Mga Teorya sa Pagkatuto ng Wika
Isang malaking palaisipan kung paano nga ba natututuhan ng tao ang wika. Maraming mga eksperto sa wika at sikolohista ang sumubok na ipaliwanag at sagutin ang palaisipang ito. Ito ang nagbuhat kung bakit nagkaroon ng iba’t ibang teorya tungkol sa pagkatuto ng wika.
Mga Teorya
1. Teoryang Behaviorist (B.F. Skinner)
Ayon sa teoryang ito, natututuhan ng isang bata ang wika sa
pamamagitan ng panggagaya, paulit-ulit na paggawa, at pagbibigay ng gantimpala.
Kapag ang sanggol ay binibigyan ng papuri o apeksyon ng mga taong nakapaligid
sa kaniya sa tuwing siya ay manggagaya ng tunog o salita mula sa nakatatanda,
paulit-ulit niya itong gagawin. Ang patuloy niyang paggaya ay nakatutulong
upang madebelop ang pagsasalita ng isang sanggol.
Mga Limitasyon
- Ang mga alituntunin sa wika ay hindi maaaring matutuhan ng bata sa simpleng panggagaya lamang.
- Lahat ng bata ay sumasailalim sa magkaparehong yugto ng pagkatuto ng wika na hindi maaapektuhan o mababago ng mga panlabas na salik (paraan ng pakitutungo sa bata o ng kapaligiran ng bata) maliban na lamang sa mga batang nakaranas ng mga espesyal o matinding kaso (halimbawa ay mga di-makataong pagtrato sa bata na nakaapekto sa kaniyang mentalidad).
- Hindi kayang gayahin ng bata kung ano ang sinasabi ng nakatatanda sapagkat nagtataglay ito ng mga estruktura na hindi pa naiintindihan o nalalaman ng bata.
2. Teoryang Innateness (Noam Chomsky)
Batay sa teoryang ito, likas sa isang tao ang matuto ng wika. Ang utak na tao ay may likas na mekanismo (Language Acquisition Device) para sa pagkatuto ng wika. Likas na nagpoproseso ang isip ng isang paslit upang alamin at aralin ang mga salitang naririnig niya mula sa ibang tao. Sinusuri din ng kaniyang utak ang estruktura ng mga salita. Pinag-aaralan ng kaniyang utak ang paraan o pattern mula sa kaniyang naririnig na kaniyang iaaplay sa sariling pagsasalita.
Ito ang dahilan kung bakit natural sa isang bata ang magkaroon ng
maling balarila o pagbubuo ng salita.
Limitasyon
- Kilala si Noam Chomsky sa larangan ng pag-aaral ng wika ngunit hindi sa pag-aaral ng mga bata.
- Hindi sapat na nailalantad lamang ang isang bata sa wika upang matuto. Halimbawa rito ang isang kaso ng batang may mga magulang na hindi makapagsalita. Sa pamamagitan ng telebisyon at radyo, nailalantad ang bata sa wika ngunit hindi pa rin siya nakapagsasalita. Unti-unti lamang siya nakapagsalita sa tulong ng isang speech therapist. Ang kasong ito ay nagpatutunay na mahalaga ang interaksyon sa bata upang matuto at magamit ang wika.
- Hindi rin nabibigyan-pansin ng teoryang ito ang mga dahilan kung bakit nais makipag-ugnayan ng isang paslit sa iba.
3. Teoryang Cognitive (Jean Piaget)
Ayon sa teoryang ito, ang pagkatuto ng wika ay kasabay sa pagdebelop o pag-unlad ng intelektwal o pag-iisip ng isang bata. Hindi niya magagamit ang isang salita kung hindi niya ito naiintindihan. Mahalagang maintindihan muna ng isang bata ang konsepto ng isang salita bago niya ito magamit.
Binigay na halimbawa ni Piaget ang mga sukat. Hindi maiintindihan ng
bata kung ano ang maliit, malaki, at pinakamalaki hangga’t hindi niya matutuhan
ang ibig sabihin o konsepto nito.
Limitasyon
- Habang lumalaki ang bata ay lalong mas hindi nagiging malinaw ang ugnayan ng wika at ng kaniyang intelek.
- May mga kasong kahit na may suliranin o abnormalidad sa pagdebelop ng mental ng isang bata ay may kakayahan pa rin siyang gamitin ito nang mahusay.
- Ang pagkatuto ng isang bata sa wastong pagbuo ng pangungusap ay hindi nakasandig lamang sa natural na pag-unlad ng kaniyang intelektwal.
4. Teoryang Interaction (Jerome Bruner)
Binigyan-diin ng teoryang ito ang kahalagahan ng interaksyon sa pagitan ng tagapag-alaga o magulang at ng paslit sa pagkatuto ng wika. Nabuo ang wika para sa komunikasyon, kaya matututuhan ng tao ang wika kung gagamitin ito sa pakikipag-ugnayan sa iba.
Ayon dito, ang pakipag-uusap ng mga tao sa paslit ay nagsisilbing
suporta ng bata upang matuto ng wika. Ang espesyal na paraan ng pakipag-uusap
sa bata ay tinatawag na children-directed speech (CDS).
Tinatawag na scaffolding ang suportang ito. Kung paano makipag-usap ang
tagapag-alaga o magulang ay ganoon din ang matutuhan ng bata.
Limitasyon
Ang ilan sa mga magulang o tao ay hindi gumagamit ng espesyal na
pamamaraan sa pakipag-uusap sa mga bata. Dahilan upang tingnan ng ilan ang CDS
bilang isang paraan na nakatutulong lamang ngunit hindi kailangan sa pagkatuto
ng mga paslit ng wika.
Sanggunian:
- Austero, Cecilia S., Mateo, Emilia C., Suguran, Tessie S., et al., Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik. Manila: Rajah Publishing House. 2013
- “Theories of Language Acquisition”. Montsaye Academy. Kinuha: Oktubre 1, 2023. https://www.montsaye.northants.sch.uk/assets/Uploads/English-Language-Summer-Work-2.pdf
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.