Semantika at Pragmatik
Ang semantika at pragmatik ay dalawang komponent na mahalaga sa estruktura ng isang wika. Ang pag-alam sa dalawang larangang ito ay makatutulong upang higit na maunawaan ng isang tao ang kahulugan ng mga salitang nakapaloob sa kaniyang wika.
Sa araling ito, ating
tatalakayin ang pinagkapareho at pinagkaiba ng semantika at pragmatik sa
larangan ng lingguwistiko.
Pinagkapareho ng Semantika at Pragmatik
Ang semantika at pragmatik
ay dalawang sangay ng lingguwistiko na nakapokus sa pag-aaral ng kahulugan ng
mga salita sa loob ng wika.
Pinagkaiba ng Semantika at Pragmatik
Bagaman parehong nakapokus sa
kahulugan ng mga salita ang semantika at pragmatik, nagkaiiba ang mga ito sa
kung paano nito binibigyan-kahulugan ang mga salita.
Semantika
Ang semantika ay pag-aaral ng mga salita at ng kahulugan nito sa isang wika. Nabibigyan-kahulugan ang isang salita batay sa kahulugan nito bilang isang salita, at sa relasyon nito sa iba pang salita sa pangungusap. Nakapokus ang sangay na ito sa pagsusuri ng kahulugan ng salita sa loob ng pangungsap.
Halimbawa, ang salitang ‘buwaya’ kung saan ay may dalawang maaaring ipakahulugan dito. Una, maaari itong tumukoy sa isang mabangis na hayop; ikalawa, maaari itong tumukoy sa ugaling gahaman ng isang tao. Sa larangan ng semantika, upang matukoy ang kahulugan ng ‘buwaya’ sa isang pangungusap, kailangang suriin ang relasyon nito sa iba pang salita sa pangungusap.
Pag-aralan ang dalawang
pangungusap na gumagamit ng salitang ‘buwaya’:
- Andong ang pangalan ng buwaya sa zoo.
- Andong ang pangalan ng buwaya sa hapagkainan.
Sa unang pangungusap, kung susuriin ang relasyon ng ‘buwaya’ sa iba pang salita, mahihinuhang ang kahulugan ng ‘buwaya’ dito ay tumutukoy sa mabangis na hayop. Sa ikalawang pangungusap, kung susuriin din ang relasyon nito sa iba pang mga salita, malalamang tumutukoy ang ‘buwaya’ sa ugaling gahaman ng isang tao.
Tingnan pa ang ilang
halimbawa:
- Huwag nating hayaang patayin ng problema ang apoy sa ating dibdib. (pag-asa)
- Huwag mong hayaang mamatay ang apoy sa lutuan. (mainit na bagay na ginagamit sa pagluluto)
- Isulat sa hangin mo na lamang ang utang niya dahil tiyak na hindi niya ito babayaran. (kalimutan ang utang)
- Isulat sa hangin ang iyong pangalan. (literal na isulat sa hangin ang pangalan)
Sa semantika, maaaring magkaroon ng literal na kahulugan (denotasyon) at idyomatikong kahulugan (konotasyon) ang isang salita depende sa kung paano ito ginamit sa pangungusap.
Halimbawa:
- puso – organ na tumitibok (literal) ; pag-ibig (idyomatiko)
- aklat – lunsaran ng mga impormasyon (literal) ; tagumpay (idyomatiko)
2 Kategorya ng Semantika
Nahahati ang semantika sa
dalawang kategorya:
- Leksikal na Semantika – pagsusuri sa mismong kahulugan ng isang indibidwal na salita
- Komposisyonal na Semantika – pagsusuri sa pagsasama ng mga salita upang makabuo ng kahulugan ng isang pangungusap, talata, o diskurso.
Pragmatik
Samantala, ang pragmatik ay pagbibigay-kahulugan sa mga salita batay sa konteksto ng komunikasyon. Dito ay sinusuri ang kahulugan ng salita depende sa kung paano ito ginamit sa sosyal na konteksto. Maaaring ito ay bumatay sa sitwasyon ng pag-uusap o kaya sa mga kalahok ng komunikasyon.
Halimbawa, ang pagalit na pagtatanong ng isang employer ng ‘anong oras na?’ sa huling-dating na empleyado. Kung susuriin nang pansemantika ang tanong, literal na tinatanong ng employer ang oras sa kaniyang empleyado. Ngunit, kung bibigyang pansin ang konteksto ng pag-uusap, mahihinuhang nais bigyan-diin ng employer ang pagiging huli ng kaniyang empleyado.
Isa pang halimbawa; tinatanong
ni Jojo sa kaniyang nobya kung may problema siya. Sumagot ang nobya niya na
‘wala’ ngunit may pagtataas ng tono. Kung pag-aaralan ang konteksto ng kanilang
pag-uusap, malalamang may galit ang nobya ni Jojo.
Halimbawa ng Semantika vs Pragmatik
Pag-aralan ang mga sumusunod
na sitwasyon sa ibaba at tingnan kung paano sumagot o magpidbak ang kausap
gamit ang semantika at pragmatik na pagpakakahulugan.
1. Tumawag ang isang kustomer
sa isang restawrant at nagtanong: may available pa bang table?
- semantika: Sasagot ng ‘mayroon pa po’ ang tauhan ng restawrant sabay baba ng telepono.
- pragmatik: Malalaman ng tauhan na gustong magpareserba ng kustomer at kaniya itong aasikasuhin.
2. Sinabihan ng isang guro ang
kaniyang maingay na klase na ‘sige, mag-ingay lang kayo.’
- semantika: Lalong mag-iingay ang buong klase dahil inutos ng guro.
- pragmatik: Nais patahimikin ng guro ang maingay na klase.
3. Inabutan ng bente ng binata
ang kaibigan. Sumagot ang kaibigan: ‘bente?’
- semantika: Gustong siguraduhin ng kaibigan kung bente nga ang inabot sa kaniya.
- pragmatika: Nakukulangan ang kaibigan sa bente at gusto niyang dagdagan pa ito ng lalaki.
4. Nag-chat ng ‘hello’ sa
dalaga ang isang estrangherong lalaki.
- semantika: Bumabati lamang ng ‘hello’ ang lalaki sa dalaga.
- pragmatik: Gustong makipagkilala ng lalaki dahil interesado siya sa dalaga.
Sanggunian:
- “Semantics vs Pragmatics”. StudySmarter. https://www.studysmarter.co.uk/explanations/english/pragmatics/semantics-vs-pragmatics/
- Upen. “Difference Between Semantics and Pragmatics”. Pediaa. 28 Agosto 2018. https://pediaa.com/difference-between-semantics-and-pragmatics/
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.