
Mga Akda sa Wikang Ingles na Lihim na Isinulat
- How my brother Leon brought home a wife ni Manuel A. Arguilla
- The Wound and the Scar ni Arturo B. Rotor
- Like the Molave ni R. Zulueta de Costa
- His Native Soil ni Juan Cabreros Laya
- Literature and Society ni Salvador Lopez
- The Winds of April ni N.V.M. Gonzales
Sanggunian:
- Academ-e. ARALINGPANLIPUNAN06L13: Pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas. YouTube. 18 Nobyembre 2022. https://www.youtube.com/watch?v=08_rNX7rWkQ
- de Leon, Vanessa. Mga Akdang Pampanitikan sa Panahon ng Hapon. PDFCOFFEE. w.p. PDF. https://pdfcoffee.com/mga-akdang-pampanitikan-sa-panahon-ng-hapon-pdf-free.html
- Escarilla, Trizia. Panitikan ng Pilipino sa Panahon ng Hapon. Haiku Deck. 18 Nobyembre 2015. https://www.haikudeck.com/panitikan-ng-pilipino-sa-panahon-ng-hapon-uncategorized-presentation-mOvvL4mrOO#slide9
- Gacson, Alma J., Hervias, Cherry A. Araling Panlipunan – Ikaanim na Baitang: Ikalawang Markahan – Modyul 6: Ang mga Patakaran at Resulta ng Pananakop ng mga Hapones. Kagawaran ng Eudkasyon, 2020. Pdf. https://depedtambayan.net/wp-content/uploads/2021/12/CO_AP6_q2_mod6_angmgapatakaranatresultangpananakopngmgahapones_v2.pdf
- Just Right Design. Panitikan sa Panahon ng Hapones | Gintong Panahon ng Panitikan. YouTube. 21 Oktubre 2021. https://www.youtube.com/watch?v=VrdeWl3RUn4
- Lance Gerard G. Abalos LPT, MA. Panahon ng Hapon. SlideShare. 7 Pebrero 2012. https://www.slideshare.net/lanceabalos/panahon-ng-hapon
- Rivera, Arnel O., Paglaya ng Pilipinas. Slideshare. 15 Hulyo 2010. https://www.slideshare.net/ArnelLPU/paglaya-ng-pilipinas
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.