Ad Code

ORTOGRAPIYANG FILIPINO | Pagpapalitan ng Ponemang /D/ at /R/

 Pagpapalitan ng Ponemang /D/ at /R/

Halina't ating alamin ang mga tuntunin sa pagpapalitan ng ponemang /d/ at /r/.

Isa ang ponemang /d/ at /r/ sa mga ponemang nagpapalitan sa pagbuo o paggamit ng isang salita. Kaya sa araling ito, ating aalamin ang mga tuntunin sa pagpapalit ng /d/ tungo sa /r/.


Mga Tuntunin

1.  Kapag ang /d/ ay napangungunahan ng isang pantig na nagtatapos sa isang patinig, ito ay magiging /r/.

May mga tiyak na pagkatataon na kapag ang /d/ ay sinusundan ng isang pantig na nagtatapos sa patinig ito ay nagiging /r/. Nangyayari ito upang padulasin ang pagsasalita kapag nailalagay ang /d/ sa gitna ng isang salita.

Halimbawa:

  • na- + doon = naroon
  • ma- + dapat = marapat
  • ma- + dami = marami

2. Hindi sa lahat ng pagkatataon maaaring palitan ng /r/ ang /d/.

Mahalagang isaisip na hindi sa lahat ng pagkatataon ay maaari natin gawing /r/ ang /d/. Narito ang mga dapat nating isaalang-alang:

a. Hindi dapat palitan ng /r/ ang /d/ kung ito ay nasa simula ng salita.

Higit na madulas sa dila ang paggamit /d/ sa mga salita. Marapat na panatilihin ang /d/ sa isang salita kung ito ay matatagpuan sa unahan kahit na ang sinusundang salita ay nagtatapos sa patinig.

Halimbawa:

  • siya + dapat = siya dapat
  • nahuli + dumating = nahuli dumating
  • pumunta + dito = pumunta dito

b. Hindi dapat palitan ng /r/ ang /d/ kung hindi na ito naiintindihan pa ng kausap.

Hindi lahat ng /d/ ay dapat palitan ng /r/ kung ito ay nasa gitna ng salita. Mahalagang itanong sa sarili kung ito ay maiintindihan pa ba ng kausap kapag pinalitan ng /r/ ang /d/ sa salita.

Halimbawa:

  • ma- + dulas = madulas sa halip na marulas
  • pa- + dalos-dalos = padalos-dalos sa halip na paralos-dalos
  • na- + dakot = nadakot sa halip na narakot

c. Limitahan ang pagpapalitan ng /d/ at /r/ kung ang salita ay nagbabago ng kahulugan.

May mga pagkatataong naiiba ang dalang kahulugan ng isang salita kapag magpapalitan ang /d/ at /r/.

Halimbawa:

  • madamdamin = puno ng damdamin
  • maramdamin = taong mabilis magdamdam
  • madikit = mahirap paghiwalayin
  • marikit = maganda

3. Magiging /r/ ang /d/ kung ito ay nasa dulo ng salita at lalagyan ng hulapi.

Kapag ang salita ay nagtatapos /d/ at ito ay lalapian ng ‘-an’ at ‘-in’, ang /d/ ay magiging /r/.

Halimbawa:

  • lapad + -an = laparan
  • tupad + -in = tuparin
  • sisid + -in = sisirin
  • palipad + -an = paliparan


Ang Kaso ng Pang-abay na Din/Rin at Daw/Raw

Higit na makikita ang pagpapalitan ng /d/ at /r/ sa mga pang-abay na din/rin at daw/raw. Sa lumang Balarila, narito ang mga tuntuning inilahad:

a. /D/ ang gagamitin kung ang salitang sinusundan ay nagtatapos katinig; /r/ naman kung ito ay nagtatapos patinig.

Halimbawa:

  • kumain din
  • naglaba rin
  • bukas daw
  • mamaya raw

b. /D/ ang gagamitin kung ang salitang sinusundan ay nagtatapos sa malapatinig na ‘-ri’, ‘-ra’, ‘-raw’, o ‘-ray’.

Halimbawa:

  • basura daw
  • maaraw din

Sa makabagong ortograpiya, mahigpit na ipinahayag na hindi dapat ito ituring na tuntunin sa pagsulat. Sa madaling salita, hindi pagkamamali sa pagsulat kung gagamit ka ng din at daw kahit na ang sinusundang salita ay nagtatapos sa patinig o sa mga malapatinig.

Ibig sabihin:

  • Tama ang ‘naglaba rin’ at tama din ang ‘naglaba din’.
  • Tama ang ‘maaraw daw’ at tama din ang ‘maaraw raw’.

 

 

Sanggunian:

  • Alcaraz, Cid V, Jocson Magdalena O., at Villafuerte, Patrocinio V. Filipino 1: Komunikasyon sa Akademikong Filipino. Lungsod Quezon: Lorimar Publshing Co., Inc., 2005.
  • Almario, Virgilio S., ed, Manwal sa Masinop na Pagsulat. Quezon City: Komisyon ng Wikang Filipino, 2014. e-book

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento