Ad Code

MAIKLING KUWENTO | Mga Aso sa Lagarian ni Dominador Mirasol

 Mga Aso sa Lagarian
ni Dominador Mirasol

 

Halina't ating basahin ang kuwentong 'Mga Aso sa Lagarian' ni Dominador Mirasol.

 

Tila dambuhalang ataol ang bahay-lagarian na nasasabuyan ng makinang at manila-nilaw na liwanag. Naitaboy ang gabi ng liwanag ng pampang ng ilog sa di-kalayuan na siyang lagusan ng karumihn sa siyudad. Umaalingasaw ang ilog na inaanod ng bulok na basura at sumisingaw sa mapaklang alimuom ang makusot na lupa sa buong kamalig ng lagarian.

Sumaklaw sa paningin at pandma ni Ricardo ang lahat ng iyon nang siya ay pumasok sa kamalig. Ngayon, lumalakad na patumbok sa bahay-lagarian, natataw niya sa kanyang daraanan ang tatlong matatabang aso ng kontratista na nangagsisipaglagarian. Umaalimbukay na tila maruming ulap ang balu-balumbong alikabok na lumulutang sa dinaraanan ng mga ito.

Kasintaba ang mga asong iyon ng may alagang kontratista. Darating ang mga iyon mamaya sa bahay-lagarian at mag-aabang ng tira o ihahagis na pagkain ng mga trabahador. Matataba na ay masisiba pa rin ang tatlong aso ng kontratista.

Patay pa ang makinarya sa bahay-lagarian. Dinatnan niya roon, tahimik na nakapaningkayad si Moises sa lapag ng karo, nakatanaw sa dakong yarda. Sa harap ng kamadahan, nakasalampak si Karyas; nakatayo sa likuran nito ang pandak at maskuladong si Minyong.

Sumampa siya sa karo. Tumingin sa kaniya si Moises saka walang imik na muling tumanaw sa dakong yarda.

“Mukang masama ang lagay ng Tata Ando mo, Kardo,” sabi ni Moises. “Pauwiin mo na.”

Hindi siya umimik. Natanaw niya, nakalupasay sa isang nabubulok na tabla ang kanyang Tata Ando sa dulo ng kahabaan ng trolyete sa yarda. Nangakaunat ang yayat nang mga binti nito, nakapanukod ang kaliwang kamay sa lapag at itinakip sa bibig ang kanang palad.

“Pauwiin mo na ang Tata Ando mo, Kardo,” ulit ni Moises.

Sa tingin niya, masama ang lagay ngayon ng Tata Ando niya. Naipasya niyang kausapin ito at pauwiin na. At bumaba siya sa karo at lumakad patungo sa kinaroroonan ng amain.

“Tata Ando,” tawag niya nang siya ay malapit na. Tumingala sa kaniya ang Tata Ando niya. Namalas niya, nas mga mata pa rin nito ang datihang kislap ng pag-asam ng isang pangarap. Iisa ang dahilan niyon, alm niya: Ang pag-aral ng anak nitong si Genio. Ang pag-aasam na iyon ay waring nag-iisang hiblang nag-uugnay ng tatag sa katauhan nito. A, kay daling gunawin niyon:

“Huwag na muna kaya kayong magtrabaho ngayon, Tata Ando,” pamungkahi na pagsasalita niya, “Baka…”

“Walang masamang mangyayari sa akin, Ricardo,” sabi karaka ng Tata Ando niya.

“Tata Ando…” Iyon na lamang ang nabigkas niya.

Saglit ding hindi nagsalita ang Tata Ando niya. “Magmamatrikula si Eugenio sa susunod na Linggo,” sabi nito pagkaraan. “Saan siya kukuha ng pambayad kung sakali?”

Tahimik siya.

“Wala akong bagay na hindi magagawa, Ricardo,” at tumanaw na wari ay malayung-malayommmng dako ang matandang lalaki. “Hindi ito lamang ang hirap na mapagtitiisan ko, bilang amang walang maipamamanang kwarta sa anak. Tungkulin kong kahit papaano’y maihanda ang kinabukasan niya. Sa katuparang iyon maaari kong maramdaman ang tunay na kahulugan na aking pagkaama. Gagawin ko ang lahat… kahit mangahulugan iyon ng aking kamatayan.”

“Alam kong hindi mo ako mauunawaan ngayon, Ricardo,” patuloy ni Tata Ando. “Pero pagdating ng araw sa sarili mong panahon, gaya ng sa akin, maiintindihan mo rin ako.” Habag na habag siya sa amain.

Kargador at kamador sa kompanya ang lagariang iyon si Tata Ando. Ito ay mag-aanimnapung taong gulang, payat at hukot na, ngunit patuloy pa rin ang mga paa nitong walang sapin sa pagtahak sa daanan ng kamalig na umaasu-aso sa init ng alikabok sa panahon ng mga ulan patungo sa nakaparadang mga trak-kargahan na wari ay hindi alumana ng bigat ng makakapal na tablang iniaatang sa sunog sa araw at kumapal at naglipak nitong mga balikat.

Natatandaan pa ni Ricardo, kamakalawa ng tanghali ay lumapit dito ang kontratistang si Mr. Lim-Pak.

“Huwag na ikaw masok, Ando” hubad sa anumang damdamin ng tinig ng kontratista.

Magkausap sila ng Tata Ando noon at masaya ito sapagkat ayon dito ay matataas ang nakuhang marka ni Genio sa eksamen… ngunit sa sinabing iyon ng kontratista, naagnas ang sigla’t saya’y kislap ng mga mata nito. Matagal na sandal ring napatingala ito sa mukha ng kontratista, parang tulala. Maliit at payat at hukot at inuubo-ubo na, sa harap ng mataba at mataas na si Mister Lim-Pak, para itong asong sakitin na sinukol ng isang malaki at matabang aso.

“Ba’t ho?” sambit na halos ang tanong nito. “Me nagawa ho ba akong kasalanan? Nagkamali ho ba ako sa pagkakamada?”

Umiling-iling si Lim-Pak. “Pelo, ika’y matanda,” sabi nito. “Masyado payat na.”

“Kailangan ko ho ang aking trabaho,” sabi ni Tata Ando. “Nag-aaral ho ang aking anak.”

“Pelo ikaw hini pwede na.”

“Malakas pa ho’ng katawan ko,” giit ng Tata Ando niya. “Kahit isang taon pa’y kaya ko pang magtrabaho. At… wala kayong dapat sagutin… me mangyari man sa akin.”

Hindi umimik si Mister Lim-Pak.

“Parang wa n’yo na.”

Saglit waring nag-iisip ang kontratista. “Pelo, ikaw ngusto talamaho sa gami, Ando?” tanong nito pagkailang sandali.

“Maski na ho, kahit na sa gabi.”

“Ako ngawa sa i-yo sa gami talamaho pala hini kita sa inspektol.”

“Salamat ho, Mr. Lim.”

“Sige, ikaw masyalo musipak tao ka.”

Dinalahit ng ubo ang Tata Ando niya nang makalayo na ang kontratista at dumahak ng buhay na dugo sa lupa.

“May tisis na kayo!” Napabulalas niya.

“Walang anuman ito, Ricardo, gagalin din ako.”

“Delikdo’ng sakit iyan, Tata Ando. Huwag na muna kayong magtrabaho.”

“Haaa!” singhal nito. “Huwag kang makialam, Ricardo. Malakas pa ako sa kabayo, kaya ko pang katawan ko.”

Sumampang muli si Ricardo sa karo.

Malayu-layo sa bahay-lagarian, nagsimula ng umusad ang derik. Bumubugsu-bugsong paitaas sa hangin at liwanag ang maitim na usok, na galing sa tsimniya niyon. Umaatungal, ang dambuhalang makinarya ay papunta sa harap ng gabundok na talaksan ng mga troso. Nakatayo sa tuktok ng talaksan ang maitim at batibot na ingansador, nakahubad-baro ito kahit gabi at sa saboy ng liwanag ng malalaking bombilya sa mga poste sa paligid, para itong alipin-sirkerong magpapamalas ng nakahihindik na kakayahan sa harap ng kamatayan.

Sa bahay-lagarian, nangakamata ang ilang trabahador sa umuusad, umaatungal na dambuhalang makinarya, malayo pa rin iyon sa gabundok na talaksan ng mga troso. Umuusad, umaatungal ang derik, at ang mg trabahor ay hindi mapakali.

“Lintik na ‘yan, kabagal,” maya-maya ay biglang hiyaw ni Moises. “Daig pa’ng lakad-buntis.”

Tahimik si Ricardo, tumawa si Karias at si Minyong. Nakatayo ngayon si Karias. Mabuway ang katawan sa pagkakatayo. Halos hanggang dibdib lamang ang pandak at maskuladong si Minyong. Mumunting hiwa lamang wari ang mga mata nito sa halos magsara nang makakapal na talukap. Bahagyang nakatikwas ang ulo nito, nakapatingala.

“Dapat sana’y kanina pang alas 7:30 me nakaparadang mga troso sa kamadahan,” sabi ni Minyong.

“Kelangan sa mga iyon ang konting langis,” sabad ni Karias.

“Humingi ng kaparti sa pakyaw ‘yong opereytor ng derik at ‘yang ingansador,” simula ni Minyong sa himig ng paliwanag. “Kako’y para naman bumuti-buti ang serbisyo sa ‘tin ng mga iyan e pumayag tayo sa gusto nila. Me lagay sa mga ‘yan ang kabilang pangkat ng trabahador. Tingnan niyo sila, di naatraso. Kaya naman, linggu-linggo’y mas malaking kinikita nila kaysa atin. Konting langis nga ang kelangan sa mga iyan, sabi nga nitong si Karias.”

“Tama, yon,” patianod ni Karias.

Bumaling si Minyong kina Ricardo at Moises. “O, di ba mabuti ‘yon Kardo, Moises?” nag-aalanganing tanong nito.

Dumahak si Moises, “Yan ang hirap sa trabaho natin e,” pa-singhal na sabi nito. “Kayraming pinakikisamahan. Makikisama ka sa may-ari, kontratista, at makikisama pa rin sa mga buwayang iyan, masyado no!”

“Talagang ganyan ngayon,” sabi ni Minyong.

“Tama ‘yon,” patiyanod ni Karias.

Sumabad si Ricardo, “Malaki pang kinikita sa atin ng mga iyan. Buwanan pa sila… Tayo’y pakyaw.”

Tumahimik sina Minyon at Karias.

“Mga ganyang tao ang di dapat pakisamahan,” mainit na sabi ni Moises. “Suwitik nang kontratista’t may-ari, gusto pa rin tayong suwitikin ng mga iyan.”

Napaoy si Karias, “Me makarinig sa ‘yo, Moises,” sabi nito. “Mahirap na, baka madamay pa ‘ko. Kayo na lang ang umalma.”

“Kung puro duwag na gaya ninyong dalawa ang mga kasama natin e, habang panahon tayong lolokohin ng mga iyan,” patuyang sabi ni Moises.

“Umalma nga kayong dalawa ni Kardo, pero tingnan mo namang ang nangyari sa atin,” saumbat ni Minyong. “Ginwa tayong pirmeng panggabi dahil sa di n’yo pagpirma sa pinapapirmahan ni Mr. Lim. Angal kayo nang angal, kaya lahat tayo’y naloloko.”

“Pumirma na ‘ko r’on,” sabi ni Karias.

“Itinimbre mo iyang dalawa mong hinlalaki, oy,” pagtutuwid ni Minyong.

“Karapatan nating lahat ang inilalaban naman ni Moises,” pamaya-maya ay simula ni Ricardo. “Kung pipirma tayong lahat doon sa pinapapipirmahang iyon ay lalong mamimihasa iyong kontratista. Labis na ang panghuhuthot sa atin. Tingnan ninyo, sa halos lahat ng kompanya na napagtanungan ko, dos y media lang ang kabuuang halaga suguro sa gobyerno ang dapat na ibayad ng bawat isang trabahador, tres y media ang dapat ibayad ng may-ari o kontratista.

Sumabad si Moises. “Kung pipirma tayong lahat doon sa pinapipirmahan sa atin ni Mr. Lim, nangangahulugang napakagago nating lahat ‘pagkat pumayag tauong malibre sila sa dapat nilang bayaran. Aba, hindi tayo puro bituka’t sikmura lang! Ipakilala naman natin s kanilang me ilang utak sa atin.”

“Mahirap itong trabahong panggabi,” sabi uli ni Ricardo. “Mauubusan tayo nito ng dugo. Kung magkakaisa tayo, matutulungan nating pare-pareho ang ating sarili. Hindi iyang watak-watak tayo, kanya-kanya. Tayu-tayo na rin ang nagpapatayan.”

Suminghal si Minyong. “Yan ang hirap sa mga kasamang nakayapak ng konti sa esk’wela, akala mo kung gano na’ng nalalaman.”

“Basagan na lamang ng bungo, gusto ‘ata ninyo,” pagalit na sabi ni Karias. Tumiim ang bagang ni Moises, hindi umiimik si Ricardo.

“Putris, Karias, galit ka na,” pabirong sabi ni Minyong.

“Ang hirap dito kina Kardo’t Moises, angal nang angal, paro ako’y napeperwisyo ke Angge ko,” parang batang sabi nito. “Kung puro panggabi tayo… baka layasan n’ya ‘ko.”

“Buti nga kamo’t di ka matitibi niyan,” nakatawang sabi ni Minyong. “Masyado ka sa k’wan.”

“Alas a dugo kong me tibi,” sabi ni Karias. “Sa dugo ni Tandang Ando, meron.”

Tumawa si Minyong, tumanaw sa dakong dulo ng yarda. Natanaw nito, nakalupasay pa rin sa lapag sa dulo ng kahabaan ng rolyete sa yarda ang Tata Ando ni Ricardo.

“’Langya dun namang damata ‘yan ‘no, masyadong masipag magpakamatay,” sabi ni Karias.

Sagad-tainga ang ngisi ni Minyong. “Karyas,” nambubuska ang tinig nito. “Kung ganyan ka nang katanda’t kapayat tulad ni Tandang Ando, anong gagawin mo?”

Tumatawa-tawa sandal si Karias. “’No pa, di kumuwan kay Angge at tumoma.”

Sinabi ni Ricardo kina Minyong at Karias na kaya nagkakaganoon ang Tata Ando niya’y dahil sa me anak itong pinag-aaral.

“Para ano?”

Tumahimik na si Ricardo, hindi na rin umimik si Moises.

“Karias, bigyan mo’ng tsokaran natin,” utos ni Minyong.

Hinagisan ni Karias ng isang pirasong karne ang matatabang aso sa sang-iglap, pagsayad sa lupa ng karne, sinakmal iyon ng isa sa mga aso, saka kumaripas ng takbo, palayo sa dalawa pang aso. Umangil-angil ang dalawa pang naiwan.

“Hagisan mo pa ng tig-iisa ‘yang dalawa, Karias.”

Dalawa pang piraso karne ang inihagis ni Karias. Tig-isang sinakmal ang mga ito ang pirasong karne, saka lumayo.

“Putris, ang tatakaw sa karneng ‘yon ang mga aso,” sabi ni Minyong.

Pamaya-maya’y muling nagbalik ang mga aso.

“Sori na lang,” sabi ni Minyong. “Ubos na, e.”

“Ang sisiba pala ng mga asong ‘yan sa karneng ‘yon.”

Tapos nang kumain sina Ricardo at Moises; ngayon ay nakatanaw siya sa dakong yarda, Natatanaw na naman niya, halos gulapay na ang nakapahukot na katawan ng kanyang Tata Ando sa kanyang pagkakaupo sa mabubulok na tabla sa makusot na lupa. Ngayon, may pangamba na siyang nadarama sa nasasaksihang iyon.

Inaaasahan na ni Ricardo ang maaaring mangyari sa kanyang Tata Ando nang gabing iyon, ngunit hindi kasinlagim ng naganap.

Hindi siya nakatingin sa dakong dulo ng kahabaan ng rolyete sa yarda. Nakatayo lamang siya sa lumalakad sa riles ng troso. Nakasapol ang mga palad niya sa tilang sableng pulgadera. Nakatuon ang paningin niya sa trosong unti-unti natitistis sa mabilis na umiikot na lagari sa bolante. Halos naroong lahat ang kamalayan niya.

“Kardo, ang Tata Ando mo! Ang Tata Ando mo!”

Nangibabaw sa angil at hugungan ng makinarya sa bahay-lagarian ang sigaw na iyon at napabaling siya sa katabing si Moises. Nakanganga at namumutla, nakamata ito sa dakong dulo na kahabaan ng mga rolyete sa yarda; at siya napatingin din doon at nag-umantak sa kanyang utak ang isang kahambal-hambal na tanawin; nakabulagta ang kanyang Tata Ando sa makusot na lupa sa dulo ng kahabaan ng rolyete!

Sa isang iglap halos, namanhid ang lahat niyang pakiramdam. Hindi na niya namalayan ang paghinto ng angilan at hugungan ng makinarya, ang lagapak ng natitistis na tabla sa rolyete, ang pagbabalik karo sa harap ng kamadahan at ang hiyawan ng mga manggagawa. Malabung-malabo ng kanyang kamalayan, malabung-malabo.

Naramdaman niyang may umakbay sa kanya. At, narinig niyang tinatawag ang kaniyang pangalan—“Kardo, Kardo.” At namalayan niya, liban sa payat na tagapaglagaring umakbay sa kaniya, siya ay nag-iisa lamang sa karo. At, natanawan niyang may kumakaway sa kany, tinatawag siy at nagblik ang ganap niyang kamalayan at siya ay nakaunawa s naganap. At siya ay lumundag sa sahog ng kamadahan mula sa karo, patakbong namaybay sa pagitan ng makinang panghati at kahabaan ng rolyete. Lumagpas sa makinang pamutol-hanggang sa dumating siya sa dulo ng kahabaan ng rolyete, malapit sa kinabulagtaan ni Tata Ando n’ya.

“Tata Ando, Tata Ando!” Humihiyaw ang kanyang damdamin.

Pumako sa kanyang utak, nakabulagta ang Tata Ando niya sa makusot na lupa. Nangingisay na parang asong pinalo sa ulo ng mga lasenggo isang gabi ng pag-iinuman sa kanilang looban. Nakasungalngal ang bibig sa kusutan at kumakayat ang laway na may halong sariwang dugo na matingkad na pula sa tama ng liwanag ng mga bombilya. Nakapatong pa sa katawan nito ang dalawang pirasong dos-por-otso-por-beinte piyeng tabla.

Parang hindi niya naririnig ang sinasbi ng isang trabahador, “Akala ko’y kaya pa niyang mga tablang iyan. Dati’y bale wala sa kanyang ang dalawang pirasong iyn. Siguro’y dahil sa inubo siya. Yon sigurong s’yang…” Pinangko niya ng gulapay na katawang iyon at isinugod sa isang trak-kargahang nakaparada sa di kalayuan sa kamalig.

“Sa ospital!” utos niya sa tsuper. “Bilisan mo!”

Humaharurot ang siks-bay-siks na malikabok at makusot na lupa ng kamalig ng lagarian. Nagtutumulin wari sa paglayo sa dambuhalang ataul na kabuuan ng bahay-lagarian. Nararamdaman niya, pamaya-maya, napalungayngay na ang ulo ng Tata Ando niya sa kanyang kandungan. Pilit, iniangat niya ang ulo nito at sinapo iyon. Itinunghay niya ang mukha nito sa kanya. At, siya ay sinaklot ng habag na sa namalas na anyo ng amain—maputlang-maputla at humpak ang mukha nito sa saboy ng maputlang liwanag. Siya ay habag na habag.

“Ku-kung sa-sakaling ma-magta-gal aa-ko sa o-ospital…” pagal na pagal na wari ang tinig ng Tata Ando niya. “T-Tulungan—m-mo a-ang i-i-yong pinsan—T-Tu-tu-lungan m-mo siya… si Ge-Genio…”

Siya ay saklut-saklot ng habag at siya ay napatango na lamang.

Sa sangsaglit, habang humaharurot ang siks-bay-siks sa kalsada ng siyudad na may malabong liwanag, naramdaman ni Ricardo, bumigat sa kanyang kandungan ang gulapay na katawan ng kanyang Tata Ando at nawarian niya ang maitim na aninong lumambong sa katauhan nito, at siya ay napabulalas, “Tata Ando! Tata Ando! Tata Ando!”

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento