Ad Code

ESTRUKTURANG FILIPINO | Denotasyon at Konotasyon

Denotasyon at Konotasyon

Ating alamin ang ibig sabihin ng denotasyon at konotasyon sa estrukturang Pilipino.


Sa nakaraang aralin ay nalaman natin ang dalawang komponent ng estruktura ng wika na may kinalaman sa pagbibigay-kahulugan – ang semantika at pragmatik. Ang dalawang komponent na ito ay nagpatutunay na ang wika ay dinamiko at malikhain.

Sa araling ito, atin namang tutuklasin ang dalawang paraan ng pagbibigay-kahulugan sa isang salita.

 

Denotasyon at Konotasyon

Ang denotasyon at konotasyon ay kapuwang pansemantikang pagbibigay-kahulugan sa isang salita sa berbal na komunikasyon. Sa paraang ito, higit na pinagbabatayan ang indibidwal na kahulugan ng salita at kung ano ang relasyon nito sa iba pang salita sa isang diskurso.

 

Denotasyon

Ang denotasyon na pagpakahuhulugan ay tinatawag ding diksyunaryong kahulugan. Literal ang paraan ng pagpakakahulugan sa isang salita na karaniwa’y hango o makikita sa diksyunaryo.

Halimbawa:

  • puso – isang organ na tumitibok.
  • aklat – isang lunsaran ng mga kaalaman.
  • buwaya – isang mabangis na hayop.


Konotasyon

Ang konotasyon naman ay kilala sa pagkaroroon ng idyomatikong kahulugan. Ang kahulugan ng salita ay nakabatay sa pansariling pagpakahuhulugan o sa isang pangkat. Hindi literal ang kahulugan ng salita at karaniwa’y nagpahihiwatig ito ng simbolismo sa isang kaisipan, pag-uugali, o kondisyon.

Halimbawa:

  • puso – pag-ibig
  • aklat – tagumpay
  • buwaya – taong gahaman, ganid, o korap.


Mga Halimbawa

Pansinin ang mga sumunod na halimbawa kung saan ang isang salita ay binigyan ng katuturan sa denotasyon at konotasyon na pamamaraan:

1. araw

  • Denotasyon: (1) bituing nasa gitna ng balangkas ng palaarawa; (2) yunit ng panahon
  • Konotasyon: pag-asa

2. baril

  • Denotasyon: sandata o armas na pinapaputok
  • Konotasyon: karahasan

3. timbangan

  • Denotasyon: kagamitang panukat sa bigat ng isang bagay
  • Konotasyon: hustisya

4. ginto

  • Denotasyon: isang matingkad na dilaw na metal
  • Konotasyon: karangyaan sa buhay

5. puting buhok

  • Denotasyon: puti ang kulay ng buhok
  • Konotasyon: katandaan

 

Denotasyon at Konotasyon

Dahil ang denotasyon at konotasyon ay pagpakahuhulugang pansemantika, kailangang siyasatin nang maigi ang relasyon ng binibigyan-kahulugan na salita sa iba pang salita sa pangungusap. Dito ay malalaman natin kung denotasyon o konotasyon ba ang paraan ng pagpakakahulugan sa  isang salita.

Pansinin ang dalawang pangungusap sa ibaba:

  • Hawak-kamay kayong maglakad para hindi kayo maghiwa-hiwalay.
  • Hawak-kamay tayong lutasin ang problema ng kahirapan sa bansa.

Sa unang pangungusap, kung susuriin ang relasyon ng salitang ‘hawak-kamay’ sa mga salitang ‘maglakad’ at ‘hindi maghiwa-hiwalay’, mahihinuhang literal na maghawak ng kamay ang ibig sabihin ng ‘hawak-kamay’. Ibig sabihin, denotasyon ang paraan ng pagpakakahulugan natin sa ‘hawak-kamay’ sa unang pangungusap.

Samantala, sa ikalawang pangungusap’, kung sisiyasatin ang relasyon ng ‘hawak-kamay’ sa mga salitang ‘lutasin’, ‘problema’, at ‘kahirapan’, malalamang nais ipahayag ng salitang ‘hawak-kamay’ ay pagkakaisa. Dito, ginamit ang ‘hawak-kamay’ upang isimbolo sa kaisipan ng pagkakaisa. Ibig sabihin, konotasyon na paraan ang dapat na gamitin sa ikalawang pangungusap.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento